ANG DIOS BA AY MAY NATATANGING PABALITA PARA SA ATING KAARAWAN?

Si Ramon Umashankar ay ipinanganak na Brahmin. Bata palang siya ay itinuro na sa kanya ng kanyang mga ninuno na siya ay isang diyos at upang makilala niya ang kanyang pagka-dios ay dapat siyang magsanay ng yoga at pagbubulaybulay. Subali't sa kanyang kabataan, si Ramon ay nagsmulang mag-isip kung tunay niyang masusumpungan ang Diyos sa pamamagitan ng sari-saring dios-diosang sinasamba sa mga templo ng mga Hindu.

Sinimulang suriin ni Ramon ang Biblia at ang mga inaangkin ni Kristo. Lagi niyang iginagalang si Jesus sa Kanyang kapakumbabaan, ngunit ngayon ay narinig niyang ang Jesus na ito ay nag-aangking tanging Anak ng Dios. At kanyang napansing ang maraming mga Kristiyano ay mayroong kapayapaang hindi niya nasumpungan sa pagyoyoga at pagbubulaybulay sa maraming taon. Nanatili pa ring buo ang pasya ni Ramon na hanapin ang katotohanan sa kanyang sariling relihiyong Hindu.

Ngunit napanood niya ang isang pelikula tungkol sa buhay ni Kristo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay kanyang napagtanto na si Jesus ay dumanas ng pagdurusa at sindak bilang isang tao. Ang dating nasa isip niya ay ginamit ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan ng pagka-Dios upang makatakas sa pait ng pagkapako sa krus. Subali't ngayon, hindi niya maipaliwanag ang krus. Siya ay nagtataka: Paanong tiniis ni Jesus ang ganong pagdurusa-alang-alang sa mga taong makasalanan?

Habang patuloy na dinidili-dili ni Ramon ang kamatayan ni Jesus ay nakilos siya ng ganong uri ng pagpapahayag ng pag-ibig. Ipinasiya niyang isuko ang kanyang pagiging Brahmin at ituon ang kanyang buhay kay Jesus na Tagapagligtas. Kung ihahambing sa may sakripisyong pag-ibig ni Kristo, sinabi ni Ramon, "Ang lahat ng ibang bagay ay nagkakadurog-durog.."

Nasumpungan ng kabataang Brahmin na ito ang buod ng katotohanan sa Kristiyanismo: Si Jesus ang Tagapagligtas ng sanglibutan.

1. ALING RELIHIYON ANG NAGLILIGTAS?

Si Jesus ang Daan-ang tanging Daan-ng kaligtasan.

"At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas." Ang Mga Gawa 4:12.

Malinaw na itinuturo ng Biblia na tayo ay nawaglit sa kasalanan, at tayo ay napasa ilalim ng kaparusahan ng kasalanan: kamatayan (Mga Taga Roma 6:23). Ang lahat ay nagkasala (Mga taga Roma 3:23), kaya lahat ay haharap sa kamatayan. At si Jesus ang Isa-tanging Isa na makapagliligtas sa atin sa hatol ng kasalanan.

"Ang bawa't tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at Aking ibabangon sa huling araw." Juan 6:40.

Mayroon lamang isang tunay na relihiyon:

"Isang Panginoon, ISANG PANANAMPALATAYA, isang bautismo." Efeso 4:5.

2. ANG DIOS BA AY MAY TANGING PABALITA PARA SA MGA KRISTIYANO SA HULING ARAW?

Oo. Ang may-tatlong-bahaging pabalitang ito ay nasa Apokalipsis 14:6-16. Ang pahayag ng pabalitang ibinibigay ng tatlong anghel ay nagtatapos sa ikalawang pagparito ni Kristo (mga talatang 14-16).

(1) Ang Pabalita ng Unang Anghel.

"At nakaita ko ang isa pang anghel (sugo) na lumilipad sa gitna ng himpapapwid, na may walanghanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan. Sinabi niya sa malakas na tinig, 'Matakot kayo sa Dios at magbigay-luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghatol. Sambahin siya na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng kltubig." Apokalipsis 14:6, 7.

Bagaman ang Kasulatan ay madulang inilalarawan ang tatlong pabalitang ito sa simbolo ng tatlong anghel, ang bayan ng Dios ang mga sugo na aktuwal na naghahatid ng mga ito sa buong sanlibutan. Hindi sila naghahayag ng bagong ebanghelyo, kundi ng "walang hanggang ebanghelyo" sa buong sanlibutan - "sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan." "Ang walang hanggang ebanghelyo" ni Jesus ay siya ring ebanghelyo ng kaligtasan na tinanggap ng mga tao sa pammagitan ng pananampalataya noong mga panahon ng Matandang Tipan (Hebreo 3:16-19; 4:2; 11:1-40); ang gayunding aral na si Jesus mismo ang nagpahayag; ang gayunding ebanghelyo na ipinangaral ng mga alagad upang lupigin ang sanlibutan para kay Kristo; ang pabalitang dumagundong sa mga siglo ng kapanahunang Kristiyano.

Ang payak, nagliligtas na ebanghelyo ni Jesu-Kristo ay halos napawi sa iglesya sa mahigit na isang libong taon ng Panahong Madilim, ngunit muling binuhay ito ng Repormasyon, at ngayon ay ipinangangaral ng bayan ng Dios sa buong sanlibutan. Ang unang anghel ay ipinahahayag ang pabalitang ito ng ebanghelyo, ngunit ibinibigay ito ngayon sa isang bagong kalagayan - sa buong sanlibutan - para sa mga taong nabubuhay bago dumating si Jesus sa pangalawang pagkakataon.

Yaong mga tumanggap ng pabalitang ito ay nasumpungan ang kanilang mga sarili na tinawag upang "matakot sa Dios at magbigay kaluwalhatian sa Kanya [ilarawan ang Kanyang likas]." Ipinakikita nila sa sanlibutan ang likas ng pagibig ng Dios, hindi lamang sa kanilang mga salita, kundi sa kanila ring buhay ng makapangyarihang pagsaksi. Nagkakaloob sila ng kapana-panabik na pagpapahayag ng kung ano ang magagawa ng Dios sa pamamagitan ng mga taong puspos ng Espiritu ni Kristo.

Kailan maipapahayag sa buong sanlibutan ang mga pabalitang ito ng tatlong anghel? Nililiwanag ng Gabay 13 na si Jesus ay nagsimula noong l844 ng Kanyang gawain ng paghatol bago Siya bumalik. Nang taong ding yaon, 1844, binigyan ng inspirasyon ni Jesus ang mga tao sa buong sanlibutan na magsimulang ipangaral ang pabalita ng Apokalipsis 14.

Ang pabalitang ito ay nananawagan sa atin na "sambahin siya na gumawa ng mga langit at ng lupa" [Apokalipsis 14:7]. Nananawagan din sa atin ang Dios na "alalahanin ang araw ng Sabbath upang ipangiling banal" sapagkat "sa anim na araw ang PANGINOON ay ginawa ang langit at ang lupa" [Exodo 20:8-11]. Noong l844 nang iminumungkahi ni Darwin ang teorya ng ebolusyon, ang Dios ay nanawagan sa tao na magbalik sa pagsamba sa Kanya bilang Manlalalang. Nang panahong yaon, yaong mga nangangaral ng pabalita ng tatlong anghel ay nasumpungan ang ikapitong araw na Sabbath ng Salita ng Dios at nagsimulang ipangilin ito sa karangalan ng Lumikha ng langit at lupa.

(2) Ang Pabalita ng Ikalawang Anghel.

"Ang pangalawang anghel ay sumunod at nagsabi, 'Bumagsak! Bumagsak ang Dakilang Babilonya, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng nakakaulol na alak ng kanyang pakikiapid'" Apokalipsis 14:8.

Nagbabala ang ikalawang anghel, "bumagsak ang Dakilang Babilonya." Inilalarawan ng Apokalipsis 17 ang espirituwal na "Babilonya" - ang tumalikod na Kristiyanismo - na isang masamang babae (talatang 5). Siya ay kataliwas ng dalisay na babae ng Apokalipsis 12 na kumakatawan sa tunay na Kristiyanong iglesya. Ang babaeng kumakatawana sa Babilonya ay isang masamang babae na "nagpainom sa lahat ng bansa ng kanyang nakauulol na alak ng kanyang pakikiapid. Ang alak ng mga huwad na aral ay pinalaganap ang mga ganitong hindi dalisay na anyo ng Kristiyanismo. Ang pabalita ng ikalawang anghel ay nanawagan sa bayan ng Dios na labanan ang mga huwad na turo ng tumalikod na Kristiyanismo.

Ang Babilonya ay kumakatawan sa pinaghalong maraming anyo ng tumalikod na Kristiyanismo. Siya ay mapanganib sapagkat binabago niya ang larawan ng Dios at ginagawa niyang mga karikatura: isang Dios na mapaghiganti at mapilit, o Dios na tulad ng isang mairuging ninuno na hindi alumana ang sinuman tungkol sa kasalanan. Ang isang malusog na iglesya ay maghahayag ng isang patas na larawan ng lahat ng mga katangian ng Dios at ipinakikita kung paanong ang Kanyang katarungan at habag ay magsasama sa katotohanang ang Dios ay pagibig.

Ang Dios ay nanawagan sa mga taong "lumabas" mula sa Babilonya [Apokalipsis 18:4], upang tanggihan ang turong hindi batay sa kasulatan at sundin ang mga aral ni Kristo.

(3) Ang Pabalita ng Ikatlong Anghel.

"Ang ikatlong anghel ay sumunod sa kanila at sinasabi sa malakas na tinig, 'Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay, siya man ay iinom ng alak ng kagalitan ng Dios, na ibinuhos nang may lubos na kalakasa sa kopa ng kanyang kagalitan. . . . Walang kapahingahan araw at gabi para sa mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, o sa sinumang tumanggap ng tanda ng kanyang pangalan.' Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, ng mga tumutupad ng mga utos ng Dios at nananatiling tapat kay Jesus' Apokalipsis 14:9-12.

Ang pabalita ng ikatlong anghel ay hinahati ang buong sanlibutan sa dalawang bahagi. Sa isang dako ay nakatayo ang tumalikod na mga Kristiyano na "sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan at tumatanggap ng kanyang tanda sa noo o sa kamay." Sa kabilang panig ay yaong mga tumatanggi sa kapangyarihan ng halimaw, "ang mga banal na tumutupad ng mga kutos ng Dios at nananatiling tapat kay Jesus."

Pasinin ang pagkakaiba ng dalawang nagsasalungatang panig. Yaong mga tumatanggap ng tanda ng halimaw ay mga sumasambang madaling sumunod sa mga likhang-isip at gawain ng tao. Ang mga "banal" ay nagtataglay ng kanilang mapapagkilanlang mga katangian: "matiyagang pagtitiis," pagsunod sa "mga utos ng Dios," at sila ay "nananatiling tapat kay Jesus."

Pagkaraang ang tatlong pabalitang ito ay lumaganap sa buong sanlibutan, si Jesus ay darating upang "anihin" ang mga ligtas:

"Ako'y tumingin, at naroon sa harap ko ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang "isang katulad ng Anak ng Tao' na sa kanyang ulo'y may isang koronang ginto, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit. Lumabas ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig sa nakaupo sa ulap, 'Kunin mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang panahon ng pagaani ay dumating na, at hinog na ang aanihin sa lupa.' Kaya inihagis ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit sa lupa, at ang lupa ay nagapasan" Apokalipsis 14:14-16.

3. ANG IGLESYA NI KRISTO SA HULING ARAW

Humanga ka na ba sa isang malakas, matatag na Kristiyano, namangha sa kanyang katapatan, pagtitiyaga, at pananampalataya, at nagnais din nang gayong karanasang espirituwal? Ibinigay ng Dios ang Kanyang tanging pabalita para sa ating kaarawan sa Apokalipsis 14 sapagkat ito ay makalilikha ng gayong karanasan.

Katulad ng tinalakay sa Gabay 25, ipinakikilala ng Apokalipsis 12:7 na ang mga Kristiyano sa huling araw ay "yaong sumusunod sa mga utos ng Dios at may patotoo ni Jesus." Inilalarawan ng Apokalipsis 14:12 ang grupo ring ito na "mga banal na sumusunod sa mga utos ng Dios at nanantiling tapat kay Jesus."

Ating burin ang mga katangian ng mga Kristiyano sa huling araw:

1. Nananatili sila sa "patotoo ni Jesus." Kahit na ibuhos ni Satanas ang kanyang galit sa kanila, sila'y "nananatiling tapat kay Jesus." Ang kanilang pananamapalatay ay hindi nila sarili, ito'y kaloob ng Dios [Efeso 2:8]. Ang iglesya ng Dios sa huling araw ay nakikita si Kristo na lalong maliwanag sa Kanyang tunay na likas at sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sila'y nagiging buhay na bantayog sa kapangyarihan ni Kristong nananahan sa kalooban.

2. Sila'y "nananatili …. sa pananampalataya ni Jesus" [Apokalipsis 14:12, KJV).Ang pananampalataya ni Jesus, ang pananampalataya na Kanyang itinuro, ang pananampalataya na Kanyang ikinabuhay, ngayon ay pumupuno ng kanilang mga puso. Hindi lamang nila taglay ang katotohanan, "pinanatili" nila ang katotohanan - sinusunod nila ito. Sa kanila ang relihiyon ay buhay, ang paniniwala ay kaugnay ng ginagawa, at ang pananampalataya ay kaakibat ng pagsunod. Ikinabubuhay nila "ang pananampalataya ni Jesus." Natuklasan nila na ang mga dakilang turo ng Biblia, kung iniangkop sa araw-araw na buhay, ay lumilikha ng makapangyarihang buhay Kristiyano. Nasumpungan nila na ang mga dakilang katotohanang ito ng Biblia ay ginigising ang pagibig at pagtatalaga kay Kristo na nagbibigay ng kasiyahan sa bawat pangangailangan at pagnanasa ng puso ng tao.

(3) " Sinusunod nila ang kautusan ng Dios" - ang Sampung Utos, ang moral na kautusan ng Dios. Sa ibabaw ng lahat gusto nilang sundin ang bawat nais ng Dios, ang Kanyang bawat utos. Ipinakikita nila ang kanilang pagibig sa Dios at pagibig sa ibang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kautusan ng Dios, kasama ang ikaapat na utos na umaakay sa atin na sambahin ang ating Manlalalang sa pagbibigay-dangal sa araw ng Sabado, ang ikapitong araw na Sabbath.

(4) Ibinabahagi nila ang pabalita ng "walang hanggang ebanghelyo" sa buong sanlibutan [Apokalipsis 14:6]. Inihahayag ng ebanghelyo na si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan, at nagbangon mula sa libingan upang maranasan natin ang isang nagliligtas na relasyon sa Kanya. Ang iglesya ni Kristo sa huling araw ay nananawagan sa mga tao sa lahat ng dako na lumabas sila mula sa kalituhan sa relihiyon at makiugnay kay Jesus batay na lubos sa katotohanan ng Biblia.

(5) Sila'y pinakikilos ng pagkadama ng mabilis na paggawa sapagkat "ang panahon ng pagaani ay dumating na, sapagkat ang pagaani ng lupa ay hinog na" [Apoalipsis 14:15], at milyon ang hindi pa nasusumpungan si Kristo.

(6) Sila ay nilagom ng kanilang misyon na ibinigay ng Dios. Sapagkat ang "Dakilang Babilonya" ay bumagsak, sila ay sumasamo sa mga namumuhay pa sa kalituhan ng relihiyon, "Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko" [Apokalipsis 18:4]. Ninanais nilang ibahagi ang kanilang kasiya-siyang relasyon kay Kristo at ang kanilang kaligayahan sa bawat sinoman.

Lahat ng ito at mahigit pa ay pinagiisa ang mga puso ng milyong mga Kristiyano sa huling araw na tinawag ng pabalita ng tatlong anghel. Ang kanilang buhay ng kagalakan ang siyang umakay sa kanila na umanib sa alagad na si Juan upang paratingin sa inyo ang paanyayang ito:

"Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Kristo. Isinusulat namin ang bagay na ito upang ang inyong kagalakan ay malubos" I Juan 1:3, 4.

Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at ng Kanyang iglesya, inaanyayahan ka ni Jesus na lumapit at isuko ang lahat sa Kanya:

"Ang Espiritu at ang babaeng ikakasal [iglesya] ay nagsasabi, 'Halika!' Sinuman ang nauuhaw ay pumarito; at ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad" Apokalipsis 22:17.

4. ANG DALAWANG PAG-AANI

Ang mga pabalita ng tatlong sinugong anghel ay hahantung sa pagbabalik si Jesus sa lupa upang anihin ang mga nangaligtas sa lahat ng panahon (Apocalipsis 14:14-16). Tinitipon ni Jesus ang lahat ng nangaligtas upang dalhin sila sa Kanyang "maraming mga tahanan" sa langit (Juan 14:1-3). Kanyang inaalis sa buong panahonang kasalanan, sakit, pagdurusa, at kamatayan. Ang mga banal ay nagsisimula ng mga bagong maluwalhating buhay na kasama Siya sa walang hanggan (Apokalipsis 21:1-4).

Sa Kanyang pagdating ay aanihin din ni Jesus ang mga masasama:

"At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas. At ang ibang anghel . . . ay tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, 'Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kanyang mga ubas ay mga hinog na.' At inihagis ng anghel ang kanyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios. At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio." Apokalipsis 14:17-20.

Ito ay magiging isang kalunos-lunos na panahon ng huling pagkawasak, isang napkalungkot na pangyayari para kay Kristo dahil kailangang wasakin Niya yaong mga nagsisitangging maligtas. Si Jesus ay "matiisin sa inyo, na hindi Niya ibig na ang sinuman ay mapahamak, kundi ang bawa't isa ay magsipagsisi" (2Pedro 3:9).

Kung si Jesus ay dumating at anihin ang sanglibutan, saang uri ng pag-saani ka makakabilang? Ikaw ba ay makakabilang sa hinog na butil ng mga tinubos (Apocalipsis 14:13-16)? O kaya ay sa hinog na ubas ng kagalitan na kasama ng mga mapapahamak (mga talatang 17-20)?

Ang isyu ay maliwanag nang nakatakda. Sa isang panig, si Jesus ay nakatayong bukas ang mga pinakuang palad, hinihiling sa iyong tumayong "kasama ng mga banal na tumutupad ng mga kautusan at nag-iingat ng pananampalataya ni Jesus" (talatang 12). Sa kabilang panig naman ay mga tinig ng mga tao, na pinipilit kang papaniwalaing ang pagsunod sa buong Biblia at sa lahat ng mga kautusan ng Dios ay hindi mahalaga.

Ang maraming mga tao sa hukuman ni Pilato ay naharap din sa ganoon ding isyu. Sa isang panig ay si Jesus, ang taong may likas ng pagka-Dios (Dios-tao). Sa kabilang panig ay si Barabbas, isang taong walang magagawa, ni hindi matulungan ang kanyang sarili lalo na ang mga taong nakasaksi sa kahabag-habag na tanawing yaon. Gayunpaman, nang ang may kapamahalaang tinig ni Pilato ay marinig ng madla, "Alin sa dalawa ang aking palalayain sa inyo?" ang karamihang tao ay sumigaw na may galit, "si Barabbas!"

"Ano ngayon," tanong ni Pilato, "ang aking gagawin kay Jesus, na tinatawag na Kristo?"

Sa nagkakaisang tinig ay sumigaw ang madla, "Ipako Siya sa krus!"

Kaya si Jesus, ang Isang walang kasalanan, ay ipinako sa krus; at si Barabbas, ang isang makasalanan, ay pinalaya. (Tingnan ang Mateo 27:20-26.)

Sino ang iyong pipiliin ngayon, si Barabbas o si Jesus? Pipiliin mo ba ang mga kathang turo ng tao at mga aral na salungat sa mga kautusan ng Dios at salungat sa walang hanggang ebanghelyo ni Jesus? O ninanais mong "sumunod sa mga kautusan ng Dios at manatiling tapat kay Jesus"? Alalahanin, si Jesus ang Siyang nangangakong Kanyang susuguin ang Kanyang Espiritu upang lutasin ang iyong bawa't kaguluhan, pagalingin ang iyong bawa't kapighatian, at bigyan ng kasiyahan ang iyong bawat hangarin.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.