MATATAGPUAN KO BA ANG IGLESYA NG DIOS SA KASALUKUYAN?
Ang
Dios ay malimit na nagbibigay ng mga tanging pabalita upang tugunin
ang mga pangangailangan ng iba't ibang salinlahi: isang pabalita upang
tulungan sina Adan at Eva pagkatapos wasakin ng kasalanan ang kanilang
sanglibutan, isang pabalita sa sanglibutan bago mangyari ang mapamuksang
baha, pabalita para sa Israel nang ang Assyria at Babilonya ay magbanta.
Si Jesus ay dumating na may tanging pabalita para sa Kanyang kapanahunan,
ang Dios ay nagbigay ng isang tanging pabalita para sa ating kapanahunan.
Ang mga kabanatang 12 at 14 ng Apokalipsis ay binubuod ang isng tanging
pabalita ng Dios para sa atin ngayon. Sa patnubay na ito ng TUKLASIN
at sa susunod na gabay ay titingnan natin ang pabalitang iyon.
1.
ANG IGLESYANG ITINATAG NI JESUS
Ang
buhay at mga turo ni Jesus ay nagtatag ng pagkakaisa ng pananampalataya
at malapit na samahan sa iglesya ng mga apostol na Kanyang itinatag.
Ang mga alagad ay nagkaroon ng malapit na kaugnayan sa nabuhay na Kristo.
Inilarawan ni Pablo ang gayong malapit na ugnayan na relasyon ng mag-asawa:
"Sapagka't kayo'y aking pinapag-asawa
sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Kristo na tulad sa dalagang malinis."
2 Korinto 11:2.
Sang-ayon kay Pablo, ang iglesya ng mga Kristiyano ay isang dalisay
o malinis na babae, ang kasintahang babae ni Kristo, ang angkop na sagisag
para sa iglesyang minamahal ni Kristo.
Sa Lumang Tipan ay ganoon ding paghahalintulad ang ginamit upang ilarawan
ang Israel, ang piniling bayan ng Dios. Sinabi ng Dios sa Israel: "bilang
isang babaeng ikakasal ay inibig mo ako" (Jeremias 2:2); "Ako
ang iyong asawang lalaki" (Jeremias 3;14).
Ang
aklat ng Apokalipsis ay nagsasabi rin na ang iglesya ay gaya ng babae:
"At ang isang dakilang tanda ay nakita
sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim
ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong na labingdalawang
bituin." Apokalipsis 12:1.
(1)
Ang babae ay "nararamtan ng araw." Ito ay nagmumungkahi ng
isang iglesya na sumisikat na gaya ng araw, dahil nadadamitan ng maluwalhating
presensya ni Kristo. Si Jesus, "ang ilaw ng sanglibutan" (Juan
8:12), ay lumiliwanag sa pamamagitan ng mga kaanib ng Kanyang iglesya,
at sila naman ay nagiging "ilaw ng sanglibutan" (Mateo 5:14).
(2) Ang babae ay mayroong "buwan sa ilalim ng kanyang mga paa,"
Ang buwan ay kumakatawan sa liwanag ng ebanghelyo sa mga handog at seremonya
ng bayan ng Dios sa Lumang Tipan. Ang buwan na nasa "ilalim ng
kanyang mga paa" ay nagmumungkahi na ang liwanag ng ebanghelyo
ay hinalinhan ng ministeryo ni Kristo.
(3) Ang babae ay mayroong "isang putong na labingdalawang bituin
sa kanyang ulo." Ang mga bituin ay kumakatawan sa labibngdalawang
mga alagad, mga mahal na taong ang patotoo tungkol kay Jesus ay sumisikat
nang maliwanag hanggang sa kasalukuyan.
Maliwanag na ang paglalarawan sa babaeng ito ay nagpapakilalang nasa
isip ni Juan ang pagbabago ng kalagayan mula sa bayan ng Dios, Israel,
sa Lumang Tipan patungo sa Kristiyanong iglesya sa Bagong Tipan na itinayo
ni Jesus. Ang araw, buwan, at mga bituin ay nagdidiin ng nagbibigay-buhay
na paglilingkod ng Kristiyanong iglesya sa pagbabahagi ng Mabuting Balita.
2.
ANG KASAYSAYAN NG PAGKAGAPI NI SATANAS
Ang pagpasok ng babae ang naghanda para sa isang dakilang dula:
"At siya'y nagdadalang tao; at siya'y
sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak.
At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking
dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay, at sa kaniyang
mga ulo'y may pitong diadema. At kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong
bahagi ng mga bituin sa langit, at ipinaghagis sa lupa: at lumagay ang
dragon sa harapan ng babaeng manganganak na, upang lamunin ang kanyang
anak pagkapanganak niya. At siya'y nanganak ng isang anak na lalake,
na maghahari na may panghampas na bakal sa lahat ng mga bansa: at ang
kanyang anak ay inagaw na dinala hanggang sa Dios, at hanggang sa kanyang
luklukan." Apolalipsis 12:2-5.
Tatlong mga tauhan ang kalahok sa dulang ito:
(1) Ang babae, kinilala na, bilang iglesya ng Dios.
(2) Ang anak na lalaki na ipinanganak ng babaeng ito "ay inagaw
na dinala hanggang sa Dios at sa Kaniyang luklukan" at balang araw
ay "maghahari sa lahat ng mga bansa." Si Jesus lamamg ang
tanging batang ipinanganak sa sanglibutang ito na dinala hanggang sa
Dios at sa Kanyang luklukan at maghahari balang araw sa lahat ng mga
bansa.
(3) Ang dragon na kumakatawan sa Diablo o Satanas.
"At nagkaroon ng pagbabaka sa langit:
si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang
dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagbaka; At hindi sila nanganalo,
ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. At inihagis ANG MALAKING
DRAGON, ang matandang ahas, ang TINATAWAG NA DIABLO AT SATANAS, ang
dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kanyang
mga anghel ay inihagis na kasama niya." Apokalipsis 12:7-9.
Ang larawan ay magiging malinaw sandaling maunawaan natin ang mga sagisag.
Nang ang Diablo at ang kanyang mga anghel ay "mawalan ng kanilang
dako sa langit," "sila ay inihagis sa lupa" Nang isilang
si Jesus sa sanglibutang ito, Siya, ang anak na lalaki ay tinangkang
patayin ng Diablo pagkapanganak sa Kanya. Nabigo siya at si Jesus ay
dinala sa luklukan ng Dios.
At tinangka namang lipulin ni Satanas ang Kristiyanong iglesya na itinayo
ni Jesus. Nakita ng alagad na si Juan, na siyang sumulat ng Apokalipsis,
ang tanawin ng malaking tunggalian ni Kristo at Satanas na nag-aalab
sa sanglibutang ito. Habang ang pagbabaka ay nalalapit sa katapusan
sa pagkapako ni Kristo, narinig ni Juan ang isang sigaw mula sa langit:
"Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang
kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kanyang Kristo: sapagka't
inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y
nagsumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi." Apokalipsis
12:10. (Ihambing sa Juan 12:31 at sa Lucas 10:18.)
Si
Jesus ay tiyak na nagtagumpay laban kay Satanas doon sa krus. At pagkatapos
ay Kanyang pinagtibay ang katiyakan ng plano ng "kaligtasan"
at naglaan ng "kapangyarihan" upang pagtagumpayan ang pandaraya
ni Satanas. Ang kaharian ng Dios ay tiniyak, at ang "kapamahalaan"
ng Tagapagligtas ay pinagtibay upang Siya'y ating maging dakilang Saserdote
at Hari.
"Ngayo'y dumating na ang kaligtasan" ang siyang nagpapahayag
na ang pinakaputong na pangyayari ng kasaysayan ay dumating na. Ang
kapanganakan ni Kristo bilang Tagapagligtas ng sanlibutan ay dumating
(talatang 5). Sa kabila ng mabangist na panunukso ni Satanas, si Jesus
ay nabuhay na walang kasalanan, namatay at nabuhay na nagtagumpay sa
kasalanan at kamatayan (talatang 10). Si Satanas noon pa man ay natalo
na magpakailanman (talatang 7-9). Ang krus ay pinalawak sa kanyang buong
kapangyarihan.
Ang pahayag na "ngayon ay dumating ang kaligtasan." ay nakakuha
ng pansin hindi lamang ni Juan, kundi ng buong sansinukob:
"Kaya't mangagalak kayo, Oh mga langit
at kayong nagsisitahan diyan. Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka't
ang diablo'y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya
na kaunting panahon na lamang mayroon siya." Apokalipsis 12:12.
Ipinagdiwang
ng buong kalangitan ang tagumpay ni Jesus. Winasak ni Kristo ang bawa't
inaangkin ni Satanas sa langit, at ang nalupig na si Satanas ay wala
na ring maaangkin pa sa sanglibutan.
3.
ANG KRISTIYANONG IGLESYA AY KATUNGGALI NI SATANAS
Bago umakyat si Jesus sa langit ay Kanyang itinatag ang Kristiyanong
iglesya (kinakatawanan ng babae). Ang kamatayan ni Kristo sa krus ang
nagbigay sa Kristiyanong iglesya ng kapangyarihan upang magapi si Satanas.
"At siya'y (si Satanas) kanilang (ang
Kristiyanong iglesya) dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita
ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang
sa kamatayan." Apokalipsis 12:11.
Maibibigay
na ni Kristo sa Kanyang iglesya ang Kanyang kapangyarihan, ang bunga
ng Kanyang tagumpay . Si Jesus ay walang alinlangang nagtagumpay kay
Satanas doon sa krus, at ngayon ay nagpapatuloy na magtagumpay laban
kay Satanas sa pamamagitan ng Kanyang iglesya. May tatlong mga katangian
na mapagkakakilanlan sa matagumpay na iglesya sa paglipas ng mga siglo
ng panahong Kristiyano.
(1) "Pinagtagumpayan nila siya (Satanas) sa pamamagitan ng dugo
ng Kordero." Si Jesus ay dinala doon sa luklukan ng Dios upang
gawin Niyang mabisa ang Kanyang dugo sa mga buhay ng Kanyang mga tagasunod.
Kaya niyang linisin ang tala ng ating mga kasalanan, iligtas tayo sa
pamamagitan ng Kanyang dugong nabuhos (1Juan 1:7), at bigyan tayo ng
kapangyarihan na mabuhay ng isang malusog na Kristiyanong buhay araw-araw.
(2)
"Hindi nila inibig ang Kanilang mga buhay hanggang sa kamatayan."
Ginawa ng "dugo ng Kordero" na maging handa silang mamatay
para sa kapakanan ni Jesus; hindi sila nasindak sa kamatayan. Ang Dios
ay nagdusang mabuti, kaya ang mga Kristiyanong martir na ito ay handa
ring magdusa at mamatay. Maging ang mga bata ay gumawa nang sukdulan
sakripisyo. Isang kuwento ang isinalaysay tunkol sa isang ina na inihagis
sa mga mabangis na leon sa tanghalang Romano dahil sa kanyang lubusang
katapatan kay Kristo at hindi sa bayan. Ang anak niyang kabataang babae,
sa halip na masindak sa panganib, ay nakaramdam ng taimtim na pagtatalaga
sa kanyang kalooban. Habang sinasalakay ng mga leon ang kaniyang ina,
siya ay tumayo at sumigaw "Ako rin ay isang Kristiyano." Hinuli
siya ng mga pinunong Romano at inihagis din sa mga gutom na hayop.
(3)
"Pinagtagumpayan nila siya (Satanas) sa pamamagitan ng salita ng
kanilang patotoo." Hindi ang mga salita, kundi salita ng kanilang
patotoo-ang patotoo ng kanilang mga buhay, ang kanilang buhay na pagsaksi
sa kapangyarihan ni Jesus at ng ebanghelyo. Sa pinakamadilim na mga
oras ng kapanahunang Kristiyano, isang hukbo ng mga Kristiyano-mula
sa unang iglesya hanggang sa panahong ng mga Protestanteng repormador-ang
nagtagumpay sa pinakamasamang maihahagis sa kanila ng Diablo, sa pamamagitan
ng makapangyarihang patotoo ng kanilang mga buhay.
Ang Apokalipsis 12:11 ay naglalarawan ng isang matagumpay na iglesya
na puno ng mga mananagumpay: mga alagad, mga martir, mga repormador,
at iba pang mga tapat na Kristiyano. Ang kanilang kabutihan, katapatan,
tapang o lakas ng loob at pagtatagumpay na dumadagundong sa pagdaraan
ng mga siglo ang kumilos sa sanglibutan.
Dahil nabigo si Satanas na wasakin si Jesus nang nabuhay Siya sa lupa,
ngayon naman ay sinisikap niyang wasakin ang Kristo na nabubuhay sa
Kanyang iglesya.
"At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig
niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki. At sa babae'y ibinigay
ang dalawang pakpak ng agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa
harap ng ahas hanggang sa kanyang tahanan , na pinagkandilihan sa kanya
nang isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At
ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa likuran ng babae ng tubig na
gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa agos. At tinulungan ng
lupa ang babae at ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na
ibinuga ng dragon sa kanyang bibig."-Apokalipsis 12:13-16.
Gaya
ng pauna nang sinabi, sa Madilim na Panahon ng kapanahunang Kristiyano,
nagsugo si Satanas ng "isang ilog" ng pag-uusig upang "tangayin"
ang iglesya ng "malakas na agos". Ibig wasakin ni Satanas
ang impluwenya ni Kristo sa pamamagitan ng paglipol sa Kanyang iglesya
at gumagamit ng bawat pandarayang kanyang maiisip. Ang Dragon ay kumakatawan
Kay Satanas. Ngunit alalahaning si Satanas ay gumagamit ng mga institusyon
ng tao sa kanyang pagganap bilang dragon upang salakayin ang bayan ng
Dios. Ginamit niya ang haring Romanong si Herodes sa tangkang patayin
ang sanggol na si Kristo karakarakang Siya ay isilang. Gumawa siya sa
pamamagitan ng naninibughong mga relihiyosong kaaway ni Kristo upang
sundan nang lihim at ligaligin ang Tagapagligtas, at sa wakas ay tiyakin
ang Kanyang kamatayan sa krus. Ngunit ang tila tagumpay ni Satanas ay
naging pinakadakilang tagumpay ni Kristo..
Sa matinding galit ni Satanas sa kanyang pagkatalo doon sa krus, ay
ibinaling niya ang kanyang galit laban sa iglesyang itinayo ni Jesus.
Sa panahon ng mga dekada pagkatapos ng pagkapako ni Kristo, libu-libo
ang mga namatay sa Koliseo ng Roma, kulungan, yungib, ilang na mga lansangan.
Ang
paguusig na ito ay unang sinimulan ng mga kapangyarihang sekular. Ngunit
pagkaraan ng kamatayan ng mga alagad, isang dahan-dahang pagbabago ang
pumasok sa iglesya. Sa panahon ng ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo,
marami sa iglesya ang nagsimulang baguhin ang mga katotohanang itinuro
ni Kristo at ng Kanyang mga alagad. Ang ilang tumalikod na mga pinuno
ay sinimulang usigin yaong mga Kristiyanong nananatili sa kadalisayan
ng paniniwala ng Bagong Tipan.
Tinataya
ng mga iskolar na may mga 50 milyong mga tapat ang nangapahamak. Sa
pagsisikap na lunurin ang iglesya at wasakin ito, ang Diablo ay nagpadala
ng "isang ilog" ng pag-uusig upang "lipulin siya (ang
iglesya) sa malakas na agos". Subali't tinulungan ng lupa ang babae
sa pamamagitan ng paglamon sa ilog ng pag-uusig at huwad na turo.
Noong kapanahunan ng mga pag-uusig, ang tunay na iglesya ay lumayo sa
mga tumalikod na pamunuan at nagtago sa "ilang sa isang lugar na
inihanda sa kanya ng Dios, kung saan siya maaring ingatan sa 1,260 araw
(talatang 6). Ang popesiyang ito ay natupad noong 1,260 taon ng pag-uusig
mula A.D. 538 hangang noong 1798 (ang isang araw ay malimit na katumbas
ng isang taon sa sagisag ng propesiya ng Biblia, tingnan ang Ezekiel
4:6).
Sa panahong ito ng madidilim na siglo, ang mga tapat na mananampalatayang
Kristiyano ay nakasumpong ng ligtas na lugar; halimbawa, sa mga parang
ng Waldensia sa gawing kanluran ng Italya at silangan ng Francia, sa
iglesya ng mga Celtic at sa British Isles.
4.
ANG IGLESYA NG DIOS SA ATING KAPANAHUNAN
Inihahatid tayo nito sa ating kapanahunan-sa tunay na iglesya ni Kristo
mula pa noong 1798. Tulad ng inaasahan, ang Dragon ay nagagalit pa rin
sa bayan ng Dios. Ang malaking tunggaliang hindi nakikita ay nagpapatuloy.
Sa katunayan, ginagawa ni Satanas ang kanyang pinakamalakas na pagsalakay
sa iglesya bago dumating si Jesus.
"At nagalit ang Dragon [ang Diablo] sa
babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kanyang binhi, na siyang
nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus."
Apokalipsis 12:17.
Ang propesiyang ito ay nakatuon sa ating kapanahunan. Nagsisiklab ang
galit ni Satanas; sinasalakay niya "ang nalabi" sa "binhi"
ng babae-ang pangkasalukuyang bayan ng Dios. Pansinin ang kanilang mga
katangiang pagkakakilanlan:
(1)
Ang mga mananampalatayang ito sa mga huling araw ay "may patotoo
ni Jesus." May katapatang nanghahawak sa dalisay na mga turo ng
salita ng Dios, nagpapatotoo sila kay Jesus sa pamamagitan ng wastong
pamumuhay Kristiyano.
(2)
Ang mga Kristiyanong ito sa mga huling araw ay mga tao ng propesiya.
Ang pagtanggap "ng patotoo ni Jesucristo" ang siyang dahilan
upang maisulat ni Juan ang Apokalipsis (Apokalipsis 1:1-3). Ang kahulihulihang
grupo ng mga mananampalataya ay tumatanggap din ng ganong kaloob: tuwirang
mga patotoo mula sa Dios sa pamamagitan ng sugo dito sa lupa. Ang kanilang
kaloob ng propesiya ay nakatuon sa kapahayagan ng Dios ng kanilang misyon
at ng kanilang huling hantungan.
(3)
Ang mga Kristiyanong ito sa huling kapanahunan ay makikilala rin bilang
"mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios." Hindi lamang nila
ipinagtatanggol ang katapatan ng Sampung Utos, kundi kanila ring tinutupad
ang mga ito. Ang pag-ibig ng Dios sa kanilang mga puso ay nabubunga
ng kasiyahan ng pagsunod. (Roma 5:5; 13:8-10).
Ang
mga Kristiyanong ito sa huling kapanahunan ay sumusunod sa halimbawa
ni Kristo at ng unang iglesya sa pagtupad ng mga utos ng Dios. Ito ang
higit na nagpagalit sa Dragon-ang Diablo. At nilabanan niya "ang
nalabi" sa "binhi" ng babae, sapagkat sila ay may patotoo
na ang pagibig sa Dios ay lumilikha ng mga masunuring alagad. Gaya ng
utos ni Jesus:
"Kung ako ay inyong iniibig ay tutuparin
ninyo ang aking mga utos." Juan 14:15.
Ang buhay ng mga Kristiyanong ito sa huling mga araw ay nagpapakita
na maari nating ibigin ng ating buong puso ang Dios at ang ating kapuwa
gaya ng ating sarili. Sang-ayon kay Jesus, ang mga katangiang ito, pag-ibig
sa Dios at pag-ibig sa kapuwa tao, ay siyang bumubuo ng Sampung Utos
ng Dios (Mateo 22:35-40).
Hinihiling ng ikaapat na utos sa Sampung Utos na ating ipangilin ang
Sabado, ang ikapitong araw na Sabbhath ng sanglinggo,. Sapagka't ang
pag-ibig kay Jesus ay siyang nagtanim ng lahat ng sampung utos sa kanilang
mga puso, ang mga Kristiyanong ito sa huling mga araw ay mga nangingilin
ng Sabbath.
Ang Sabbath ay nasa pinaka-puso ng huling pabalita ng Dios sa Kanyang
bayan sa Apokalipsis, mga kabanatang 12, at 14:6-15. Ang lahat ng kayamanan
ng langit ay nakaayos na sa likuran ng mga Kristiyano sa huling mga
araw na inilalarawan sa mga kabanatang ito. Ang buhay na Tagapagligtas
ang siyang laging kasama nila, at ang Banal na Espiritu ay gumagawa
upang "palakasin sila na may kapangyarihan ang panloob na pagkatao."
Ang pangako ay tiyak. Mapapagtagumpayan nila si Satanas "sa pamamagitan
ng dugo ng Kordero at sa pamamagitan ng salita ng kanilang patotoo"
(Apokalipsis 12:11).
Ibig mo bang maging isa sa mga Kristiyanong ito sa mga huling araw na
"tumutupad ng mga utos ng Dios" at "may patotoo ni Jesus"?
Bakit hindi mo gawin ang kapasiyahan ngayon?
©
2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.