ANO AT NASAAN ANG IMPEYERNO?

Isang walang katuturang pamamaril ang naganap nang ang isang mag-aaral ay pumasok sa kanyang paaralan at pinatay ang ilan niyang mga kamag-aaral. Isang galit na lalaki na tinanggal sa kanyang trabaho, ang pumasok sa lugar ng dati niyang pinaglilingkuran at binaril ang nakakataas sa kanya. Isang ina ang itinulak ang kanyang kotse sa lawa na kasama ang dalawa niyang mga anak sa loob at sila ay nalunod.

Sa dalawang kontinente libo-libo ang nakatay sa paglipol ng lahi. Daang taon nang sigalutan ng dalawa o higit pang grupo ng lahi ang siyang dahilan. Mga lalaki, babae at mga bata, at kahit mga sangol ay pinagbabaril, pinagputol-putol, binugbog at ginahasa.

Ang parusang kamatayan sa mga marahas na krimeng ito, at nang walang habag na pagpatay ay tinutuligsa ng marami. Mga grupo laban sa parusang kamatayan ay malakas na tumututol, na tinatawag itong isang di-makataong "ritwal ng pagano". Kanilang itinatanong, ang mga mamamatay-tao bang ito ay wala nang katubusan?

Ano ang pinaka-makataong pamamaraan ng pagsasagawa ng kaparusahan sa mga kriminal? Ang silya elektrika? Iniisip ng iba na ang pagturok ng nakamamatay na droga ay siyang pinakamabisa sapagkat walang sakit. Pinipili naman ng iba na madaling mapugto ang buhay kung bibigtihin.

Ngunit sa lahat ng mga masimbuyong pagtatalong ito sa parusang kamatayan, mayroong isang mapipili na walang sinomang nagsasa-alang-alang. Walang sinomang nagmumungkahi na ang mga walang habag na mga mamamatay-tao, na malupit na tumapos ng buhay ng iba, ay magbayad ng pisikal na paghihirap sa pamamagitan ng matinding parusa hanggang sa mamatay. Walang sinoman, halimbawa ang nagmungkahi na ang mga mamamatay-taong ito ay dahan-dahang sunugin hanggang sa mamatay.

Ngunit maraming tapat na mga Kristiyano ang nagpapalagay na ang ating Ama sa langit ay gagawa pa ng higit na masama kaysa rito. Ang mga masasama, sabi nila, ay dapat na papaghirapin upang makabayad sa kanilang mga kasalanan. At higit sa lahat, inilalarawan nila na ang lugar na patayan ng Dios ay isang dako ng walang katapusang pagpapahirap.

Ano naman ang mangyayari sa mga masama? Papaanong aangkop ang kanilang kapalaran sa pag-ibig at katarungan ng Dios? Tingnan natin ang sagot ng Biblia.

1. ANG KATAPUSANG DALAMHATI NI JESUS

Sa loob ng 6,000 taon ang Dios ay laging nakikiusap sa mga lalaki at babae:

"Kung paanong buhay ako, sabi ng PANGINOONG DIOS, wala akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay." Ezekiel 33:11.

Ang krus ay naghayag kung gaano ninanais ng Dios na iligtas ang nagkasalanang sangkatauhan. Nang si Jesus ay sumigaw sa krus, "Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa," Kanyang binuksan ang Kanyang nagdaramdam na puso (Lucas 19:30, 34). Di nagtagal pagkatapos, isinuko ni Jesus ang Kanyang buhay at ang ilan ay naniniwala na Siya ay namatay na wasak ang puso (Juan 19: 30, 34).

Ngunit kahit sa makapangyarihang pagpapakitang ito ng banal na pag-ibig, maraming pa ring mga tao ang hindi magbabalik kay Jesus. At habang ang kasalanan ang naghahari sa sanlibutang ito, ipagpapatuloy pa ring paramihin nito ang kalungkutan ng sangkatauhan. Kaya ang kasalanan ay dapat na puksain. Papaanong pinanukala ng Dios na tapusin ang kasalanan?

"Ngunit darating ang araw ng Panginoon . . . at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy, at ang LUPA AT ANG MGA GAWANG NAROROON AY MASUSUNOG." 2 Pedro 3:10.

Sa wakas ay dapat na linisin ng Dios ang masama sa sanlibutan at wakasan ang kasalanan. Yaong mga magpapatuloy sa pagkakasala ay pupuksain sa katapusan sa pamamagitan ng apoy na inihandang pamuksa sa Diyablo, sa kanyang mga anghel, at sa kasalanan sa ating sanlibutan. Isang nakapanlulumong panahon para kay Jesus na Kanyang makita na nilalamon ng apoy ang minsa'y pinagkamatayan Niya upang iligtas.

2. SAAN AT KAILAN MASUSUNOG ANG IMPIYERNO?

Kasalungat ng ilang bantog na kaisipan, ang Dios ay walang isang apoy na nasusunog ngayon sa isang lugar na tinatawag na "impiyerno" kung saan ang mga makasalanan ay magtutungo pagkamatay. Ang impiyerno ay mangyayari kapag ang lupang ito ay naging lawa ng apoy. Ang Dios ay naghihintay upang isagawa ang hatol sa mga makasalanan hanggang sa katapusang paghuhukom sa katapusan ng 1,000 taon (Apokalipsis 20:9-15).

"Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan HANGGANG SA ARAW NG PAGHUHUKOM." 2 Pedro 2:9.

Kanya ring lilinisin ang ating sanlibutan ng dumadalisay na apoy na ito.

"Ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilaan para SA ARAW NG PAGHUHUKOM at sa paglipol sa masasamang tao." 2 Pedro 3:7.

Ang Dios ay hindi kailan man pinanukala para sa sinomang tao na wakasan ang kanyang buhay sa mga apoy ng impiyerno. Ngunit kapag ang mga tao ay tumangging humiwalay kay Satanas at humahawak sa kanilang mga kasalanan, sa huli'y tatanggap sila ng bunga ng kanilang pagpili.

"Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, doon kayo sa apoy na walang hanggan na INIHANDA SA DIYABLO AT SA KANYANG MGA ANGHEL." Mateo 25:41.

Sangayon kay Jesus, kailan matutupok ang impiyerno?

"Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari SA KATAPUSAN NG PANAHON (SANLIBUTAN). susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga ANGHEL, at kanilang TITIPUNIN NILA SA LABAS ng kanyang kaharian ANG LAHAT NG MGA SANHI NG PAGKAKASALA AT MGA GUMAGAWA NG KASAMAAN. AT ITATAPON NILA ANG MGA ITO SA PUGON NG APOY, na magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin." Mateo 13:40-42.

Ang mga damo, ang mga gumagawa ng kasamaan, ay hindi susunugin hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Bago isagawa ang hatol, ang sansinukob ay dapat na makatiyak na ang Dios ay makatarungan sa Kanyang pakikitungo sa bawat tao. Gaya ng pagkadetalye sa Gabay 22, sa dakilang tunggalian na nagpapatuloy sa pagitan ni Cristo at ni Satanas, si Satanas ay palaging nagtatangka na patunayan sa buong sanlibutan na ang landas ng kasalanan ay siyang higit na mabuting daan; si Jesus ay patuloy na ipinakikita na ang daan ng pagsunod ay siyang susi sa isang higit na kasiyasiyang buhay.

Sa katapusan ng 1,000 taon, ang pagpapakitang ito ay magtatapos sa paghatol kay Satanas, sa kanyang mga anghel at mga makasalanan. Pagkatapos na buksan ang mga aklat na naghahayag ng bahagi ng bawat tao na ginawa sa dakilang dulang ito, itatapon ng Dios si Satanas, ang kamatayan, at ang libingan, kasama ng bawat isa na ang pangalan "ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay. . . sa lawa ng apoy" (Apokalipsis 20::14-15). Sangayon sa kasunod na talata, Apokalipsis 21:1, pagkatapos na linisin ng Dios ng apoy ang lupa mula sa kasalanan, Siya'y lilikha ng "isang bagong langit at isang bagong lupa."

3. GAANO KATAGAL MASUSUNOG ANG IMPIYERNO?

Maraming mga mananampalataya ang tinatanggap ang kaisipan na ang apoy sa impiyerno ay magpapatuloy na walang hanggan, na nagbubunga ng walang hanggang pagpapahirap. Maingat nating tingnan ang talata na nagpapakita ng pakikitungo ng Dios sa kasalanan at sa mga makasalanan.

"Na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Dios at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. Ang mga ito'y tatanggap ng KAPARUSAHANG WALANGHANGGANG PAGPUKSA at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan." 2 Tesalonica 1:8, 9.

Pansinin na ang "walang hanggang pagpuksa" ay hindi kagaya ng "walang hanggang pagpapahirap". Ito'y nangangahulugan lamang ng isang pagpuksa na tatagal na walang hanggan. Ang bunga ay walang hanggang kamatayan. Si Pedro ay nagsasalita ng isang araw ng paghuhukom at "paglipol sa mga masasamang tao" (2 Pedro 3:7).

Sangayon kay Jesus, ang "kaluluwa at katawan" ay kapwa napupuksa sa impiyerno (Mateo 10:28). Sa Kanyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus ang tungkol sa makipot na pintuan "na patungo sa buhay", at ang malapad na daan na "patungo sa pagkapahamak' (Mateo 7:13,14). Sa Juan 3:16 ipinaliliwanag ni Jesus na "ibinigay ng Dios ang Kanyang bugtong na Anak," upang yaong mananampalataya ay hindi "mapahamak, kundi magkaroon ng walang hanggang buhay." Pinaghahambing ni Jesus ang dalawang kapalaran: walang hanggang buhay o pagkapahamak-hindi nasusunog nang walang hanggan. Dapat nating buurin na ang impiyerno ay tiyak na may katapusan; ito'y magbubunga sa kamatayan at pagpuksa ng mga makasalanan.

Maliwanag na mga pangungusap sa buong Kasulatan ang nagsasabi sa atin na ang mga makasalanan ay pupuksain. "Ang mga anak ng masama ay ititiwalag" (Awit 37:28), sila'y "mapapahamak" (2 Pedro 2:12), "sila'y mawawala gaya ng usok" (Awit 37:20).. Ang apoy ay gagawin silang abo (Malakias 4:1-3. "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan," hindi walang hanggang buhay sa impiyerno; "ang kaoob ng Dios ay walang hanggang buhay" (Roma 6:23).

Ang layunin ng katapusang kaparusahan sa impiyerno ay upang makalaya ang sangkatauhan sa kasalanan, hindi para ingatan ang kasalanan nang walang hanggan. Lubos na mahirap na ilarawan sa isip na ang Kristong tumangis sa kapalaran ng matigas-ang-ulong Jerusalem at siyang nagpatawad sa kanila na pumatay sa Kanya, ay makagugugol ng walang hanggan sa pagbabantay sa mga paghihirap ng mga sinumpa.

Ang impiyerno ay tiyak na may kawakasan. Sa katapusan ng 1,000 taon, ang Dios ay magpapaulan ng apoy mula sa kalangitan at papawin ang Diyablo, ang kanyang mga anghel at ang mga makasalanan. "Apoy" ang "bababang mula sa langit" at tutupukin sila (Apokalipsis 20:9).

Ayon kay Jesus ang apoy ay "hindi mapapatay" (Mateo 3|12). Walang pamatay-sunog ang makakapatay sa apoy hanggang sa magawa nito ang kanyang gawain ng lubos na pagpuksa.

Nangangako ang Dios na mula sa dumadalisay na apoy na ito, Siya'y "lilikha ng isang bagong lupa," na kung saan "ang mga lumipas na kaguluhan ay malilimutan;" at "ang tinig ng pagtangis at pananambitan ay hindi na maririnig" (Isaias 65:16-19).

Anong ligaya sa araw na yaon! Ang bawat sanhi ng dalamhati ay mapaparam. Papawiin ng Dios ang mga sugat ng kasalanan sa bawat puso, at ang kaligayahan natin ay magiging ganap.

4. ANG "WALANG HANGGAN" SA KASULATAN

Sa Mateo 25:41 si Jesus ay nagsasalita ng "walang hanggang apoy na inihanda sa Diyablo at sa kanyang mga anghel." Ang "walang hanggan" ba rito ay tumutukoy na ang impiyerno ay magpakailanman? Ang Judas 7 ay ipinakikilala ang Sodoma at Gomora "bilang isang halimbawa niyaong naghihirap sa kaparusahan ng walang hanggang apoy." Walang alinlangan na ang mga lungsod na yaon ay hindi na naglalagablab pa. Ngunit ang apoy ay WALANG HANGGAN sa kaisipan na ito'y nagbunga ng palagiang pagkawasak.

Sa II Pedro 2:6 ay minsan pang mababasa natin ang walang hanggang apoy. Ngunit ang kasulatang ito ay maliwanag ding itinuturo sa atin na "sinumpa ng Dios ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila hanggang sa maging abo, at ginawa silang halimbawa ng mangyayari sa mga makasalanan." Ang mga makasalanan ng Sodoma at Gomora ay hindi na nagpapatuloy pa sa kapighatian; sila'y matagal nang naging abo. Subalit ang apoy na tumupok sa kanila ay "walang hanggan" ang bungang dulot-palagiang pagkawasak. Ang walang hanggan ay nangangahulugang palagiang parusa, hindi pinaparusahan.

Dahil ang aklat ng Apokalipsis ay gumagamit ng maliwanag at simbolikong pangungusap, ang iba niyang mga sipi ay hindi naunawaan. Halimbawa, ang Apokalipsis 14:1 ay nagsasabi ng tungkol sa mga waglit, "ang usok ng kanilang pagdurusa ay pumapailanglang magpakailan pa man." Ito'y waring gaya ng walang katapusang paghihirap. Ngunit, muli, hayaan nating ang Kasulatan ang magbigay-kahulugan sa Kasulatan.

Ang Exodo 21:6 ay nagsasabi ng isang alipin na ang kanyang tainga ay binutasan bilang palatandaan na siya'y maglilingkod sa kanyang Panginoon nang "walang hanggan." Sa kasong ito ang "walang hanggan" ay habang ang aliping ito ay buhay. Si Jonas na gumugol ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng isda (Mateo 12:40), ay nag-uulat na siya'y naroon nang "walang hanggan" (Jonas 2:6). Walang pag-aalinlangan na ang tatlong araw sa malansang kadiliman ay gaya ng walang hanggan.

Kaya dapat tayong maging maingat upang maunawaan kung papaano at kailan gumagamit ang Kasulatan ng mga masagisag at matulaing pangungusap. Ang usok na pumapailanglang nang walang hanggan mula sa lawa ng apoy ay maliwanag na paraan ng pagpapahayag ng walang hanggang pagpuksa. Ang Apokalipsis 21:8 ay maliwanag na nagsasaad sa atin na ang lawa na naglalagablab ng apoy at asupre ay ang "ikalawang kamatayan." Ang impiyerno ay may katapusan. Ang masasama ay matutupok; sila'y mawawasak.

5. BAKIT MAGKAKAROON PA NG IMPIYERNO?

Sa pasimula ang Dios ay lumikha ng isang sakdal sa sanlibutan. Ngunit ang kasalanan ay pumasok at nagdala ng sakuna, kabulukan, at kamatayan. Kapag ikaw ay bumalik sa tahanan isang gabi at masumpungan ang iyong tahanan na hinalughog at wasak, pababayaan mo bang gayon na lamang nang walang hanggan? Siempre hindi. Wawalisin mong palabas ang dumi at mga basura, lilinisin ang lugar mula sa itaas hanggang sa ibaba, at itatapon ang mga kasangkapang nasira na hindi na maaayos. Gayon din ang gagawin ng Dios. Kanyang aayusin ang mga kasiraan at mga karumihan ng kasalanan nang minsanan, na lilikha ng bagong lupa sa lugar nito. Ang layunin ng Dios sa pagkakaroon ng sanlibutang ito na dinalisay sa pamamagitan ng apoy ay ihanda ang daan para sa isang sakdal na sanlibutan para sa mga banal na titira roon.

Ngunit ang Dios ay nahaharap sa isang maselang suliranin sapagkat ang kasalanan ay hindi lamang winawasak ang pisikal na sanlibutan, ito'y hinawahan din ang mga tao. Ang kasalanan ay sumira sa ating relasyon sa Kanya at sa isa't isa. Ang sangkatauhan ay patuloy na sinasalot ng pag-abuso sa mga bata, terorismo, pornograpiya, at isang libong iba pang mga kanser ng kaluluwa. Dapat na balang araw ay wasakin ng Dios ang kasalanan dahil sinisira ng kasalanan ang mga tao. Ang suliranin ng Dios ay ito: Papaanong aalisin ang nakamamatay na kamandag ng kasalanan mula sa sanlibutan na hindi naman masisira ang lahat ng tao na nahawahan nito? Ang kanyang paglutas ay kunin ang kamandag sa Kanyang sariling katawan; Kanyang pinahintulutang na Siya ay wasakin sa krus ng kanser ng kasalanan. Bilang bunga:

"Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at TAYO'Y LILINISIN SA LAHAT NG KALIKUAN." 1 Juan 1:9.

Iniaalok ng Dios nang walang bayad sa sinoman ang Kanyang lunas sa suliranin ng kasalanan. Ngunit ang malungkot na katunayan ay, ang iba'y nagpipilit na mangapit sa karamdaman ng kasalanan. At hindi pipilitin ng Dios ang tao na piliin ang Kanyang paraan ng walang hanggang buhay. Yaong mga tumatanggi sa Kanyang lunas ay lalamunin sa wakas ng karamdaman. Ang tunay na dahilan para sa impiyerno ay ito:

"Sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot, nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran." Isaias 65:12.

Nahiwalay mula kay Jesus sa pamamagitan ng kanilang sariling pagpili, masusumpungan ng masasama na ang tanging mapipili lamang ay walang hanggang kamatayan.

6. ANO ANG MAGIGING HALAGA KUNG MAWAGLIT?

Bagama't ang Kasulatan ay hindi nagtuturo na ang apoy sa impiyerno ay nagbubunga ng walang hanggang pagdurusa, ito'y nagbibigay sa atin ng sulyap kung anong kakilakilabot na karanasan ang maging waglit. Ang masasama ay hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan. Anong nakasisindak na karanasan na ang kagalakan ng walang hanggan ay nakawala sa kanilang mga kamay, na kailan ma'y hindi na nila makakamtan ang lubos na kagalakan ng sakdal, mapagmahal na pagsasamahan sa buong panahon.

Nang si Jesus ay mabayubay sa krus na dala ang kasalanan ng sanlibutan na nagpahiwalay sa Kanya sa Kanyang Ama, naramdaman Niya ang pait ng walang hanggang pagkawaglit. Sa pagtingin ng masasama sa maitim na hungkag sa kanilang unahan, nakikita lamang nila ang walang hanggang pagkawasak. Sila'y mamamatay na walang pag-asa ng ikalawang pagkabuhay na mag-uli. Kasabay nito, nakikita nila kung papaano nilang itinulak si Kristo na palayo sa tuwing Siya'y lumalapit na may alok na pag-ibig. Sa wakas sila'y lumuhod at kinilala ang katarungan at pag-ibig ng Dios (Filipos 2:10,11).

Hindi nakapagtataka na ang mga sumuulat ng Biblia ay mapilit na hinihimok tayo sa kahalagahan ng ating mga pagpili at pagaangkin ni Kristo..

"Nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios nang walang kabuluhan. Sapagkat sinasabi Niya, 'Sa panahong kanaisnais ay pinakinggan kita, at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.' Sinasabi ko sa iyo, NGAYON ang panahong kanais-nais, NGAYON ang araw ng kaligtasan." 2 Corinto 6:1-2.

Wala akong ibang naiisip na higit pang malubhang kapahamakan kaysa sa isa na sinayang ang walang kapantay na sakripisyo ni Jesus at pinili pa na siya ay mawaglit. Ang mapagpipilian lamang na nasa harap natin ay lubos na maliwanag: walang hanggang pagkapahamak-walang katapusang pagkabukod sa harap ng Dios, o isang walang hanggang pakikipagkaibigan kay Kristo na tinutupad ang pinakamalalim nating pagnanais. Alin ang iyong pipiliin para sa iyong sarili? Bakit hindi mo tuklasin ang iyong kapalaran kay Kristo ngayon?


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.