ANG DIOS BA'Y MAKATARUNGAN?

Isang batang lalaki sa loob ng lunsod ang namatay sa tama ng isang ligaw na bala ng gang samantalang siya'y gumagawa ng kanyang araling-bahay sa mesa ng pamilya.

Isang kabataang ina sa labas ng bayan ang nasumpungan ang kanyang anak na nagkaroon ng AIDS mula sa isang kontaminadong pagsasalin ng dugo.

Ang mga trahedya ay nagpapatuloy sa ating sanlibutan. At tayo'y lubos na naghihintay ng isang kasagutan sa lahat ng mga ito. Nasaan ang Dios sa isang sanlibutan ng kawalang-kabuluhang pagdurusa at kamatayan? Ang mangaawit ay tinitiyak sa atin na
" puno ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig" (Awit 33:5).

Kung ito ay totoo, bakit hindi Niya wakasan ang paghihirap at mga trahedya? Ang ika-20 kapitulo ng Apokalipsis ay nagpapakita sa atin kung papaano at kailan tatapusin ng Dios ang pagdurusa.

1. ANG ISANG LIBONG TAON AY NAHAYAG

Ang Apokalipsis 20 ay bumabanggit sa panahon ng 1,000-taon na kasunod ng ikalawang pagparito ni Kristo. Ang mga pangyayaring nakapalibot sa kapanahunan ng 1,000-taon ay siyang pangwakas na tunggalian ni Kristo at ni Satanas na nagpapatuloy buhat nang pumasok ang kasalanan sa sanlibutan.

Ang dula ay nagpasimula sa langit nang si Lucifer ay nainggit kay Kristo, nagpasimula ng digmaan laban sa di-nahulog na mga anghel, pinaalis, at tumakas sa ating sanlibutan. Ang dula ay nagpatuloy sa lupa sa Halamanan ng Eden, hanggang sa pagdaraan ng mga siglo hanggang sa makarating ito sa unang sukdulan nang ang Demonyo ay udyukan ang sangkatauhan na ipako sa krus si Kristo. (Maaari mong pagbalik-aralan ang malungkot na kasaysayang ito sa Gabay 3). Ang dula ay makaaabot sa kanyang katapusang sukdulan sa pagtatapos ng 1,000-taong kapanahunan kapag ang ating makasalanang sanlibutan ay nilinis at inilagay sa ilalim ng pangangasiwa ni Kristo. Ang Apokalipsis 20 ay nagpapakita sa atin na ang 1,000-taong kapanahunan ay pinaghihiwalay ang dalawang pagkabuhay na mag-uli.

Sino ang ibabangon ng Dios mula sa mga patay sa unang pagkabuhay na mag-uli na mangyayari sa pasimula ng 1,000 taon?

"Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Dios at ni Kristo, at maghaharing kasama Niya sa loob ng isang libong taon." Apocalipsis 20:6.

Ang "mapalad at banal," ay yaong mga tumanggap kay Jesus bilang kanilang Tagapagligtas, at babangon sa "unang pagkabuhay na mag-uli." Kung ang mga banal ay maghaharing "kasama ni" Kristo sa loob ng 1,000 taon, sila"y dapat na buhayin sa pagpapasimula ng 1,000 taon.

Sino ang mga ibinangon sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli pagtatapos ng isang libong taon?

"Ang iba sa mga patay an hindi nabuhay hanggang sa matapos ang isang libong taon." Apokalipsis 20:5.

Ang "iba sa mga patay" ay maaaring tumutukoy lamang sa mga masasamang patay, dahil ang mga banal, "ang mapalad at banal," ay binuhay na sa pasimula ng 1,000 taon.

Kaya ang 1,000 taon ay tinatandaan ng dalawang pagkabuhay na mag-uli, ang pagkabuhay na maguli ng mga banal sa pasimula nito, at ang pagkabuhay na maguli ng mga masasama pagkatapos.

2. BUBUHAYING MULI SA PAGDATING NI KRISTO

Ang unang pagkabuhay ng mga banal ay magaganap sa ikalawang pagparito ni Kristo.

"Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, na may trumpeta ng Dios at ANG MGA NAMATAY KAY KRISTO AY BABANGON MUNA. Pagkatapos TAYONG NABUBUHAY na natitira AY AAGAWING KASAMA NILA sa mga ulap, UPANG SALUBUNGIN ANG PANGINOON SA PAPAWIRIN. At sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailan man." 1 Tesalonica 4:16, 17.

Sa muling pagparito ni Jesus, Kanyang ibabangon "ang mga namatay kay Kristo" at dadalhin sila sa langit na kasama ng mga banal na nabubuhay. Dahil ang masasama ay nakakapit pa sa kasalanan, hindi sila mabubuhay na harapan ng Dios, at sila'y pupuksain sa pagdating ni Kristo (Lucas 17:26-30). (Maaari mong pagbalik-aralan sa Gabay 8 ang mga pangyayari na nakapalibot sa pagbabalik ni Jesus).

3. SI SATANAS AY KINADENAHAN SA LUPA SA LOOB NG ISANG LIBONG TAON

Kapag nagpasimula ang 1,000 taon, ang mga banal ay nasa langit na at ang mga masasama ay patay nang lahat. Ano ang mangyayari sa sanlibutang ito sa loob ng 1,000 taon?

"At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas at ginapos siya ng isang libong taon, at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon." Apocalipsis 20:1-3.

Sa pagparito ni Jesus si Satanas ay gagapusin at mananatiling nakagapos sa loob ng 1,000 taon. Saan nakabilanggo si Satanas? Sa "Kalaliman" isang salitang Griego na nangangahulugang "napakalalim" o "di-matarook." Sa Genesis 1:2 ang saling Griego ng Lumang Tipan ay gumagamit ng salitang "Kalaliman." upang ilarawan ang lupa sa hindi pa maunlad na kalagayan bago nagpasimula ang mga araw ng paglikha. Kaya ang lupa ay siyang "Kalaliman" na kung saan ibinilanggo ng Dios si Satanas.

Ang Kasulatan ay nagpapakita na si Satanas ay ginapos sa pamamagitan ng "isang dakilang kadena." Ito ba ay literal na kadena? Hindi, ito ay simboliko lamang, isang kadena ng mga pangyayari. Si Satanas ay iibiging higit na magpatuloy sa panunukso sa mga tao sa loob ng 1,000 taon. Ngunit wala siyang masussumpungan banal para tuksuhin sapagkat silang lahat ay nasa langit. Wala rin siyang mapangunahang masasama, sapagkat silang lahat ay patay, natutulog sa alikabok ng lupa. Walang matutuksong sinoman, siya'y naglilibot sa sanlibutang walang laman, na sapilitang binubulay-bulay ang lahat ng mga kapighatian at mga trahedyang kanyang ginawa.

4. HAHATULAN NG MGA BANAL ANG MGA MAKASALANAN

Ang isang libong taong ay panahon din ng paghatol. Ngunit alalahaning ang paghuhukom ay binubuo ng apat na pangunahing bahagi:

(1) Ang paghuhukom sa mga banal bago ang Ikalawang Pagparito ni Kristo..
(2) Ang paghuhukom sa mga banal sa Ikalawang Pagparito.
(3) Ang paghuhukom sa mga masasama sa panahon ng 1,000 taon.
(4) Ang gantimpala ni Satanas at ng mga masasama sa katapusan ng panahong yaon. {Maaaring mong pagbalik-aralan ang Gabay 13 tungkol mga bahaging 1 at 2 ng paghuhukom, ang pagsisiyasat at gantimpala ng mga banal}. Titingnan na natin ang bahaging 3 at 4, ang pagsisiyasat at gantimpala ng mga makasalanan

Makita natin na ang mga patay na banal na ibinangon at ang mga banal na nabubuhay ay dinala sa langit na magkakasama sa ikalawang pagparito ni Kristo. Sila'y nasa tahanan sa langit sa panahon ng 1,000 taon. Ano ang kanilang gagawin?

"Hindi ba ninyo nalalaman na ang MGA BANAL (ang maliligtas) AY HAHATOL SA SANLIBUTAN? . . . Hindi ba ninyo nalalaman na ating HAHATULAN ANG MGA ANGHEL?" 1 Corinto 6:2, 3.

"NAKAKITA AKO NG MGA TRONO, AT ANG MGA NAKAUPO SA MGA IYON AY PINAGKALOOBAN NG KAPANGYARIHANG HUMATOL . . . SILA'Y NABUHAY AT NAGHARING KASAMA NI CRISTO SA LOOB NG ISANG LIBONG TAON." Apokalipsis 20:4.

Sa panahon ng 1,000 taon, ang mga banal ay magsisiyasat sa mga usapin ng mga makasalanang tao at ng mga nagkasalang mga anghel, kasama ang kanilang pangulo, si Satanas. Gaano kaangkop para sa mga martir, sa mga nagtagumpay, at sa mga sanay-sa-digmaan na mga tagatangkilik ng ebanghelyo na siyasatin at maunawaan ang paghuhukom ng Dios sa mga makasalanan.

Ang Dios ay mabiyayang nagbigay sa mga tinubos ng pagkakataon na pahalagahan ang Kanyang pakikitungo sa mga makasalanan. Maaaring marami tayong mga katanungan, gaya ng: "Bakit wala ang aking tiyahin dito? Siya'y waring isang mabuting tao." Kapag ating siniyasat ang mga talaan at hatulan ang mga patay "sangayon sa kanilang ginawa gaya ng nakatala sa mga aklat" (talatang 12), makikita natin para sa ating sarili na sa lahat Niyang pakikitungo sa mga tao, ang Dios ay naging makatarungan at matuwid sa lahat. Makikita natin kung papaanong ang Banal na Espiritu ay nagalok sa tao ng pagkakataon na sumuko sa Dios, at ang katarungan ng bawat hatol ay magiging maliwanag.

5. SI SATANAS AY PINAKAWALAN PAGKARAAN NG ISANG LIBONG TAON

Sa pagtatapos ng 1,000 taon, ang Biblia ay nagpahayag:

"At nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Dios, na nakahanda gaya ng isang babaeng ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa." Apocalipsis 21:2.

Ang kahangahangang lunsod na ito ay magiging tahanan natin sa loob ng isang libong taon. Ngayon ang Banal na Lungsod-kasama sa loob si Kristo at lahat ng mga taong Kanyang tinubos-ay bababa sa ating sanlibutan mula sa langit.

Ano ang gagawin ni Satanas sa katapusan ng isang libong taon?

"At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan, at lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, . . upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. Sila'y umakyat sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lungsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok." Apocalipsis 20:7-9.

Ang mga makasalanan ay binuhay sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli sa pagtatapos ng 1,000 taon (talatang 5). Nang ang mga banal ay bumaba sa lupa sa loob ng Banal na Lungsod at ang masasama ay binuhay, si Satanas ay "pakakawalan sa maikling panahon" (talatang 3). Muli niyang pangungunahan ang mga masasama upang kanilang salakayin ang mga banal. Hindi nag-aaksaya kahit isang sandali, kaagad niyang itatatag ang masasama na isang malaking hukbo. Ibinigay ni Satanas ang utos na lusubin ang lungsod. Habang ang masasama'y kinukobkob ang palibot ng Bagong Jerusalem (talatang 9), kanilang nasulyapan ang sindak ng pagiging-waglit-waglit na walang hanggan.

6. ANG TANAWIN NG KATAPUSANG PAGHUHUKOM

Dito, sa unang pagkakataon, ang lahat ng lahi sa sangkatauhan ay magkakatagpo-tagpo nang mukhaan. Pangungunahan ni Jesus ang mga tinubos na anak ng Dios na nasa loob ng lungsod. Si Satanas ang nangunguna sa libo-libong mga tao na nasa labas ng mga pader. Sa maselang sandaling ito, isinagawa ng Dios ang katapusang yugto ng paghuhukom at ang mga makasalanan ay tatanggap ng kanilang araw sa hukuman.

"At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon . . .At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at . . . ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon na nakatala sa mga aklat." Apkcalipsis 20:11,12.

Habang nakatayo ang masasama sa harap ng trono ng kahatulan, ang buong buhay nila ay nabuksan sa harap nila. Mula sa mga talaan na iniingatan sa langit, si Jesus, ang matuwid na Hukom, ay binuksan ang buong kasaysayan ng Kanyang pakikitungo sa mga nagkasalang mga lalaki, at babae at mga anghel.

Ang buong sangkatauhan ay nakatingin na may masidhing pananabik. Nakatayo sa harap ng luklukan ng Dios, ibinibigay ni Jesus sa lahat ang isang maraming-saklaw na tanawin ng Kanyang tumutubos na gawain. Kanyang inihayag na Siya'y naparito upang hanapin at iligtas ang mga nawawala. Siya'y pumasok sa ating sanlibutan na nasa katawang-tao, nabuhay na isang walang kasalanan sa gitna ng mga pakikipagpunyagi at mga tukso, ginawa ang pangwakas na sakripisyo sa krus, at naglingkod bilang Pari sa langit. Sa wakas, nang si Kristo ay malungkot na humakbang patungo sa unahan at pinatawan ng hatol ang patuloy na nagtatakwil sa Kanyang biyaya, ang bawat isa sa sangkatauhan ay kikilalanin ang katarungan at pangangailangan ng panghuling yugtong ito ng banal na paghuhukom.

"Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios. Sapagkat nasusulat, 'kung paanong buyay ako,' sabi ng Panginoon, 'ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magpupuri sa Dios."' Roma 14:10-11.

"Si Kristo Jesus . . . ay naging masunurin hanggang sa kamatayan-maging sa kamatayan man sa krus! . . . upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, . . .at ipahahayag ng bawat dila na si Jesu-Kristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama." Filipos 2:5-11.

Buhat nang magsimula ang kasalanan, ang Diyablo ay sinisiraang-puri ang likas ng Dios, na pinagbibintangan na Siya ay hindi makatarungan. Ngunit ngayon ang lahat ng mga katanungan ay nasagot, ang lahat ng mga kalituhan ay nalutas. Ngayon ang bawat tao sa sanlibutan ay kinikilala na si Jesus, ang Kordero ng Dios, ay karapat-dapat sa ating pag-ibig at pagsamba. Ang buong panukala at layunin ng Dios ay lubos na nahayag, at ang likas ng Dios ay tumayong pinagtibay ng katwiran.

Hindi lamang ang mga ligtas, kundi pati ang mga masasamang anghel at si Satanas mismo ay magpapahayag na ang paraan ni Satanas ay mali sa simula pa at ang mga paraan ng Dios ay matuwid at tunay. Makikita ng lahat na ang masama at pagkamakasarili ay umakay lamang sa kalungkutan at kawalang kasiyahan at hindi karapatdapat na ipagpatuloy.

7. NATAMO NG KASALANAN ANG KATAPUSAN NITO

Bagama't tinanggap ni Satanas at ng lubhang karamihang nagkakatipong masasama na ang pamamaraan ng Dios ay tama, ang kanilang mga puso ay hindi nabago; ang kanilang mga likas ay nanatiling masama. Pagkatapos na ipahayag ang hatol, ang mga makasalanan ay:

"Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lungsod na minamahal. Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok. At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre . . . Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. Ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy." Apocalipsis 20:9-15.

Sa katapusang paghuhukom ang apoy ng walang hanggang Dios ay pupuksa sa kasalanan at yaong mga mapagmatigas na nanghahawak dito. Si Satanas at ang mga nawaglit ay napahamak sa "ikalawang kamatayang ito", isang walang hanggang kamatayan na kung saan ay wala nang pagkagising. Ang kanilang paghihimagsik ay iniwan ang masama na hindi angkop sa tunay na kaligayahan, at sila ay napuksamg kasama ng Diablo at kanyang mga anghel. Ang makalangit na apoy ay lubusang lininis ang lupa at ang pamiminsala ng kasalanan: Sa wakas ang Dios ay may malinis nang sanlibutan, hindi na muling mababahiran ng masama. Ang pakikipagpunyagi ng mabuti sa masama, ni Kristo kay Satanas, ay ganap na tapos na, at si Kristo ay naghahari na. Ang tabing ay bumagsak sa matandang dula ng kasalanan, at bumangon ang kaluwalhatian ng isang bagong sanlibutan na ang mga maaaring mangyari ay walang hanggan.

8. ANG LUPA AY NILINIS AT GINAWANG BAGO

Mula sa mga abo ng pangwakas at lumilinis na pamumugnaw na ito, ang Dios ay lilikha ng isang bagong sanlibutan:

"At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na . . . . Nakita ko ang Banal na Lungsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Dios . . . 'Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao at Siya'y maninirahang kasama nila. At sila'y magiging bayan Niya. Ang Dios mismo ay makakasama nila, at Siya'y magiging Dios nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang unang bagay ay lumipas na . .. .Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay."' Apocalipsis 21:1-5.

Ibinalik mula sa kanyang orihinal na kagandahan, ang lupa ay naging siyang tahanan ng mga tinubos para sa walang katapusang panahon. Pinalaya mula sa pagka-makasarili, karamdaman, at pagdurusa, mayroon tayong sanlibutan upang galugarin, kahangahangang mga pagsasamahang pauunlarin, at isang walang hanggan na kung saan ay makakaupo sa paanan ni Jesus upang makinig, matuto, at umibig. (Para sa buong paglalarawan ng bagong sanlibutan, maaaring naisin mong muling basahin ang Gabay 9).

Saan mo pinapanukalang naroroon sa araw na yaon? Naipasiya mo na bang maging kasama ni Kristo sa loob ng lunsod at maging ligtas na walang hanggan? O ikaw ba'y nasa labas ng lunsod na wala si Kristo at waglit na walang hanggan?

Kung nailagay mo na ang iyong sarili sa mga kamay ni Jesus, hindi mo kinakailangan kailan man na makaranas ng di-masambit na pagkatakot ng mga nasa labas ng lungsod na nadaramang sila'y waglit na walang hanggan. Ano man ang naging dulot ng buhay sa iyo, kung iyong ilalagay ang iyong buhay sa kamay ni Jesus ngayon, maaari kang mapasaloob ng lunsod na kasama ni Kristo at ng mga tinubos. Kung hindi mo pa nagagawa ang gayon, ibigay na ang iyong puso kay Jesus ngayon, at paliligiran ka Niya ng Kanyang pag-ibig at kapatawaran. Ito ang iyong pagkakataon. Ito ang iyong araw ng kaligtasan.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.