MAAARI BANG MAGKAMALI ANG NAKARARAMI?

Sa Gabay 16 ay natuklasan natin na ang karanasan ng kapahingahang Sabbath ay mabisang lunas sa nakababagot na buhay. Sapagkat nauunawaan ng Dios ang bawat pangangailangan natin, itinatag Niya ang bawat ikapitong araw para sa ating kapahingahang pisikal at pagpapanibagong espirituwal. Pagkaraang likhain ang sanlibutan sa anim na araw, Siya ay "nagpahinga" sa ikapitong araw, "binasbasan" at "ginawa itong banal" (Genesis 2:1-3).

Nang ibigay ng Dios ang Sampung Utos sa Israel, inilagay Niya ang utos na ipangilin ang ikapitong araw na Sabbath sa pinakapuso ng Kanyang kautusan (Exodo 20:8-11). Ayon sa kautusang ito, ang Sabbath ay alaala ng paglalang ng Dios, isang araw ng pagtigil at pagalaala sa mga kagandahan at himala ng Kanyang mga nilikhang gawa, isang araw na makapagpahinga at maging malapit sa ating Manlalalang, isang araw ng pagsisiyasat nang malaliman ng ating relasyon sa Kanya.

Nang si Jesus ay narito pa sa lupa, ipinangilin din Niya ang Sabbath (Lukas 4:16) at pinagtibay ito na isang araw na kapakinabangan ng mga Kristiyano (Markos 2:27, 28). Ang mga ilang talata sa aklat ng Mga Gawa ay niliwanag na ang mga alagad ni Kristo ay sumamba ng Sabbath pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay na maguli (Mga Gawa 13:14; 16:13, 17:2; 18:1-4, 11).

1. ISANG NAKALILITONG KATANUNGAN

Ang Kristiyanong sanlibutan ay malaon nang nangingilin ng dalawang magkaibang araw. Sa unang dako halos lahat ng Kristiyano ay matapat na ipinangingilin ang Linggo, ang unang araw ng sanlinggo, na kanilang pinaniniwalaang alaala ng pagkabuhay na maguli ni Kristo. Sa kabilang dako naman, isang malaking grupo ng mga tapat na Kristiyano ang naniniwala na pinararangalan lamang ng Biblia ang ikapitong araw na siyang Sabbath at saanman ay walang pagpapatotoo sa kabanalan ng Linggo.

Tunay bang may kaibahan kung aling araw ang ipinangingilin natin bilang Sabbath? Bilang matapat at maalab na mga tao na nagnanais na malaman ang katotohanan, kailangang lagi nating itanong sa ating sarili: "Ano ba ang mahalaga kay Jesus? Ano ang gusto ni Jesus na gawin ko?"

Sa pagpapasya tungkol dito, ilang mahahalagang katotohanan ang kailangang maliwanagan: Sino ang nagpalit ng Sabbath mula sa Sabado. ang ikapitong araw ng sanlinggo, sa Linggo, ang unang araw? Ipinahintulot ba ng Biblia ang ganitong paglilipat? Kung gayon, ang Dios ba, si Kristo, or ang mga alagad ang gumawa ng pagbabago?

Magpapatuloy tayo sa pagtingin sa lahat ng maaring nangyari.


2. BINAGO BA NG DIOS ANG ARAW?

Mayroon bang pahayag mula sa Dios na binabago ang Sabbath mula sa ikapito tungo sa unang araw ng sanlinggo?

Halos lahat ng mga Kristiyano ay tinatanggap ang Sampung Utos na wastong patnubay ng buhay. Ang mga ito lamang ang personal na isinulat ng Dios para sa sangkatauhan. Ito'y napakahalaga na anupa't isinulat Niya ito ng Kanyang sariling mga daliri sa bato (Exodo 31:18).

Sa ikaapat na utos ay itinagubilin sa atin ng Dios:

"Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ingatan itong banal. Anim na araw na gagawa ka at gagawin ang lahat mong gawain, ngunit ANG IKAPITONG ARAW AY SABBATH SA PANGINOON MONG DIOS. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain . . . . Sapagkat sa anim na araw ay ginawa ng PANGINOON ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at NAGPAHINGA sa ikapitong araw. Kaya BINASBASAN NG PANGINOON ang araw ng Sabbath at GINAWA ITONG BANAL" Exodo 20:8-11.

Nang ibigay ng Dios ang Sampung Utos sa Kanyang bayan, niliwanag din Niya na walang sinumang tao ang maaring magbago ng tagubilin mula sa Kanyang mga labi:

"HUWAG NINYONG DARAGDAGAN ni BABAWASAN man ang salita na aking iniuutos sa inyo upang inyong matupad ang mga utos ng PANGINOON ninyong Dios na aking ibinigay sa inyo" Deuteronomio 4:2.

Ang Dios mismo ang nangako na hindi Niya babaguhin ang Kanyang mga utos:

"HINDI KO LALABAGIN ang aking tipan, ni babaguhin ang ANUMANG BINIGKAS NG AKING MGA LABI" Mga Awit 89:34.

Sa Biblia ay maliwanag na hindi binago ng Dios ang Sabbath mula sa ikapito tungo sa unang araw ng sanlinggo.

3. BINAGO BA NI JESUS ANG SABBATH?

Ayon kay Jesus ang Sampung utos ay hindi maaring baguhin:

"Huwag ninyong isipin na Ako'y naparito upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta; hindi Ako naparito upang sirain kundi upang tuparin ang mga ito. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit man ay hindi mawawala sa Kautusan hanggang sa matupad ang lahat ng bagay" Mateo 5:17-18.

Natuklasan natin sa Gabay 16 na kaugalian ni Jesus na sumamba sa sinagoga sa araw ng Sabbath (Lukas 4:16). Gayundin natuklasan natin na gusto ni Jesus na ang Kanyang mga alagad ay magpatuloy na maranasan ang kasiyahan ng tunay na pangingilin ng Sabbath (Mateo 24:20).

Maliwanag sa turo at halimbawa ni Jesus na kailangan pa rin natin ang Sabbath para sa kapahingahan, at paggugol ng panahon na kasama ang Dios.

4. BINAGO BA NG MGA ALAGAD ANG SABBATH?

Si Santiago, ang unang lider ng unang iglesya Kristiyana, ay sumulat tungkol sa sampung Utos:

"Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa ay nagkakasala sa lahat. Sapagkat siya na nagsasabi, 'huwag kang mangngalunya' ay nagsasabi, 'Huwag kang papatay' Kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan" Santiago 2:10, 11.

Si Lukas, isang manggagamot at mangangaral sa naunang iglesya, ay naguulat:

"At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pintuan sa may tabi ng ilog, na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Kami'y umupo at nagsimulang nakipagusap sa mga babaeng nagtitipon doon" Mga Gawa 16:13.

Ang aklat ng Mga Gawa sa Bagong Tipan ay bumabanggit nang 84 na ulit na ipinangilin ng mga tagasunod ni Kristo ang Sabbath, lahat sila sa mahigit na 14 na taon pagkaraang muling mabuhay si Jesus: 2 Sabbath sa Antioquia (Mga Gawa 13:14; 42, 44); 1 sa Philippi (Mga Gawa 16:13); 3 sa Tesalonika (Mga Gawa 17:2, 3); 8 Sabbath sa Korinto (Mga Gawa 18:4, 11).

Si Juan, ang huli sa labindalawang alagad na namatay, ay nangilin ng Sabbath. Siya ay sumulat:

"Ako'y nasa Espiritu nang Araw ng Panginoon" Apokalipsis 1:10.

Ayon kay Jesus, ang Araw ng Panginoon ay ang Sabbath:

"Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath" Mateo 12:8.

Ang pagsasaliksik ng katibayan sa kasulatan ay naghahayag na ang mga alagad ay hindi tinangka ang pagbabago sa araw ng kapahingahan ng Dios mula sa ikapito tungo sa unang araw ng sanlinggo. Binabanggit ng Bagong Tipan nang walong ulit lamang ang unang araw ng sanlinggo. At wala ni minsan man sa mga pagkakataoang ito na ang unang araw ng sanlinggo ay binanggit na isang banal na araw, ni ipinahiwatig na ito ay ibinukod na araw ng pagsamba. Ang masusing pagsusuri ng walong talata na tumutukoy sa unang araw ng sanlinggo ay isinisiwalat ang ganitong pangyayari sa araw ng Linggo:

(1) Ang mga babae ay naparoon sa libingan sa unang araw ng sanlinggo (Mateo 28:1).

(2) "Nang makaraan ang Sabbath" ipinagpatuloy ng mga babae ang kanilang gawain sa unang araw ng sanlinggo (Markos 16:1, 2).

(3) Si Jesus ay unang napakita kay Maria Magdalena umagang-umaga sa unang araw ng sanlinggo (Markos 16:9).

(4) Ang mga tagasunod ni Jesus ay ipinagpatuloy ang kanilang mga awain sa unang araw ng sanlinggo (Lukas 24:1)..

(5) Si Maria ay nagtungo sa libingan at nasumpungang walang laman ang libingan sa unang araw ng sanlinggo (Juan 10:l).

(6) Ang mga alagad ay magkakasamang nagtipon "dahil sa takot sa mga Judio" (hindi sa pagsamba) sa unang araw ng sanlinggo (Juan 20:19).

(7) Nakiusap si Pablo sa mga kaanib ng iglesya na isaayos ang kanilang pananalapi sa unang araw ng sanlinggo at "magbukod ng halaga ng salapi" para sa mga mahirap sa Jerusalem (I Korinto 16:1, 2). Walang binabanggit ang talata ng anumang pagtitipong relihiyoso.

(8) Sa Mga Gawaa 20:7 si Lukas ay nagsasalita tungkol sa pangangaral ni Pablo sa unang araw ng sanlinggo sa di-sinasadyang pulong-pamamaalam. Si Pablo ay nangaral araw-araw, at ang mga alagad ay nagpuputol-putol ng tinapay araw-araw (Mga Gawa 2:46).

Ni isa sa mga kasulatang ito ay walang nagmumungkahi na ang mga alagad ay sinadyang itigil ang pangingilin ng ikapitong araw na Sabbath. Ang mga alagad ay hindi binanggit ang anumang pagbabago ng Sabbath mula sa ikapito tungo sa unang araw ng sanlinggo. Maliwanag na walang katibayan sa Bagong Tipan para sa pagbabago ng Sabbath mula sa Sabado, ang ikapitong araw, sa Linggo, ang unang araw ng sanlinggo. Ang pagbabago ay nangyari pagkatapos ng mga kaarawan ni Jesus at ng mga alagad, kaya kailangan nating magbalik sa kasaysayan upang malaman kung kailan at kung paanong nangyari ang pagbabago.

5. SAAN NAGMULA ANG LINGGO?

Ang mga alagad ay maliwanag na nagbabala sa atin na ang ilang mga Kristiyano ay maaanod mula sa mga aral ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan: "Kaya kayo'y maging handa!" (Mga Gawa 20:29-31). At yaon ang tunay na nangyari. Ang mga mapagkakatiwalaang mananalaysay ay maliwanag na itinala kung paanong ang mga Kristiyano ay nagsimulang masinsay mula sa dalisay na aral ng mga apostol. Ang mga sali't-saling sabi at mga turo, na kailanman ay hindi itinagubilin nina Pablo, Pedro at iba pang mga nagtatag ng iglesya Kristiyana ay dahan-dahang nakapasok sa iglesya.

Ang pagbabago ng pangingilin ng Sabbath ay nangyari pagkaraang natapos ang Bagong Tipan at nangamatay nang lahat ang mga alagad. Itinala ng kasaysayan na ang mga Kristiyano sa wakas ay inilipat ang pagsamba at pangingilin ng ikapitong araw sa unang araw ng sanlinggo. Ang mga mananampalataya ay hindi tumigil ng pangingilin ng ikapitong araw na Sabbath sa tiyak na katapusan ng sanlinggo at biglang nagsimulang ipangilin ang Linggo na Araw ng Panginoon. Ang kaunaunahang pagkakataon ng tunay na pangingilin ng Linggo ng mga Kristiyano ay naganap sa Italya, noong kalagitnaan ng ikalawang siglo pagkaraan ni Kristo. Sa mahabang panahon pagkatapos noon maraming mga Kristiyano ay kapwa ipinangingilin ang dalawang araw, samantalang ang iba ay ipinangingilin lamang ang Sabbath.

Noong Marso 7, A. D. 32l, si Constantinong Dakila ay nagpalabas ng unang kautusang sibil tungkol sa Linggo, na pinipilit ang lahat ng tao, maliban lamang ang mga magsasaka, sa Imperryo ng Roma na mamahinga ng Linggo. Ito at ang iba pang mga kautusang sibil na pinalabas ni Constantino tungkol sa Linggo ang naging simula ng mga batas na sibil ukol sa Linggo mula noon hangga ngayon. Noong ikaapat na siglo ang Konsilyo ng Laodicea ay pinagbawalan ang mga Kristiyano sa pagtigil sa paggawa sa Sabbath, samantalang pinamamanhikan silang parangalan ang Linggo sa pagtigil sa lahat ng gawain kung maaari.

Ipinakikita ng kasaysayan na ang pagsamba sa Linggo at pangingilin nito ay isang kaugalian na gawa ng tao. Walang ibinibigay na kapangyarihan ang Biblia sa pagwawalang halaga sa ikapitong araw na Sabbath ng ikaapat na utos. Paunang sinabi na ni propeta Daniel na sa panahong Kristiyano isang mapandayang kapangyarihan ang magtatangkang baguhin ang kautusan ng Dios (Daniel 7:25).

6. SINO ANG GUMAWA NG PAGBABAGO?

Sino ang naglipat ng Sabbath mula sa ikapitong araw sa unang araw ng sanlinggo? Inaangkin ng Iglesya Katolika na siya ang may gawa nito. Sa pagtatangkang iligtas ang bumabagsak na Imperyo ng Roma, ang mga pinuno ng iglesya na may mabuting mga adhikain ay nagkasundo at tinangkang baguhin ang araw ng pagsamba mula sa Sabado tungo sa Linggo.

Ganito ang sinasabi ng isang katesismo ng Iglesya Katolika Romana:

T: Alin ang araw ng Sabbath?

S: Sabado ang araw ng Sabbath.

T: Bakit natin ipinangingilin ang Linggo sa halip na Sabado?

S: Ipinangingilin natin ang Linggo sa halip na Sabado sapagkat ang Iglesya Katolika . . . . ay inilipat ang kabanalan mula sa Sabado tungo sa Linggo" - Peter Geiermann, The Convert's Catechism of Catholic Doctrine (1957 edition), p. 50

May pagmamalaking ipinahahayag ng Iglesya Katolika na ang mga pinunong tao ang gumawa ng pagbabago.

"Ang banal na araw, ang Sabbath, ay inilipat mula sa Sabado sa Linggo . . . hindi sa anumang tagubiling nasa Kasulatan, kundi sa pagkadama ng Iglesya ng sariling kapangyarihan nito. . . . Ang mga taong nagiisip na ang mga Kasulatan ang siyang tanging kapangyarihan, ay nararapat na maging Seventh-day Adventists, at ipangingiling banal ang araw ng Sabado" - Cardinal Maida, Archbishop of Detroit, Saint Catherine Catholic Church Sentinel, Algonac, Michigan, May 21, l995.

7. ANO ANG SINASABI NG ILANG IGLESYANG PROTESTANTE?

Ang mga opisyal na dokumento ng paniniwala ng ilang denominasyong Protestante ay nagkakasundo na ang Biblia ay walang inilaang pahintulot sa pangingilin ng araw ng Linggo.

Si Martin Luther, tagapagtatag ng Lutheran Church, ay sumulat sa Augsburg Confession, Article 28:

"Sinasabi nila (Iglesya Katolika) na ang Sabbath ay binago sa Linggo, ang Araw ng Panginoon, na salungat sa dekalogo [Sampung Utos] . . . ni walang halimbawa na lubos na ipinagmamalaki kundi ang pagbabago ng araw ng Sabbath. Matindi, ang sabi nila, ang kapangyarihan at kapamahalaan ng iglesya, sapagkat nagawa nitong alisin ang isa sa sampung utos."

Sina Amos Binney at Daniel Steele, mga Metodistang teologo, ay sumulat:

"Tunay na walang tiyak na kautusan para sa pagbibinyag ng mga sanggol . . . gayundin sa pangingilin ng unang araw ng sanlinggo" - Theological Compend (New York: Methodist Book Concern, l902), pp. 180, 181.

Si Dr. N. Summerbell, mananalaysay ng Disciples of Christ o Christian Church, ay sumulat:

"Ang Iglesya Katolika ay lubos na tumalikod . . . . Binaligtad nito ang Ikaapat na Utos sa pammagitan ng pagaalis ng Sabbath ng Salita ng Dios, at itinatag ang Linggo na isang banal na araw" - A True History of the Christian and the Christian Church, pp. 417, 418.

8. ANO ANG TUNAY NA ISYU?

Dinadala tayo nito nang harap-harapan sa mga katanungang: Bakit napakaraming mga Kristiyano ang nangingilin ng Linggo na walang kapahintulutan ng Biblia? Higit pang mahalaga, Aling araw ang aking ipangingilin? Susundin ko ba ang mga nagsasabi, "Iniisip kong hindi na mahalaga kung anong araw ang aking ipangingilin basta ipinangingilin ko ang isa sa pito." O kaya ay ituturing ko bang mahalaga ang araw na itinatag ni Jesus, ang ating Manlalalang, nang Kanyang likhain ang sanlibutan, at ang araw na binanggit ng Dios sa Sampung Utos: "ang ikapitong araw ay siyang Sabbath."

Dito ay hindi lamang natin pinauusapan ang nakikitang pangingilin, kundi kung ano ang wastong araw ayon sa Biblia. Ang mahalagang isyu rito ay ang pagsunod kay Jesus. Ibinukod ng ating Manlalalang ang Sabbath na isang "banal" na araw, isang panahon para sa atin at ating pamilya na lumapit nang malapit sa Kanya para sa lakas at pagpapanibagong lakas. Sino ba ang aking susundin? Susundin ko ba si Kristo, ang anak ng Dios, o ang kinaugalian ng tao tungkol sa kung anong araw ang ipangingilin kong banal? Maliwanag ang pagpipilian: mga aral ng tao o ang mga kautusan ng Dios? Ang salita ng tao o Salita ng Dios? Ang ipinalit ng tao o banal na utos?

Ang propetang si Daniel ay nagpahayag ng babala sa mga "magtatangkang palitan ang nakatakdang mga panahon at mga kautusan" (Daniel 7:25, NIV) ["sinadyang baguhin ang mga panahon at kautusan" (Daniel 7:25, NKJV)]. Tinatawag ng Dios ang Kanyang bayan na magbalik sa pagsunod. Sila ay inaanyayahan Niya na ipangilin ang Sabbath bilang tanda ng katapatan at pagibig sa Kanya.

Sinabi ni Jesus, "Kung Ako'y inyong iniibig, ay susundin ninyo ang Aking iniuutos" (Juan 14:15). Ipinangangako Niya ang lubos na kasiyahan sa mga sapat na umiibig sa Kanya sa pagsunod sa Kanyang mga utos (Juan 15:9-11). Mayroon tayong kahanga-hangang Tagapagligtas na nasasabik na maranasan natin nang lubusan ang Kanyang pagibig. Isang pusong may kusang pagsunod ang magbubukas ng maluwang na pintuan sa ganoong pagibig.

Sa Halamanan ng Eden si Kristo ay lubos na napasakop sa kalooban ng Ama - bagaman hinarap Niya ang krus at ang mga kasalanan ng sanlibutan ay dinudurog ang Kanyang buhay. Samantalang humihibik Siya sa Dios, "Ilayo mo sa Akin ang kopang ito," Siya naman ay nananatiling nakasuko sa Kanyang pamanhik, at Kanyang idinagdag, "Gayunman ay hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo" (Markos 14:36).

Gusto ni Kristo na maranasan natin ang katuparan na dulot ng tunay na isinukong buhay; gayundin ang kasiyahan ng kapahingahang Sabbath. Nais Niyang magtiwala tayo sa Kanya nang sapat upang sundin Siya sa lahat ng mga detalye ng buhay. Kung tutugon ka sa tawag ng Dios at susundin ang lahat ng Kanyang mga kautusan, ay mararanasan mo ang pangako ni Jesus na ang Kanyang kasiyahan "ay sasa iyo" at ang "iyong kagalakan" ay "magiging lubusan" (Juan 15:11).


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.