ANG LIHIM NG PAGLAGO SA PAMAMAGITAN NG SAMAHAN Noon pasimula ng l960, si Kap. na Andrew, isang lalaki mula sa Holland, ay nagpuslit ng mga Biblia sa kanyang VW sa hangganan ng Romania at mga tanod na komunista. Tumuloy siya sa isang hotel at nanalangin sa Dios na patnubayan siya sa tamang grupo ng mga Kristiyano - yaong mga gagamiting mabuti ang mga sipi ng mga Kasulatan. Sa
katapusan ng linggong yaon nagtanong si Andrew sa kawani ng hotel kung
saan siya makakikita ng isang iglesya. "Hindi mo ba alam?" ang tugon ni Andrew. "Ang mga Kristiyano ay nagsasalita ng isang uri ng pansanlibutang wika." "Oh, ano 'yon?" "Ang tinatawag na Agape." Hindi pa kailanman narinig ito ng kawani, ngunit tiniyak ito ni Andrew sa kanya. "Ito ang pinakamagandang wika sa sanlibutan." Nakasumpong si Andrew ng ilang grupo ng iglesya sa lugar at nakipagayos sa pangulo at kalihim ng isang denominasyon para sa isang pagpupulong. Sa kasamaang-palad, bagaman si Andrew at ang mga lalaking ito ay nakakaalam ng ilang wikang Europeo nasumpungan nilang wala silang bagay na magkatulad. Kaya sila ay nakaupo na nagtitinginan lamang. Hindi matiyak ni Andrew kung ang mga ito nga ay tunay na mga kapatid na Kristiyano o mga espiya ng pamahalaan. Sa wakas ay nakakita siya ng Bibliang Romania sa loob ng tanggapan. Dumukot si Andrew sa kanyang lukbutan ng isang Bibliang Dutch. Binuklat niya ito sa I Korinto 16:20 at itinaas, na ipinakikita ang pangalan ng aklat na kanilang nakikilala. Biglang nagliwanag ang kanilang mga mukha. Madali nilang nakita ang gayunding kabanata at talata sa kanilang Bibliang Romania at binasa: "Ang lahat ng mga kapatid dito ay binabati kayo. Magbatian kayo ng banal na halik." Ang mga lalaking ito ay ngumiti kay Andrew. Isa sa kanila ay tumingin sa kanyang Biblia at nakita ang Mga Kawikaan 25:25. Binasa ni Andrew ang talata: "Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa ang mabuting balita mula sa isang malayong lupain." Ang mga lalaking ito ay gumugol ng kalating oras na nakikipagusap at nagbabahagi - sa pamamagitan lamang ng mga salita ng Kasulatan. Napakaligaya nila sa samahang ito na hindi nila alumana ang malaking kaibahan ng kanilang mga kultura anupa't sila'y napaluha sa kanilang pagtawa. Alam ni Andrew na nakita niya ang kanyang mga kapatid; at nang ipakita niya ang kanyang isang tambak na mga Biblia ay paulit-ulit siyang niyakap ng mga ito. Nang gabing yaon, ang kawani ng hotel ay lumapit kay Andrew, na nagwika, "Alam mo, tiningnan ko sa diksyonaryo ang "agape". Wala namang wikang ganoon; salitang Griyego lamang pala 'yon para sa pagibig. Tumugon si Andrew. "Yon nga. 'Yon ang sinasalita ko buong maghapon." Natuklasan mo na ba ang magandang wikang 'yon? Sa Gabay na ito ay matututuhan mo kung paanong dadalhin tayong lahat ng Dios sa Kanyang dakilang pagibig. 1. ANG IGLESYA AY NILIKHA PARA SA SAMAHAN Ang iglesya ay itinatag ni Jesus para tugunin ang payak na pangangailangan ng tao para sa pangangalaga at pagtataguyod. Ito ay isang lugar na tinutungo natin para sa samahan at pagtutulungan sa isa't-isa. Kailangan nating lahat ito. Ipinakikita ng Kasulatan ang isang malakas na iglesya ng mga alagad na tumawag ng mga lalaki at babae sa isang masayang samahan na nakakarating sa Makapangyarihan sa lahat: "Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng PAKIKISAMA SA AMIN. At ang ATING PAKIKISAMA AY SA AMA AT SA KANYANG ANAK, si Jesu-Kristo. Isinusulat namin ito upang ang aming KAGALAKAN AY MALUBOS" I Juan 1:3, 4. Ang komunidad ng mga puso na binigkis ng pakikisama kay Jesus at sa isa't-isa, ay makakaranas ng lubos na "katuwaan!" Lahat sila ay nagsasalita ng iisang wika, ang wika ng pagibig. Ang mga Kristiyano ay nagiging bahagi ng malawak na pamilya na nagiging magkakapatid na lalaki at babae kay Kristo sapagkat ang lahat ay may espiritu ng pagka-kamaganak. Habang lumalawak ang pagkakaisa ng paniniwala, lalong lumalakas ang pagkakaugnay ng mga Kristiyano. Ang mga kaanib ng mga iglesya na itinatag ng mga alagad ni Kristo ay magkakasamang binigkis ng kanilang magkatulad na mga paniniwala, ng kanilang pagibig sa Dios, at ng kanilang pagnanais na paglingkuran Siya at ibahagi ang Kanyang biyaya sa sanlibutan. Aag malapitang samahang ito ay isa sa mga dahilan kung bakit ang mga pinagusig at walang kapangyarihang minoryang ito ay binaligtad ang sanlibutan. 2. ANG IGLESYANG ITINATAG NI KRISTO Si Kristo ba ay may iglesya, o ang buong ideya ng samahang relihiyoso ay bunga lamang ng imbensyon ng tao? Ito ang tugon ni Jesus: "Sa BATONG ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at ang mga pintuan ng Hades ay hindi mananaig dito" Mateo 16:8. Si Jesus ang Batong daungan, ang Panulok na bato, ng Kanyang iglesya. Anong grupo ang bumubuo ng bahagi ng saligang ito? "Na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Kristo Jesus ang batong panulok" Efeso 2:20. Ano ang nagawa ng Panginoon nang maipangaral ang ebanghelyo? "At idinagdag ng Panginoon sa IGLESYA araw-araw ang mga naliligtas" Mga Gawa 2:47, KJV. Nang itatag ni Jesus ang iglesya, Kanyang ipinangako na ang "pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban dito" - Mateo 16:18, at ang iglesya Kristiyana ay nananatili pa rin. Mayroon itong mga lubhang makapangyarihang kaaway - mula sa mga emperador Romano hanggang sa mga komunistang diktador - ngunit ang dugo ng mga martir ay lalo pang nagpalakas dito. Marami ang mga pumapalit sa isang Kristiyano na sinusunog sa mga tulos o itinatapon sa yungib ng mga leon. Ang mga hindi naniniwala sa mga turo ng relihiyon ay ginawa ang kanilang pinakamabuti upang pawiin ang Iglesya Kristiyana. Ngunit ang katotohanan ng Kristiyanismo ay maliwanag pang nakikipag-paligsahan, higit kailanman, sa isang kapanahunang sekular at maka-agham. Isa sa mga pinakamahigpit na hamon ng iglesya ay dumating pagkaraan na ito ay tanggapin bilang opisyal na relihiyon ng Imperyo ng Roma. Ang iglesya ay naging masagana - at sa wakas ay naging bulok. Naging tila patay sa espiritu noong Madilim na Panahon. Ngunit ang Panginoon ay laging nagbubukod ng mga malalakas ang loob at tapat na mananampalataya na, sa madilim at mahirap na panahon, ay nagliwanag na tila mga bituin sa isang gabing walang buwan. Itinulad ni Pablo ang relasyon ni Kristo sa Kanyang iglesya sa mapagmahal at nagsasanggalang na relasyon ng asawang lalaki sa kanyang kabiyak. Ang iglesya ay isang pamilya, na ang bawat kaanib ay nagtatatag ng relasyon sa ibang kaanib ng sambahayan at nagdudulot sa kanilang mabuting kalagayan - Efeso 2:19. Inilalahad din ni Pablo na ang iglesya ay isang buhay na katawan, na si Kristo ang ulo - Colosas 1:18. Kapag tayo ay nabinyagan, nagpapatotoo tayo ng ating pananampalataya kay Jesus at nagiging mga kaanib ng "katawan" ng iglesya. "Sapagkat tayong lahat ay NABAUTISMUHAN ng isang Espiritu SA IISANG KATAWAN" I Korinto 12:13. Inilalarawan ng aklat ng Apokalipsis ang nabuhay na Kristo na lumalakad sa mga iglesya, na ipinakikita ang Kanyang pagmamalasakit sa kanila (Apokalipsis 1:20, 12, 13). Kailanman ay hindi pinabayaan ni Kristo ang Kanyang bayan. 3. ISANG IGLESYANG MAY LAYUNIN Ang pagtungo sa iglesya ay mahalaga sa Kristiyano sapagkat kailangan natin ang suporta ng iba upang maging buhay at lumalago ang ating pananampalataya. Ang iglesya ay mayroong tatlong iba pang gampanin: (1) Binabantayan ng iglesya ang katotohanan. Bilang "haligi at saligan ng katotohanan" (I Timoteo 3:15), itinataguyod at ipinagsasanggalang ng iglesya ang katotohanan ng Dios sa harap ng sanlibutan. Kailangan natin ang pinagsamang katalinuhan ng ibang mananampalataya upang makatulong sa atin na ipako ang ating pansin sa mahahalagang katotohanan ng Kasulatan. (2) Ang iglesya ay halimbawa ng magagawa ng biyaya ng Dios sa mga makasalanan. Ang mga pagbabagong ginawa ni Kristo sa buhay ng mga mananampalataya ay nagbibigay-puri sa Dios na tumawag sa atin sa "Kanyang kahanga-hangang kaliwanagan" - I Pedro 2:9. (3) Ang bayan ng Dios ay Kanyang mga saksi sa nangangailangang sanlibutan. Bago nagbalik si Jesus sa langit ay ipinangako Niya sa Kanyang mga alagad: "Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa" Mga Gawa 1:8. 4. ITINATAG PARA SA KALAKASAN Ang iglesyang itinatag ni Kristo ay may tiyak na samahan. Ang isa ay maaring isama o ihiwalay sa pagiging kaanib nito (Mateo 18:15-18). Ang iglesya ang Dios ay nagtalaga ng pamunuan at may pansanlibutang punong-tanggapan, gayundin ng mga lokal na sambahan (Mga Gawa 8:14; 14:23; 15:2; I Timoteo 3:1-13). Nang sila ay nabautismuhan, ang mga mananampalataya ay umaanib sa tatag na grupo (Mga Gawa 2:41 at 47). Ang iglesya ay nabubuhay para sa may pagdamay na pagpapalakasan ng loob. "At ating isaalang-alang kung paano gigisingin ang isa't-isa sa pagibig at mabubuting gawa. Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi PALAKASIN ANG LOOB NG ISA'T-ISA - lalung-lao na kung inyong nakikita ang Araw [ng pagdating ni Kristo] ay papalapit na" Hebreo 10:4-25. Ito, sa isang salita, ang ginagawa ng isang malusog na iglesya. Ang mga kaanib nito ay itinatatag ang isa't-isa sa pananampalataya at nagpapalakasan ng loob sa isa't-isa. Higit na marami ang ating magagawa nang sama-sama. Halimbawa: ang Seventh-day Adventist Church. Ipinagpapatuloy natin ang malawakang gawain ng panggagamot sa buong sanlibutan - mula sa mga sasakyang pangkalusugan sa loob ng mga lungsod hanggang sa mga klinika sa malalayong pulo ng South Pacific. Ang ating mga institusyong pang-edukasyon ay nagbunga na ng mga libo-libong kabataan sa kaalaman ng higit na mabuting buhay kay Kristo - mula sa Loma Linda University, na nagpasimula ng "heart transplant", hanggang sa maliliit na mga paaralan ng misyon na nakakalat sa loob ng kontinente ng Africa. Ang ADRA ay tumulong sa biktima ng tag-gutom at malawakang kapahamakan. Ang mga lokal na iglesya ay tumutulong upang madamtan at mapakain ang mga mahihirap at walang tahanan sa mga libo-libong Community Service Center. At ang maraming mga grupo ng mananampalataya ay ibinabahagi ang balita ng kaligtasan sa mahigit na 200 mga bansa. Tanging ang isang matatag na grupo ng mga tapat na Kristiyano ang may ganitong bisang pansanlibutan. Itinulad ni Kristo at ng mga alagad ang iglesya sa isang katawan, at itinuro na ang bawat bahagi nito ay kailangan (I Korinto 12:21-28). Ang lahat ng bahagi ng katawan ay hindi magkakatulad, gayunman ang lahat ay mahalaga at dapat na gumawang nagkakaisa. Ang isang matang hiwalay sa katawan ay hindi makakakita. Ang kamay na putol sa katawan ay walang halaga. Ang pagiging kaanib ng iglesya, na kaisa ng ibang kaanib ng katawan, ay nagpapalakas sa atin bilang mga Kristiyano. 5. ANG KASIYAHAN NG PAGSAMBA Nasa kaibuturan ng ating mga puso ang lunggati na sambahin ang Dios, at yaon ay mapaparam kapag hindi nabigyan ng kapahayagan. Ano ang damdamin ng mang-aawit nang maisip niya ang pagtungo sa dako ng pagsamba? "Ako'y NATUWA nang kanilang sabihin sa akin, 'Tayo na sa bahay ng PANGINOON'" Mga Awit 122:1. Ano ang bahagi ng musika sa pangmadlang pagsamba? "Sambahin ang Panginoon na may kagalakan; magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan" Mga Awit 100:2. Sinasabi sa atin ng Biblia na ang pagkakaloob ng mga handog ay isang nararapat na bahagi ng banal na pagsamba. "Magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan. Sambahin ninyo ang PANGINOON sa kagandahan ng kabanalan" Mga Awit 96:8-9. Ang panalangin ay isa ring mahalagang bahagi ng pangmadlang pagsamba. "Pumarito kayo, tayo'y sumamba at yumukod sa harapan ng PANGINOON, ang ating Manlalalang" Mga Awit 95:6. Ang pagaaral ng Biblia at pangangaral ay buod ng pagsamba sa Bagong Tipan. Mula noong sermon ni Pedro noong araw ng Pentekoste, na nasa Mga Gawa 2, at mula sa panahon ng mga Protestanteng Repormador hanggang sa ating kaarawan, ang bawat dakilang pagpapanibagong-sigla sa relihiyon ay batay sa pangangaral ng Biblia. Bakit? Sapagkat ang "salita ng Dios ay buhay at kumikilos. Na higit na matalas kaysa isang tabak na may dalawang talim" - (Hebreo 4:12-13). 6. ANO ANG MATUWID SA IGLESYA? May mga pumupuna na ang iglesya ay puno ng mga taong hindi sakdal. Ang sinabi ni Henry Ward Beecher ay totoo: "Ang iglesya ay hindi isang tanghalan ng mga tanyag na mga Kristiyano, kundi paaralan para sa mga di-sakdal." Sapagkat walang sinoman sa atin ang sakdal, ang iglesya ay hindi kailanman magiging sakdal. Sa isa sa Kanyang mga talinghaga ipinaalala ni Jesus na ang damo ay kasamang tumutubo ng trigo (Mateo 13:24-30). Kapag binasa natin ang mga liham ni Pablo sa Bagong Tipan, matutuklasan natin na ang iglesya apostolika ay may malulubhang suliranin. Ang iglesya ngayon ay madalas na may ganoon ding suliranin. Ngunit tandaan na walang anumang konggregasyon na maraming kapintasan ang kailanman ay makasisira o makababagbag sa Panulok-na-bato ng iglesya - si Kristo Jesus. Kaya ang iglesya ay dapat na laging nakatingin sa Tagapagligtas na naglilingkod sa atin. Sa kabila ng mga kapintasan nito, ang iglesya ay pagaari ni Kristo, kaya tumingin tayo sa Kanya "INIBIG NI KRISTO ANG IGLESYA AT IBINIGAY ANG KANYANG SARILI ALANG-ALANG SA KANYA upang Kanyang pakabanalin siya, na lininis sa paghuhugas ng tubig sa salita, upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik o kulubot o anumang bahid upang siya ay maging banal at walang dungis" Efeso 5:25-27. Ang iglesya ay napakahalaga kay Jesus, anupa't "ibinigay Niya ang kanyang sarili sa kanya" nang Siya ay namatay para sa atin at para sa iglesya. Kaya ang pagiging kaanib ng iglesya ay dapat na maging mahalaga sa iyo. Ikaw ba ay kaanib na ng katawan ni Kristo? 7. PAGHANAP NG ISANG IGLESYA Gaano ba karaming tunay na pananamplataya mayroon si Jesus sa sanlibutan? "May isang katawan at isang Espiritu, . . . isang Panginoon, ISANG PANANAMPALATAYA, isang bautismo" Efeso 4:4, 5. Sapagkat si Kristo ay mayroon lamang "isang pananampalataya," paano natin malalaman kung alin ito? Ibinibigay ni Jesus ang susi: "Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Dios, ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Dios o kung ako ay nagsasalita sa aking sarili" Juan 7:17. Kapag tayo ay nagtalagang gawin ang kalooban ng Dios, tutulungan Niya tayong makita kung ang turo ay mula sa Dios o sa kinaugalian ng tao. Ang susi sa paghanap ng isang iglesya ay suriin ang paggalang at katapatan nito sa Salita ng Dios. Ang tunay na samahan ay nakabatay sa Kasulatan, at hindi sa isang kahali-halinang pinuno o dakilang institusyon. Magpatuloy
na gumawa ng mga pagtuklas sa mga gabay na ito, lumakad sa liwanag na
inihahayag sa iyo ng Dios mula sa Biblia, at magiging maliwanag ang
Kanyang kalooban para sa iyo. Ang lumalagong Kristiyano ay isang tao
na bukas ang puso at isipan na tanggapin ang katotohanang inihahayag
ng Dios mula sa Kanyang Salita.
©
2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast |
|