ANG LIHIM NG MALUSOG NA PARAAN NG BUHAY

Ang magkapanahong mga mananaliksik ay nagsumigasig na isa-kasulatan ang isang katotohanan na unang itinatag ng Biblia: na ang mga tao ay isang pinagsamang kabuuan. Ang madalas nating pinaghihiwalay na pisikal, pangkaisipan, at espirituwal na mga bahagi ng tao ay tunay na magkakaugnay at hindi mapaghihiwalay. Sa ibang salita, ang tumatalab sa isip ay tumatalab sa katawan. Ang ating kalagayang espirituwal ay may bisa sa ating kalagayang pisikal, gayundin naman ang kabaligtaran nito. Tayo ay isang buong pagkatao.

Halimbawa, ang mga mananaliksik sa agham ay nasumpungan sa mga pagaaral na ang masaya at nakasisiyang pagtawa ay lumilikha ng mga pagbabago sa "immune system" ng tao. Maari mong tulungan ang iyong katawan sa paglaban sa karamdaman kung ikaw ay magiging masaya! Ang mga pagaaral na ito ay ipinakikita ang malapitan at magkasamang paggawa ng isip at katawan.

Libong taon na ang nakaraan ang Salita ng Dios ay itinuro ang ganitong mahalagang ugnayan ng isip at katawan na kailan lamang tinanggap sa teorya ng medisina:

"Ang masayang puso ay mabuting gamot, ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto" Mga Kawikaan 17:22.

Ayon sa alagad na si Juan, gaano kalapit nakaugnay ang isip at katawan sa ating kalagayang espirituwal?

"Minamahal na kaibigan, aking idinadalangin na ikaw ay MASIYAHAN SA MABUTING KALUSUGAN at ang lahat ay maging mabuti sa iyo, kung paanong nasa mabuti ring kalagayan ang iyong kaluluwa" 3 Juan 2.

Nais ng ating Manlalalang na tayo ay "masiyahan sa mabuting kalusugan." Ang Salita ng Dios ay maaring magsilbing bukal ng ating kalusugan, gayundin ng batis ng walang hanggang buhay.

Sapagkat ang ating pisikal at pangkaisipang kalusugan at ang ating kalagayang espirituwal ay magkakasama, ipinamamanhik ni Pablo ang sumusunod:

"Kaya kung kayo man ay kumakain o umiino, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios" I Corinto 10:31.

Ang ebanghelyo ay kasama kapwa ang pagsasauli ng kalagayang pisikal at espirituwal. Ang malusog na pamumuhay ay makakatulong sa atin na maging masiglang mga Kristiyano.

Narito ang walong simulaing dapat sundin kung tunay na nais mong mamuhay nang higit na malusog at mabungang buhay:

1. DALISAY NA HANGIN

Ang dalisay at sariwang hangin ay mahalaga sa mabuting kalusugan. Sa araw at samantalang natutulog sa gabi, ang wastong pagpapahangin ng ating tahanan at lugar ng gawain ay titiyakin na ang dugo natin ay palaging magdadala ng sapat na oksiheno sa bawat bahagi ng katawan. Ang paghinga nang malalim sa paglalakad sa umaga ay napakabuting paraan ng paglalagay ng oksiheno sa ating katawan.

Ang uri ng hanging ating nilalanghap ay lubhang mahalaga. Ingatan na makalanghap ng mga usok, gaas, o anumang baktirya na dala ng hangin mula sa nakatagong pinagmumulan. Ang paninigarilyo ay nagpaparumi sa hangin at isa ito ngayon sa marami ang pinapatay. Ang mga pananaliksik ng agham ay nagpatunay na ito ang sanhi ng kanser sa baga, emphysema, at sakit sa puso. Ang pagkasugapa ng katawan sa nikotina sa sigarilyo ay siyang dahilan kung bakit ang paghitit ay isa sa mga mga bisyong mahirap alisin. Ang paghitit ng sigarilyo ay papatay ng 12 milyong mga tao taun-taon hanggang 2020 kung ang kasalukuyang mga palatandaan ay magpapatuloy.

2. SIKAT NG ARAW

"Ang mga pakinabang ng sikat ng araw ay marami:

"1. Ang labimlima hanggang tatlumpung minutong pagpapainit sa sikat ng araw sa umaga o sa dakong hapon ay makatutulong sa katawan na bumuo o gumawa ng sarili nitong bitamina D, isang mahalagang pagkain ng balat. Ang bitaminang ito ay tumutulong sa dugo na lumikha ng kalsiyum at posporo na gumagawa at nagaayos ng masa ng buto.

"2. Ang sikat ng araw ay nagsisilbing pamatay ng mikrobiyo at baktirya.

"3. Ang araw ay nagkakaloob ng lakas na ginagamit ng mga halaman upang gawing carbohydrates ang carbon dioxide at tubig. … Kung wala ng prosesong ito, ang mga tao at hayop ay mamamatay sa gutom.

"4. Ang sikat ng araw ay tumutulong din sa tao na makaangkop sa pagtatrabaho sa gabi at pinahuhupa ang kalumbayan na may kaugnayan sa madidilim na araw sa panahon ng taglamig.

"Isang paalaala: Ang sikat ng araw ay nakapipinsala rin. Ang lubhang matagal na pagpapainit sa araw ay nakasusunog ng balat, nagdaragdag ng panganib ng kanser sa balat, pinadadali ang pagtanda, pinipinsala ang mga mata, at nagiging sanhi ng katarata." [Ang lahat ng sipi sa Gabay na ito ay mula sa Look Up and Live: A Guide to Health, First Quarter, l993]

3. PAMAMAHINGA

Ang katawan ay nangangailangan ng pahinga upang kumpunihin ang sarili nito. Kailangan natin ng panahon para sa paglilibang at pamamahinga upang pahupain ang igting ng gawain at kapanagutan sa pamilya. Kung wala ng kailangang kapahingahan, ang mga tao ay madalas na nakararanas ng agam-agam, kalumbayan, at pagkabagot. Ang mga ganitong pabigat sa emosyon ay nagiging sanhi ng karamdaman. Walang maipapalit sa isang mabuting pagtulog sa gabi.

Ang pagpapanibagong lakas ng ating kalagayang espirituwal araw-araw ay mahalaga sa pisikal na kalusugan. Ang araw-araw na pagdidili-dili, pagaaral ng Biblia, at panalangin ng Kristiyano ay nakapagpapagaling sa katawan, gayundin sa kaluluwa. Kailangan din natin ang regular na pagtigil sa lingguhang paggawa, lingguhang pamamahinga, at mga taunan o anim na buwanang pagbabakasyon.

4. EHERSISYO

Ang ehersisyo ay mahalaga sa ating kalusugan:

"1. Ang ehersisyo ay ginagawang normal ang presyon ng dugo.

"2. Ang ehersisyo ay pinahihintulutang dumaloy ang marami pang dugo sa lahat ng bahagi ng katawan, na pinaiinit ang mga kadulu-duluhan nito.

"3. Pinahuhupa ng ehersisyo ang igting kapwa ng pisikal at emosyonal, na tinutulungan kang madamang higit na mabuti ang tungkol sa buhay. Ito ang karaniwang pinakamabuting lunas sa alalahanin at mabibigat na pasanin.

"4. Ang ehersisyo ay nagkakaloob ng lakas na elektrikal sa utak at mga selula ng mga himaymay. Pinabubuti ang kalusugan sa pamamagitan ng pagpapasigla ng immune system. Kapag ang katawan ay pinanatili sa mabuting kalusugan ng wastong ehersisyo, ang isipan ay higit na malikhain at mahusay na nakapagiisip.

"5. Nakatutulong ito sa iyong kutis at pinanatili kang nasa mabuting kalagayan.

"6. Ang ehersisyo ay ginagawa kang higit na masigla, at kung gayon ay inaantala ang kapagurang pisikal at emosyonal.

"7. Tinutulungan nito ang utak sa paggawa ng isang kemikal na nagbibigay ng pagkadama ng kagalingan at nagdaragdag ng iyong pagtitiis laban sa sakit."

Kung hindi ka nageehersisyo, magsimula kang unti-unti at dahan-dahan mong dagdagan kapag ikaw ay nagiging matatag na. Mabuting sumangguni muna sa iyong manggamot bago ka magsimula. Ang iyong mithiin ay magkaroon ka ng anumang uri ng ehersisyo na tulad ng paglalakad ng isang milya sa loob ng 15 minuto, apat na ulit o higit sa isang linggo.

5. TUBIG

Dahil sa ang tubig ay mahalaga sa bawat selula sa katawan, kailangan nating uminom nang marami nito.

"1. Sa timbang, ang katawan ay halos 70 porsyentong tubig …

"2. Kailangan ng katawan ang .625 na galon ng tubig upang magampanan ang lahat nitong gawain; ang ilan sa mga gawaing ito ay: sirkulasyon ng dugo, pagpapalabas ng dumi, pagdadala ng pagkain, at pagtunaw nito. . . .

"3. Ang karaniwang tao ay may 15 hanggang 40 bilyong mga selula ang utak. Ang bawat isa nito ay 70 hanggang 85 porsyentong tubig. Ang sapat na tubig para sa mga selulang ito ay makatutulong sa iyo na mamalaging gising ang isipan, at makaiwas sa kapighatian at pagkabagot.

"4. Hindi lamang ang tubig na iniinom ang mahalaga. Ang araw-araw na paliligo ng malamig o maligamgam na tubig ay pinabubuti ang sirkulasyon ng dugo, at sa gayon ay pinalalakas ang katawan at isip. Pinagiginhawa rin nito ang nagulong mga himaymay, na nakakalikha ng karamdaman, dahil sa pinahihina nito ang immune system. Ang paliligo ay inaalis din ang dumi sa balat at pinahuhupa ang lagnat."

6. WASTONG PAGKAIN

Sa paglalang tinagubilinan ng Dios si Adan at Eva na kumain ng mga nuwes, butil, at prutas (Genesis 1:29). Pagkaraang nagkasala sina Adan at Eva, ang mga gulay ay idinagdag sa kanilang pagkain (Gen. 3:18). Makaraan ang baha, idinagdag ng Manlalalang sa kinakain ng tao ang "malilinis" na pagkaing laman (Gen. 7:2-3, 9:1-6).

Ang laman ng mga hayop ay kapwa may siksik na taba at kolesterol, na dinadagdagan ang panganib ng mataas na presyon ng dugo, atake, sakit sa puso, kanser, labis na katabaan, diyabetes, at iba pang mga karamdaman. Maraming mga manggamot ang nagpapayo na yaong mga kumakain ng karne ay kumain lamang paminsan-minsan ng mga karneng walang taba na nilutong mabuti, at isda.

Dahil sa ang mga taong kumakain lamang ng gulay ay higit na malusog at nabubuhay nang matagal, maraming mga eksperto sa nutrisyon at kalusugan ang namamanhik sa atin na isaalang-alang ang pagbabalik sa orihinal na pagkain ng tao ng mga nuwes, butil, at prutas na may kasamang mga gulay.

Kung nais mong magsimula ng pagkaing gulay, tiyakin lamang na nauunawaan mong maghanda ng balanseng pagkain na walang karne. Kumain ng lima o anim na hain araw-araw ng iba't-ibang prutas, nuwes, butil, gulay na buto, at gulay. Ang mga berde at dilaw na gulay, kasama ng mga dalandan ay tanging mahalaga. Gumamit ng buong butil na harina, at pulang bigas sa halip na puti. Ang pagkain ng gawgaw at iba't-ibang carbohydrates ay kailangang lima hanggang anim na hain bawat araw. Yaoang mga kumakain ng karne ay dapat na kainin lamang ang mga karneng sinasabi ng Biblia na "malinis" o nararapat para sa tao. Pinahintulutan ng Dios ang tao na kumain ng karne pagkaraan ng baha (Gen. 7:3-3, Lev. 11:47). Kanyang ipinaliwanag kung aling karne ang malinis at nararapat na kainin, at alin ang hindi.

Basahin sa Leviticus 11 at Deuteronomio 14 ang listahan ng mga ibon, hayop, at isdang ipinagbabawal ng Dios na kainin. Ayon sa mga kabanatang ito, ang malilinis na hayop ay yaong may baak ang mga paa, at ngumunguya. Ang isda ay kailangang may kaliskis at palikpik. Ang mga ibong kumakain ng mga bulok ay ipinagbabawal.

Kasama sa maruruming hayop ang baboy na tanging binanggit at itinakwil (Deuteronomio 14:8). Ang mataas na porsyento ng mga katawan ng taong idinaan sa awtopsiya ay may impeksyon ng trichinae, mga pinong uod na nasasalin sa taong kumakain ng karneng mayroon nito. Ang kasalukuyang pananaliksik ng agham ay nagbubunyag kung bakit ipinahayag ng Dios ang ilang karne na marumi. Isang dahilan marahil ay ang panganib ng karamdamang dulot ng mga pinong uod na trichinae. Ang ibang dahilan marahil ay ang nakapipinsalang bunga ng siksik na taba sa sistema ng panunaw ng tao.

7. IWASAN ANG MGA BAGAY NA NAKAPIPINSALA

Anong mga babala ang ibinibigay ng Biblia tungkol sa mga inuming nakalalasing?

"Ang alak ay manunuya at ang serbesa ay manggugulo; at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino" Mga Kawikaan 20:1.

"Ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, MGA MAGLALASING, mga mapagmura o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Dios" I Korinto 6:10.

Ang alkohol ay nakasasama sa mga sumusunod na sistema ng katawan:

"1. Ang "immune system" - Ang alkohol ay pinabababa ang kakayahan ng mga puting selula na labanan ang karamdaman, kaya tumataas ang panganib ng numonya, tisis, hepatitis, at ilang uri ng kanser.

"2. Ang "endoctrine system" - Ang dalawa o tatlong ulit lamang na paginom araw-araw ay nagiging sanhi ng pagkaagas, pagsisilang nang patay na sanggol, at pagsilang nang kulang sa panahon.

"3. Ang sistema ng sirkulasyon - Ang paggamit ng alkohol ay pinatataas ang panganib ng sakit sa puso, pinabababa ang asukal sa dugo, at itinataas ang taba sa dugo at presyon ng dugo.

"4, Ang sistema ng panunaw - Ang alkohol ay nakapipinsala sa sikmura na nagiging sanhi ng pagdugo nito. . . . Ang kinaugaliang paggamit ng alkohol ay pinatataas ang panganib ng taba sa atay, hepatitis, at karamdaman sa atay (liver cirrhosis)."

Ang alkohol ang may kapanagutan sa mataas na bahagdan ng pagpapakamatay, kamatayan sa sakuna sa sasakyan, pagsasamantala sa mga bata, at karahasan sa tahanan.

8. PAGTITIWALA SA BANAL NA KAPANGYARIHAN

Ang taong hindi tinitigilan ng takot o pagkakasala ay hindi makikinabang na lubos sa mga kaugalian ng kalusugan na ating tinalakay sa itaas. Ngunit ang taong tiyak na nasisiyahan sa pananampalataya sa Dios ay mararanasan ang sukdulang pinagmumulan ng kabutihan ng kalagayan.

"Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya - na siyang nagpapatawad ng lahat mong kasalanan at NAGPAPAGALING NG LAHAT MONG KARAMDAMAN, na siyang TUMUTUBOS NG IYONG BUHAY sa hukay" Mga Awit 103:2-4.

Si David Larson, isang tagapayo ng National Institute of Mental Health sa Estados Unidos, ay gumawa ng malawakang pananaliksik sa relasyon ng relihiyon at kalusugan. Ang kanyang pagaaral ay nagpakita ng tuwirang ugnayan ng pagtatalaga ng Kristiyano at ng kalusugan. Nagulat siyang malaman na: Yaong mga nagtutungo sa simbahan ay may lalong mahabang buhay kaysa doon sa mga hindi nagsisimba. Ang mga nagtutungo sa mga bahay-sambahan ay may mababang panganib ng atake sa puso, paninigas ng mga malalaking ugat, mataas na presyon ng dugo, at iba pang mga karamdaman. Yaong mga may pananampalataya sa Dios ay may higit na kapakipakinabang na buhay sapagkat sila ay hindi halos nakararanas ng kalumbayan, paginom ng alak, at pagkakulong dahil sa mga paglabag, o kaya ay mapasubo sa isang hindi kasiya-siyang pagaasawa. Ang patitiwala sa banal na kapangyarihan ay siyang susi sa tunay na mabuting kalagayan at malusog at masayang buhay.

Halos 50,000 mga Seventh-dayAdventist, karamihan ay sa California, ang pinagaralan sa loob nang mahigit na 30 taon. Ang bunga ng pagaaral ay nagpakita na ang mga lalaking Adventista ay nabuhay nang mahigit na 8.9 mga taon, at ang mga babae naman ay mahigit na 7.50 taon kaysa karaniwang mamayan. Ang mga pagaaral ng mga Adventista sa Holland, Norway, at Poland ay ipinakita rin ang katulad na resulta. Idinadahilan ng mga mananaliksik ang mahigit na haba ng buhay ng mga Adventista sa kanilang pagsunod sa ilan o lahat ng walong simulain ng kalusugan na nasa gabay na ito. Ang mga sumusunod sa mga simulating ito ay hindi lamang nabubuhay ng higit na matagal, kundi mayroon ding higit na mabuting uri ng buhay.

Ang pagaangkop natin ng pananaw ng Biblia sa ating mga buhay ay gumagawa ng kaibahan sa lahat ng uri ng mga praktikal na paraan, na nagkakloob ng mga kapanipaniwalang katunayan na ang pagiging Kristiyano ang siyang pinakapraktikal at makatwirang relihiyon sa buong sanlibutan. Ito ay bumabago ng mga tao - ng kanilang pagiisip at mga kilos - at lumilikha ng bagong paraan ng buhay.

Dahil sa malapitang relasyon ng isipan, ng katawan, at ng ating espirituwal na buhay, ang mga Kristiyanong nabubuhay sa Salita ng Dios ay nanaising sundin ang mga simulain ng malusog na paraan ng buhay samantalang sila ay naghahanda sa ikalawang pagdating ni Jesus (I Juan 3:1-3). Hindi lamang gusto ni Kristo na maging handa tayo sa pagsalubong sa Kanya kapag Siya ay nagbalik. Gusto rin Niyang pasulungin ang uri ng ating kasalukuyang buhay. Maari tayong makiisa sa Kanya sa pagsunod sa mga payak na simulain ng kalusugan ng Dios.

Ipinapangako ni Jesus na ililigtas tayo mula sa bawat mapanirang paguugali sa pamamagitan ng Kanyang "kapangyarihang gumagawa sa atin" (Efeso 3:20). Kung tinatangka mong panagumpayan ang ilang sumisira-sa-katawang paguugali, tulad ng paggamit ng tabako o paginom ng nakalalasing na inumin, ang pinakamabuti mong kapasyahan na tumigil ay madalas na nauuwi sa lubid na buhangin. Ngunit sa pagkabit sa kapangyarihan ng Dios "na gumagawa sa kalooban" mo, ibibigay sa iyo ng Dios ang kalakasan upang managumpay. Ipinapangako ng Salita ng Dios: "Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin" - Filipos 4:13.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.