ANG LIHIM NG PAGLAGO SA PAMAMAGITAN NG PAGBABAHAGI

Si Larry ay nasisiyahan sa nakawiwiling pakikipagusap, tsaang Hapones, at biskuwit na bigas sa bahay ni Ginoong Komori nang ang iba pang mga panauhin ay nagsimulang maglabas ng kanilang mga Biblia. Lahat sila ay may pananabik na nakatingin sa kanya. "Maari bang simulan na natin ang pagaaral ngayon?" ang tanong ni Ginoong Komori.

Halos nasamid si Larry ng kanyang tsaa. Ang akala niya ang pagtitipong ito ay para sa katuwaan lamang. Ngayon ay hindi siya makaisip ng sasabihin.

Si Larry ay nagturo na ng maraming klase sa Biblia sa paaralan ng wikang Ingles sa Hapon kung saan siya nagtatrabaho. Lahat ng ito ay napakabuti ang pagkapanukala. Madali siyang makapagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa Biblia. Ngunit ang magsalita ng tungkol sa Dios nang daglian . . . naiiba iyon.

Narinig na ni Larry ang lahat ng kuwento sa Biblia mula nang siya ay bata pa. Ngunit ang lahat ng ito ay walang gaanong halaga sa kanya. Ginagawa niya ang mga bagay na alam niyang mali sa paningin ng Dios. Papaano siyang makapagsasalita sa iba ng tungkol sa Dios na hindi naman niya tunay na kilala?

Ngayong nakaupo siya sa sopa na napapaligiran ng mga umaasang tao, ang kanyang paglalaro ay babagsak na. Sa mga sandaling yaon ng takot, isang talata ang kumislap sa kanyang isipan tungkol sa Banal na Espiritu na nagbibigay sa atin ng mga salitang sasabihin kapag tayo ay magpapatotoo sa harap ng mga tao (Lukas 12:12). Umusal siya ng halos walang pagasang panalangin para sa tulong at nangunyapit sa bantug na kuwento na naisip niya: ang Alibughang Anak.

Samantalang inilalarawan niya kung gaano kamahal ng Dios maging yaong mga naglilimayong palayo sa Kanya ay nasumpungan ni Larry ang kanyang sarili na nagsasalita mula sa puso. Ang kanyang mga salita ay tumitimo, at sa unang pagkakataon sa kanyang buhay ay nadama ni Larry kung gaano siya inibig ng Dios.

Nang gabing yaon si Larry ay lumuhod sa tabi ng kanyang kama at itinalaga ang kanyang buhay sa isang Dios na sa wakas ay naging katotohanan sa kanya. Ang pagbabahagi ng pagibig ng Dios ay ginawa itong hindi lamang isang karaniwang bagay na di-gaanong maunawaan, kundi isang katotohanang pumupuspos sa kanya.

1. HINAHAMON TAYO NI JESUS NA LUMAGO SA PAMAMAGITAN NG PAGBABAHAGI

Ag mga alagad ay gumugol ng tatlo at kalahating taon sa pagtanggap ng mga salita at gawain ni Kristo, at sa wakas ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na maguli. Nang Siya ay malapit nang magbalik sa langit, tinagubilinan Niya ang Kanyang mga alagad na maging Kanyang pansariling mga kinatawan:
"TATANGGAP KAYO NG KAPANGYARIHAN pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at KAYO'Y MAGIGING MGA SAKSI KO . . .hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa" Mga Gawa 1:8.

Nang ipagkaloob ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang mga puso sa Kanya nang walang pasubali noong Pentekoste, ang nabuhay na Kristo ay binago ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Sila'y naging saksi hindi lamang sa Kanyang pagkabuhay na maguli at pagakyat sa langit, kundi sa Kanya ring kapangyarihan ng pagkabuhay na maguli na bumago ng kanilang mga buhay.

Bilang mga Kristiyano tayo ay mga saksi rin sa pagkabuhay na maguli ni Jesus sapagkat naranasan natin ang Kayang bumabagong kapangyarihan sa sarili nating mga buhay.

"Ngunit dahil sa kanyang malaking pagibig sa atin, ang DIOS, na mayaman sa awa, ay BINUHAY TAYONG KASAMA NI KRISTO maging NOONG TAYO AY PATAY PA SA KASALANAN - sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas. AT TAYO'Y MULING BINUHAY NA KASAMA NI KRISTO . . . UPANG KANYANG MAIPAKITA ANG DI-MASUKAT NA KAYAMANAN NG KANYANG BIYAYA, sa kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Jesus" Efeso 2:4-7.

Tayo ay binuhay na kasama ni Kristo, upang ating "maipakita ang di-masukat na kayaman ng Kanyang biyaya." At tinagubilinan Niya tayo na dalhin ang mabuting balita ng Kanyang magagawa sa buhay ng tao sa buong sanlibutan, at nangako na sasama sa atin sa paggawa- Mateo 28:19-20.

Si H. M. S. Richards, ang nagtatag ng palatuntunan sa radyo ng Voice of Prophecy ay minsang nagpatotoo: "Nakita ko ang pagbabago sa mga puso ng tao na nakarinig ng ebanghelyo ni Kristo. Nakapaglakbay ako sa mga lupain kung saan ang pangalan ng Dios at ni Kristo ay hindi kailanman nakilala hanggang noong dalhin doon ng Kanyang iglesya ang ebanghelyo. Nakita ko ang mga taong ito na nabago mula sa karumihan tungo sa kalinisan, mula sa mga pagkakasakit tungo sa kalusugan, mula sa palagiang pagkatakot sa masasamang espiritu sa kagalakan ng buhay Kristiyano. Nakita ko ang pagbabago sa kalagayan ng kababaihan. Nakita ko ang mga tunay na tahanang Kristiyano na lumitaw mula sa kadilimang pagano. Sa bawat lupaing aking dinalaw ay nakita ko ang pagbabago ng mga buhay. Alam ko na ang 'ebanghelyo ni Kristo . . . ay kapangyarihan ng Dios sa kaligtasan' - Roma 1:16. Alam ko na kapag ipinahayag ng iglesya ang pabalita ng ebanghelyo, ang mga pagbabago ay mangyayari sa mga puso at mga tahanan ng tao, at nakikita ang mga ito sa buhay noong mga tumutugon sa panawagan nito."

Ibinigay ng Dios sa atin ang mga mahihinang tao na tanging gampanin sa kapanapanabik na gawaing ito, sapagkat ang pagbabahagi ay mahalagang bahagi sa ating paglago. Upang manatiling malusog ang ating pananampalataya, kailangan itong ipahayag. Tulad ng madulang natuklasan ni Larry, ang pagbabahagi ng ating pananampalataya ay nakatutulong sa atin na maranasan ito nang lubusan, at nagiging dahilan upang tayo ay lumago.

2. IBINABAHAGI NATIN SI KRISTO SA PAMAMAGITAN NG PARAAN NG ATING BUHAY

Isang kabataang lalaki na tumanda sa isang abusadong tahanan ang minsan ay nagwika: "Tumingin ako sa aking mga magulang na nagbigay sa akin, sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, ng sirang larawan ng Dios; hindi ako kailanman nagkaroon ng halimbawa ng isang may balat na umibig sa akin." Ang mga tao sa ating paligid ay mahigpit ang pangangailangan ng isang magbibigay sa kanila ng malusog na larawan ng Dios. Kailangan nila ang isang "may balat" na magpapakita ng mga makadios na katangian. Madalas na ang pinakamakapangyarihan nating sermon ay ang paraan ng ating buhay. Bago ipagmalasakit ng isang tao kung gaano ang iyong nalalaman, kailangan muna nilang malaman kung gaano ka nagmamalasakit. Namamanhik sa atin si Pedro:

"MABUHAY KAYO NG MABUBUTING MGA BUHAY sa gitna ng mga Hentil upang . . .MAKITA NILA ANG INYONG MABUBUTING GAWA AT LUWALHATIIN ANG DIOS . . sapagkat si KRISTO MAN AY NAGDUSA ALANGALANG SA INYO NA KAYO AY INIWAN NG HALIMBAWA, UPANG SUMUNOD KAYO SA KANYANG MGA YAPAK" I Pedro 2:12, 2l.

Mula nang "magdusa si Kristo" para sa atin sa Kalbaryo, nagkaroon tayo ng malapit na halimbawa ng pagibig na may sakripisyo. Ang pagibig na yaon, na nakikita sa atin na mga gawain ng pagibig sa iba, ay maaring maging makapangyarihang lakas na umaakit ng mga hindi mananampalataya sa mga bisig ni Jesus.

3. IBINABAHAGI NATIN SI KRISTO DAHIL SA PARAAN NG ATING PAGIISIP

Nang tambangan ng Diablo si Jesus sa ilang ng kanyang mga pamanhik sa hilig sa pagkain, pagmamataas, at pag-aakala, Siya ay matagumpay na lumaban sa pamamagitan ng pagsipi mula sa Kasulatan (Mateo 4:4, 7, 10). Si Kristo ay handa sapagkat pinuno na Niya ang Kanyang isipan ng mga katotohanan ng Biblia. Doon nagwawagi o nalulupig sa labanan - sa ating mga isipan.

"Sapagkat kung ano ang iniisip ng tao sa puso niya, ay gayon siya" Mga Kawikaan 23:7.

Ang lumalagong mga Kristiyano ay nagiisip ng patungo sa langit. Pinagiisipan nilang mabuti ang malusog na mga katangiang sinisikap nilang matamo.

"Magalak kayong lagi sa Panginoon, . . . sa lahat ng bagay, sa PAMAMAGITAN NG PANALANGIN at pagsamo na may pagpapasalamat, ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. At ang kapayapaan ng Dios, na hindi maabot ng pag-iisip, ang MAGIINGAT NG INYONG MGA PUSO AT MGA PAG-IISIP kay Kristo Jesus. Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na TOTOO, anumang bagay na KAGALANG-GALANG, anumang MATUWID, anumang bagay na MALINIS, anumang bagay na KAIBIG-IBIG, anumang bagay na KAPURI-PURI - kung mayroong anumang KAGALINGAN, at kung may anumang NARARAPAT PAPURIHAN - ay isipin ninyo ang mga bagay na ito" Filipos 4:4-9.

Anuman ang ating inilalagay sa ating mga isipan ay siyang gumagawa ng kaibahan. Basurang paloob, basurang palabas. Salita ng Dios na paloob, buhay ng Dios na palabas.

4. IBINABAHAGI NATIN SI KRISTO SA PARAAN NG ATING PAGTINGIN

Bilang kinatawan ni Kristo, ang Kristiyano ay dapat na maging mahinhin maging sa paraan ng kanyang pagtingin, na iniiwasan ang lahat ng uri ng kalabisan.

"Kung ang sinoman sa kanila ay hindi sumampalataya sa salita, sila'y mahihikayat . . . kapag nakikita nila ang dalisay at magalang ninyong pag-uugali. Ang inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit. Sa halip, ay ang panloob na pagkatao, na may KAGANDAHANG WALANG PAGLIPAS, NG ISANG MAHINHIN AT MAAMONG ESPIRITU, na napakahalaga sa paningin ng Dios. Sapagkat ito ang daan . . . yaong mga naglagak ng kanilang pagasa sa Dios ay ginawang maganda ang kanilang mga sarili" I Pedro 3:1-5.

Ang kasimplehan sa pananamit at kagayakan ay palagi nang tanda ng tunay na katulad ni Kristo. Bilang huwaran, ang iba ay dapat na maakit sa atin bilang mga Kristiyano, hindi ayon sa sinasabi natin tungkol sa usong pananamit, kundi sa sinasabi ng ating mga buhay tungkol kay Jesus.

5. IBINABAHAGI NATIN SI KRISTO SA PARAAN NG ATING PAGKILOS

Ang mananalaysay na si Edward Gibbon ay sinasabi sa atin na nang dambungin ni Galerius ang kampo ng mga Persyano, isang kumikinang na maletang balat na puno ng mga perlas ang napasa kamay ng isang nagnanakaw na sundalo. Ang kawal na ito ay maingat na itinago ang mapapakinabangang maleta, ngunit itinapon ang mga mahalagang perlas.

Ang mga taong nakakapit sa mabababaw na mga katuwaang iniaalay ng sanlibutan - samantalang winawalang halaga si Jesus - ang Perlas na may Dakilang Halaga - ay higit pang masama kaysa nagnakaw na kawal. Hindi lamang ito isang kayamanan na nakalulusot sa ating mga kamay, kundi walang hanggang kaligtasan. Kaya binabalaan tayo ng Kasulatan:

"Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlubutan. Kung ang sinoman ay iniibig ang sanlibutan, ang pagibig ng Ama ay wala sa kanya. Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng makasalanang tao, ang pagnanasa ng mga mata, [pagibig sa sanlibutan], at ang pagmamalaki dahil sa kanyang tinatangkilik at ginagawa [pagmamataas] ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ngDios ay nananatili magpakailanman" I Juan 2:15-17.

Sinisikap ni Satanas na gawing ginintuan ang higit na mapangwasak na mga kasalanan at ang pinakamasamang paguugali. Ang mga patalastas ng mga inuming nakalalasing ay ipinakikita ang mga bata, magaganda, masisipag, at lubhang masasayang mga tao lamang. Hindi tayo nakakita kailanman ng isang kahabag-habag na tao na susuray-suray mula sa tindahan ng alak na may sakong papel sa kanyang mga kamay.

Kailangang maging maingat tayo sa mga kasamang inilalagay sa alanganin ang ating mga simulaing Kristiyano (2 Korinto 6:14). Lagi namang nais ni Kristo na inaabot natin ang mga kaibigang hindi Kristiyano. Ang mga personal na relasyon ang mga pangunahing paraan ng pagbabahagi ng pananampalataya. Tiyakin lamang na hindi ka hinahatak na muli ng iyong mga kasama sa dating daan ng buhay.

Anuman ang ating tinatanggap sa ating buhay, maging ang ating pinipiling libangan, ay may matinding bunga sa ating espirituwal na buhay. Kailangang nalalaman natin ang ipinapasok natin sa ating isipan.

"Hindi ko ilalagay sa harap ng aking mga mata ang anumang hamak na bagay" Mga Awit 101:3.

Kung pakakainin natin ng pinakamabuti ang ating mga kaluluwa, hindi tayo kayang hatakin ng pinakamasama pababa sa kanyang kalagayan. Ang manatili sa higit na mataas na pamantayan sa mga bagay na ipinapasok natin sa ating mga tahanan at isipan ay hindi pakikitirin ang ating mga buhay. Ang Kristiyano ay mayroong higit pang magpapasaya sa kanya kaysa sinoman.

"PUPUSPUSIN MO AKO NG KAGALAKAN sa iyong harapan, na may kasayahan magpakailanman sa iyong kanang kamay" Mga Awit 16:11.

5. IBINABAHAGI NATIN SI KRISTO SA PARAAN NG ATING PAGBIBIGAY

Nang bibinyagan na niya ang isang bagong mananampalataya, napansin ng yumaong si Pastor H. M. S. Richards na ang lalaki ay taglay pa rin ang isang pitakang punung-punong sa kanyang bulsa. Ipinaalala ng pastor sa lalaki na marahil ay nalimutan niyang iwan ang kanyang salapi sa silid-bihisan.

"Ako at ang aking lukbutan ay magkasamang bibinyagan," ang paliwanag ng lalaki. Nasumpungan na niya ang tunay na espiritu ng pagiging Kristiyano - nagbibigay upang tumulong sa iba. Ang mga Kristiyano ay lumalago sa pagbibigay, at yaon ang dahilan kung bakit "sinabi ni Jesus mismo: 'Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap'" Mga Gawa 20:35.

Ang ating ibinibigay upang pasulungin ang kaharian ng Dios ay nagiiwan ng walang hanggang halaga.

"Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw. Kundi MAGTIPON KAYO PARA SA INYONG SARILI NG MGA KAYAMANAN SA LANGIT . . . . sapagkat kung nasaan ang ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso" Mateo 6:19-21.

Habang nagbibigay ka, alalahanin: "Ang lupa ay sa Panginoon, at ang lahat ng naririto" (Mga Awit 24:1), kasama ng pilak at ginto (Haggai 2:8). Tayo ay sa Dios, sapagkat Siya ang lumikha sa atin at Siya ang nagligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pagbabayad ng Kanyang dugo sa halaga ng ating mga kasalanan (I Korinto 6:19-20). Ang lahat na sa atin ay sa Dios, sapagkat Siya ang nagbigay sa atin ng "kakayahang magkaroon ng kayamanan"(Deuteronomio 8:18).

Gaano ang paanyaya ng napako at nabuhay nating Panginoon na ibabahagi natin sa Kanya sa pagbibigay ng ebanghelyo sa iba?

"Nanakawan ba ng tao ang Dios? Gayunmay ninanakawan ninyong ako. Ngunit inyong sinasabi, 'Paano ka namin ninanakawan?' 'SA MGA IKASAMPUNG BAHAGI AT MGA HANDOG. . . . . Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon,' sabi ng PANGINOONG Makapangyarihan, 'at tingnan ninyo kung hindi KO BUBUKSAN PARA SA INYO ANG MGA BINTANA NG LANGIT, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan'" Malakias 3:8-10.

Ang ikapu ay "ikasampung bahagi" ng ating "karagdagan" (Deuteronomio 14:22; Genesis 28:22). Sa mga magsasaka o mangangalakal ang dagdag ay ang kinita pagkatapos na bawasin ang mga kagastusan. Para sa mga empleyado, ito ang kabuuang sahod. Ang simulain ng pag-iikapu ay isang simulaing moral sapagkat kasangkot nito ang likas ng pagkatao. Kung hindi tayo mag-iikapu ay "ninanakawan" natin ang Dios. Ang ikapu ay sa Dios at ito ay tanging para sa pagtataguyod ng ministeryo ni Kristo (I Korinto 9:14), at pagtatapos ng Kanyang gawain sa lupa upang Siya ay makabalik na (Mateo 24:14).

Nang si Kristo ay dumating upang mabuhay na kasama natin, pingtibay Niya ang pagiikapu sa mga panahon ng Bagong Tipan (Mateo 23:23).

Gaano ang dapat nating ibigay na handog? Ito ay nasa pagpapasya ng tao. Ang bawat tao ay "dapat na magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso na ibibigay" (II Korinto 9:5-7). Hindi mo malalampasan ang Dios sa pagbibigay.

"Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo - hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan" Lukas 6:38.

Minsan ay isinaysay ni H. N. S. Richards ang karanasang ito:

"Isang pusakal na sugarol ang dumalo sa mga pulong ko sa Los Angeles, at hindi ko malilumutan ang panahon na kinausap ko siyang nagiisa sa likuran ng awditoryum. Dumukot siya ng $500, at ibinigay sa akin, na sinasabi, 'Ito ang una kong ikapu.'

"Ang lalaki ay hindi mayaman, at wala siyang ibang gawain kundi magsugal sa loob ng 30 hanggang 40 taon, kaya sinabi ko, 'Paaano ka mabubuhay?"

"Sumagot siya, 'Mayroon pa akong natitirang lima o anim na dolyar, ngunit ang ibang ito ay sa Dios.' "At itinanong ko, 'Ano ang iyong gagawin?'

"'Hindi ko alam,' ang sagot niya, 'ngunit alam ko na kailangan kong magbayad ng ikapu sa Dios, at siya ang magaalaga sa akin.'

"At ginawa iyon ng Dios. Ang kanyang pagsisisi ay wagas. Nagpatuloy siya sa kanyang pagtatalaga at masaya siya sa kanyang Kritiyanong buhay. At ang Dios ang naglaan para sa kanya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan." Ngunit hindi ipinangako ng Dios na ang lahat ng tapat na mananampalataya ay magsisiyaman. Ngunit mayroon tayong katiyakan na ipagkakaloob ng ating Manlalalang ang mga pangangailangan ng buhay.

Ibinigay ni Kristo sa atin ang lahat. Lubos nating ibigay ang mga puso natin sa Kanya ngayon. Ibahagi natin si Kristo sa iba sa pamamagitan ng paraan ng ating buhay, pagiisip, pagtingin, pagkilos, at pagbibigay. Bakit hindi mo tuklasin ang kasiyahan na ibahagi si Kristo sa iba at lumago sa Kanyang kahanga-hangang biyaya?


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.