ANG LIHIM NG TINUGONG PANALANGIN

Si Anatoli Levitin, isang Rusong manunulat at mananalaysay, ay gumugol ng maraming taon sa Siberian Gulag kung saan ang mga pakiusap sa Diyos ay tila namuo sa lamig sa lupa. Ngunit siya ay bumalik na waring may angkop na espiritu. "Ang pinaka-dakilang kababalaghan sa lahat ay panalangin," ang naisulat niya. "Dapat lamang na isipin kong humarap sa Dios at kaagad ay nakadarama ako ng isang lakas na bumubuhos sa akin na kung saan nagmula, sa aking kaluluwa, sa aking buong katauhan. Ano ito? Saan ko makukuha, ako na isang wala nang halagang matanda at pagod na sa buhay, ang kalakasang ito na binabago at inililigtas ako, na itinataas ako mula sa lupa? Ito ay nagmumula sa labas ko - at walang lakas sa sanlibutan na kailanman ay makalalaban dito."

Sa gabay na ito makikita natin kung papaano tayo matutulungan ng panalangin na magtayo ng higit na malakas na relasyon sa Diyos at isang malusog na buhay Kristiyano.

1. PAKIKIPAG-USAP SA DIYOS

Papaano tayo makakatiyak na naririnig tayo ng Diyos kapag tayo ay nananalangin?

"At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at DADALANGIN SA AKIN. at DIRINGGIN KO KAYO. Hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang buong puso." Jeremias 29:12, 13.

Anong katiyakan ang ibinigay ni Jesus na Kanyang pakikinggan at sasagutin ang ating mga panalangin?

"At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan." Lucas 11:9.

Ang panalangin ay isang dalawahang-daan na pakikipag-usap. Iyan ang ipinangako ni Jesus:

"Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko." Apokalipsis 3:20.

Papaanong mangyayari na uupo at magkakaroon ka ng pakikipagusap kay Kristo sa harap ng isang magandang hapunan? Una, sa pagsasabi sa Kanya ng lahat na nasa ating puso sa panalangin. Pangalawa, sa maingat na pakikinig. Sa ating pagbubulay-bulay sa panalangin, ang Diyos ay maaaring magsalita sa atin nang tuwiran. Sa ating pagbabasa ng Salita ng Diyos na may pagtatalaga, ang Diyos ay magsasalita sa atin sa pamamagitan ng mga pahina nito.
Ang panalangin ay maaaring maging paraan ng buhay para sa Kristiyano.

"MANALANGIN KAYONG WALANG PATID; Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Kristo Hesus para sa inyo," 1 Tesalo- nica 5:16-18.

Papaano tayong "mananalangin nang walang patid"? Tayo ba ay kinakailangang palaging nakaluhod o patuloy na inuulit-ulit ang mga parirala ng pagpupuri o pakiusap? Hindi naman. Ngunit dapat tayong mabuhay na totoong malapit kay Jesus na nadarama nating malaya tayong magsalita sa Kanya anumang oras, saan mang lugar.

"Sa mga kalipunan ng mga tao sa lansangan, sa gitna ng paghahanap-buhay, magpadala tayo sa itaas ng kahilingan sa Diyos at makiusap para sa banal na pamamatnubay.... Dapat na mayroon tayong isang laging bukas na pinto ng puso at paanyaya na si Hesus ay dumating at manirahan na isang makalangit na panauhin sa kaluluwa." - Steps to Christ, p. 99.

Ang isa sa pinaka-mabuting pagpapaunlad ng ganitong uri ng malapit na relasyon ay matutong magbulay-bulay sa ating panalangin.

"Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay, para sa akin, ako'y magagalak sa PANGINOON" Mga Awit 104:34.

Huwag kang nagmamadali sa iyong mga kahilingan kapag ikaw ay nananalangin. Maghintay. Makinig. Ang isang maiksing panalangin ng pagbubulay-bulay ay maaring lubos na makapagpalago sa iyong pakikisama sa Diyos.

"Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa iyo." Santiago 4:8.

Kung lagi tayong malapit kay Jesus, lalo nating mararanasan ang Kanyang pakikiharap. Kaya laging manatiling malapit na nakikipag-usap kay Hesus, at huwag alalahanin ang pagsasabi ng mga tamang salita. Basta magsalita na may katapatan at hayag. Sabihin ang lahat ng bagay. Dinanas Niya ang pait ng kamatayan upang Siya ay iyong maging Pinakamatalik na Kaibigan.

2. PAPAANONG MANANALANGIN

Kapag tayo ay nanalangin, maaaring sundin natin ang balangkas ng Panalangin ng Panginoon, ang huwarang panalangin na itinuro ni Hesus sa Kanyang mga alagad sa pagtugon sa kanilang kahilingan: "Turuan mo kaming manalangin."

"Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo, masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw at patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin. At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman. Amen." Mateo 6:9-13.

Sang-ayon sa huwarang inilaan ni Hesus sa Kanyang panalangin, tayo ay lalapit sa Diyos bilang ating Makalangit na Ama. Hilingin na ang Kanyang kalooban ang mangyari sa ating mga puso tulad ng ang Kanyang kalooban ang nangyayari sa langit. Hinahanap natin Siya para sa ating pisikal na mga pangangailangan, para sa kapatawaran, at para sa isang nagpapatawad na kaisipan. Alalahanin natin na ang ating kakayahan na labanan ang kasalanan ay nagmumula sa Diyos. Ang panalangin ni Kristo ay kasama ang pagpapahayag ng papuri.

Sa isa pang pagkakataon itinuro ni Hesus sa Kanyang mga alagad na manalangin sa Ama "sa aking pangalan" (Juan 16:23) - yaon ay upang manalangin na katugma ng mga simulain ni Hesus. Kung kaya ang mga Kristiyano kadalasa'y tinatapos ang kanilang mga pananalangin ng mga salitang: "Sa pangalan ni Hesus, Amen." Ang Amen ay isang salitang Hebreo na nangangahulugang "Mangyari nawang gayon."

Bagaman ang Panalangin ng Panginoon ay nagbibigay ng mga gabay kung ano ang ipananalangin at kung papaano magbabalangkas ng isang panalangin, ang ating pakikipag-usap sa Diyos ay gumagawang higit na mabuti bilang kusang akda puso.

Maaari tayong manalangin ng tungkol sa lahat ng bagay. Inaanyayahan tayo ng Diyos na manalangin tungkol sa kapatawaran ng ating mga kasalanan (1 Juan 1:9), pinasulong na pananampalataya (Marcos 9:24), mga pangangailangan sa buhay (Mateo 6:11), paggaling para sa paghihirap at karamdaman (Santiago 5:15), at ang pagbubuhos ng banal na Espiritu (Zacarias 10:1). Tinitiyak sa atin ni Hesus na maaari nating dalhin ang lahat ng ating pangangailangan at mga alalahanin sa Kanya; walang totoong maliit upang idalangin.

"Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't siya'y nagmamalasakit sa inyo." 1 Pedro 5:7.

Ang ating Tagapagligtas ay nananabik sa bawat detalye ng ating buhay. And Kanyang puso ay umaalab kapag ang ating mga puso ay umaabot sa Kanya para sa pag-ibig at pananampalataya.

3. PANSARILING PANANALANGIN

Marami sa atin ay may mga bagay na bantulot nating ibahagi kahit sa pinakamalapit nating mga kaibigan. Kaya ang Diyos ay nag-aanyaya sa atin na magbaba ng ating mga pasanin sa pansarili nating pananalangin. Hindi dahil sa kailangan Niya ang anumang impormasyon. Ang Makapangyarihan sa lahat ay nalalaman ang ating mga lihim, mga ikinatatakot, natatagong mga hangarin, at inilibing na pagdaramdam nang higit kaysa atin. Ngunit kinakailangan na buksan natin ang ating puso sa ISA na nakakakilala sa atin at umiibig sa atin nang walang hanggan. Ang paggaling ay magsisimula kapag nahipo ni Hesus ang ating sugat
Kapag tayo ay nanalangin, si Hesus, ang ating Punong Pari, ay malapit upang tulungan tayo:

"Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na TINUKSO SA LAHAT NG MGA PARAAN, GAYA RIN NAMAN NATIN - gayon man ay walang kasalanan. Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya ng makatutulong sa panahon ng pangangailangan." Hebreo 4:15, 16.

Nadarama mo bang ikaw ay nababagabag, bagot at maysala? Ilagay mo sa harapan ng Panginooon. Maaari Siyang maglaan sa lahat ng ating mga pangangailangan.

Dapat ba tayong mayroong isang tanging lugar para sa pansariling pananalangin?

"Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama, .... na gagantipalaan ka." Mateo 6:6.

Bukod sa pananalangin habang naglalakad sa daan, gumagawa sa gawain, o nagsasaya sa isang pagtitipon, ang bawat Kristiyano ay dapat na may panahong nakalaan sa bawat araw para sa personal na pananalangin at pag-aaral ng Biblia. Gawin ang iyong araw-araw na pakikipagtagpo sa Diyos sa panahon na pinakamabuti ang iyong pakiramdam at masiglang makapag-ukol ng pansin.

4. PANANALANGING PANGMADLA

Ang pakikisama sa iba sa pananalangin ay lumilikha ng isang tanging buklod at nag-aanyaya sa kapangyarihan ng Diyos sa isang tanging paraan.

"Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroon ako sa gitna nila." Mateo 18:20.

Isa sa pinakadakilang bagay na magagawa natin bilang isang sambahayan ay pasulungin ang buhay ng sama-samang pananalangin. Ipakita sa inyong mga anak na maaari nating dalhin nang tuwiran ang ating mga pangangailangan sa Kanya. Sila ay mananabik tungkol sa Diyos sa pagkakita nilang Siya ay tumutugon sa panalangin para sa praktikal na detalye ng buhay. Gawin na isang masaya, maginhawang panahon ng pagbabahagi.ang pagsambang sambahayan

5. PITONG LIHIM NG TINUGONG PANALANGIN

Nang si Moises ay manalangin, ang Dagat na pula ay nahawi. Nang si Elias ay manalangin, ang apoy ay bumaba mula sa langit. Nang si Daniel ay manalangin, isang anghel ang nagsara sa mga bibig ng matatapang na leon. Ang Biblia ay naghaharap sa atin ng maraming kapanapanabik na mga tala ng mga sinagot na panalangin. At ito ay nagmumungkahi ng panalangin na siyang paraan upang makakabit ka sa napakalakas na kapangyarihan ng Diyos. Si Hesus ay nangangako:

"Kung kayo'y humihingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko." Juan 14:14.

Ngunit ang ibang mga panalangin ay tila hindi pinakikinggan. Bakit? Narito ang pitong simulain na tutulong sa iyo na manalangin nang higit na mabisa:

(1) Manatiling malapit kay Krsito.

"KUNG KAYO AY MANANATILI SA AKIN, at ang mga salita Ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo." Juan 15:7.

Kapag ginawa nating pangunahin ang ating pakikipag-ugnay sa Diyos at manatiling kaugnay Niya, tayo ay makikinig at hahanap ng mga kasagutan sa ating mga panalangin na, maaaring hindi napapansin.

(2) Patuloy na magtiwala sa Diyos.

"At anumang bagay na iyong hingin sa panalangin na may PANANAMPALATAYA ay inyong tatanggapin." Mateo 21:22.

Ang manampatalaya, o magkaroon ng pananampalataya, ay nangangahulugang tunay tayong tumitingin sa ating Makalangit na Ama upang sapatan ang ating mga pangangailangan. Kapag ikaw ay naguguluhan sa kakulangan ng pananampalataya, alalahaning ang ating Tagapagligtas ay gumawa ng isang himala para sa isang lalaking nakiusap sa kawalan ng pag-asa:

"Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya." Marcos 9:24.

Sidhian lamang ang pagsasanay ng pananampalatayang TAGLAY mo; huwag mong alalahanin ang pananamapalatayang WALA sa iyo.

(3) Sumukong mahinahon sa kalooban ng Diyos.

"Ito ang ating kapanatagan sa Kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na AYON SA KANYANG KALOOBAN, tayo'y pakikinggan Niya." 1 Juan 5:14.

Alalahaning nais ng Diyos na turuan tayo, gayon din na bigyan tayo ng mga bagay, sa pamamagitan ng pananalangin. Kaya kung minsan sinasabi Niyang, "HINDI"; kung minsan ay ibinabaling Niya tayo sa ibang direksyon. Ang panalangin ay paraan upang tayo ay higit pang kaugnay ng kalooban ng Diyos. Kailangan nating makiramdam nang mabuti sa mga katugunan ng Diyos at matuto tayo sa mga yaon. Ang pagalam sa mga tiyak na kahilingan at kung ano ang nangyari bilang bunga ay isang mabuting tulong.

Ang Banal na Espiritu ay tutulong sa iyo na malagay sa tamang kalagayan: "Ang
Espiritu ay mamamagitan sa mga banal sangayon sa kalooban ng Diyos." (Roma 8:27). Tandaang ang ating kalooban ay lalaging angkop sa kalooban ng Diyos kung ating nakikita ang Kanyang nakikita.

(4) Matiyagang maghintay sa Diyos.

"MATIYAGA AKONG NAGHINTAY SA PANGINOON; kumiling Siya sa akin at pinakinggan ang aking daing." Mga Awit 40:1.

Ang pangunahing layunin dito ay panatilihin ang iyong pansin sa Diyos, at ingatan na palagi kang nakatuon sa Kanyang mga kalutasan. Huwag kang hihingi ng tangkilik sa Diyos sa isang sandali at pagkatapos ay sisikapin mong lunurin ang iyong mga kabagabagan sa paghahanap ng kalayawan. Maghintay kang matiyaga sa Panginoon; kailangang-kailangan natin ang disiplinang ito.

(5) Huwag manghawak sa anumang kasalanan.

"Kung IINGATAN KO ANG KASALANAN SA AKING PUSO; ang Panginoon ay hindi makikinig." Mga Awit 66:18.

Ang nalalamang pagkakasala ay pumuputol sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay; inihihiwalay tayo nito sa Diyos (Isaias 59:1-2). Hindi maaaring nakakapit ang isang kamay sa kasalanan at ang isang kamay ay iniaabot para sa banal na tulong. Ang matapat na pagsisisi at pagngungumpisal ang makalulutas sa suliranin.

Kung ayaw nating pahintulutan ang Diyos na palayain tayo mula sa masamang isipan, mga salita, at mga gawa, ang ating mga panalangin ay hindi magiging mabisa.

"Kayo'y humihingi at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan." Santiago 4:3.

Ang Diyos ay hindi sasagot ng "Oo" sa mga makasariling panalangin. Panatilihing bukas ang iyong mga pakinig sa mga kautusan ng Diyos, sa Kanyang kalooban, at Kanyang pananatilihing bukas ang Kanyang pakinig sa iyong mga pananambitan.

"Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig sa kautusan, maging ang kanyang mga dalangin ay karumal-dumal." Kawikaan 28:9.

(6) Damahin ang pangangailangan sa Diyos.

Ang Diyos ay tumutugon sa mga humihingi ng Kanyang pakikiharap at kapangyarihan sa kanilang buhay.

"Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin." Mateo 5:6.

(7) Magpilit sa pananalangin.

Inilarawan ni Jesus ang pangangailangan ng pagpipilit sa ating mga inihihibik sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng kasaysayan ng mapilit na balo na laging lumalapit sa hukom tungkol sa kanyang kahilingan. Sa wakas sinabi ng hukom sa pagkayamot, "Dahil sa ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Pagkatapos ay sinabi ni Hesus: "At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang Kanyang mga pinili, na sumisigaw sa Kanya araw at gabi? Kanya bang matitiis sila?" (Lucas 18:5-7)

Talakayin mo ang lahat mong pangangailangan, pag-asa, at pangarap sa Diyos. Humingi ng partikular na mga pagpapala, tulong sa panahon ng pangangailangan. Patuloy na maghanap, at patuloy na makinig, hanggang sa matuto ka ng isang bagay mula sa katugunan ng Diyos.

6. ANG MGA ANGHEL AY NAGLILINGKOD SA MGA PANGANGAILANGAN NIYAONG MGA NANANALANGIN

Ang mang-aawit ay nagsaya na sa pamamagitan ng paglilingkod ng anghel ng Panginoon ang kanyang mga panalangin ay sinagot:

"Hinanap ko ang PANGINOON, at ako'y kanyang sinagot, at iniligtas Niya ako sa lahat kong mga takot.... Ang anghel ng PANGINOON ay nagbabantay sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila." Mga Awit 34:4-7.

Kapag tayo ay nanalangin, ang Diyos ay nagsusugo ng mga anghel upang sumagot sa ating mga panalangin (Hebreo 1:14). Ang bawat Kristiyano ay may kasamang anghel na nagbabantay:

"Pagingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit." Mateo 18:10.


Dahil sa ating mga panalangin:

"Ang Panginoon ay malapit. Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi maabot ng pag-iisip ang mag-ingat sa inyong mga puso at mga pag-iisip kay Kristo Hesus." Filipos 4:5-7.

7. ANG PARAAN NG BUHAY NG MGA KRISTIYANO

Ang Biblia ay naglalarawan ng tanging ibang paraan ng buhay ng Kristiyano. Sang-ayon sa Efeso 4:22-24, ang Kristiyano ay dapat na "alisin" ang dating paraan ng buhay, na bunga ng "mapandayang pagnanasa," at kayo ay "magbihis" ng bagong paraan ng buhay "na nilalang ayon sa wangis ng Diyos." Sa kasulatang ito at sa Patnubay 6 ay ating natuklasan na sa bagong pagkapanganak tayo ay "muling-nilikha" upang maging kakaibang tao kay Kristo.

Ang gabay na ito at ang anim pang susunod, ay magpapakita ng paraan ng pamumuhay ng Kristiyano; sila ay naghahayag ng lihim ng isang masayang buhay Kristiyano. Sila ay tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na malakas na relasyon kay Kristo na magbubunga ng naiibang paraan ng buhay-Kristiyano. Kaya ituon ang iyong mga mata kay Jesus ngayon at ikaw ay magiging bahagi ng katapusang pagdiriwang ng tagumpay kapag ang kapayapaan ni Kristo ang maghahari na nang walang humahamon.

 

© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.