MULA SA NAGKASALANG MAKASALANAN HANGGANG SA PINATAWAD NA BANAL

Walang bakas ng mga kamay. Walang sandatang natuklasan. Walang nakakita sa pumatay na pumasok sa tanggapan ng manggagamot. Wala ring nakarinig ng mga putok. Ngunit ang doktor ay nakitang nakahandusay sa likuran ng kanyang mesa. Limang bala ang tumagos sa kanyang damit.

Waring sakdal na krimen. Sa simula, ang mga pulis ay walang makitang mga palatandaan. Ngunit may napansin silang isang maliit na kawad na nakakabit sa isang sisidlan ng lapis sa mesa ng doktor. Ang kawad ay nakakabit sa isang tape recorder sa kahon ng mesa. Ang sisidlan ng lapis ay napansin nilang siyang nagkukubli sa mikropono na ginagamit ng doktor upang irekord ang kanyang pakikipagusap sa mga pasyente na kanyang pinapayuhan.

Mabilis na pinabalik ang naka-rekord na teyp, at sa kanilang pagtataka, ay nagpasimulang makinig sa aktuwal na krimen. Isang lalaki, na ang pangala'y Anthony, ang pumasok sa tanggapan at mainitan nakipagtalo sa doktor. May putok na umalingawngaw. At ang teyp ay natapos sa kakila-kilabot na taghoy ng doktor na namatay sa karpet.

Natala ang bawat kalagim-lagim na detalye . Inakala ng pumatay na ang kanyang krimen ay mananatiling isang lihim habang buhay. Siya'y labis na naging maingat upang walang maiwang palatandaan. Ngunit ang teyp ay nagsabi ng buong kasaysayan.

Sa gabay na ito ay ating matututuhan ang panghuling hatol ng Dios kapag ang mga tao ay "hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat" (Apokalipsis 20:12). Para roon sa hindi pa tinatanggap si Kristo na kanilang Tagapagligtas, magiging masamang balita. Ngunit ang paghuhukom ay kahanga-hangang mabuting balita para sa mga nakatagpo ng katiyakan kay Kristo.
.

1. PAPAANO MONG HARAPIN ANG PAGHUHUKOM NA HINDI NATATAKOT

Sino ang hahatol sa sanlibutan?

"Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol." Juan 5:22.

Papaanong inihanda ng krus si Kristo na maging Hukom natin?

"At siya'y (Jesus) inialay ng Dios bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Dios .... UPANG SIYA'Y MAGING GANAP AT TAGA-ARING GANAP sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus" Roma 3:25, 26.

Ang kamatayan ni Kristo na ating kahalili ay ginawa Siyang kapwa matuwid na Hukom at Taga-aring ganap na makapagpatawad ng nagsisising makasalaman. Nang ang nagmamasid na sansinukob ay magtanong ng "Papaanong ipahahayag ng walang pinapanigang hukom na ang nagkasalang tao ay hindi nagkasala?" Si Kristo ay makasasagot sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga pilat ng Kanyang mga kamay. Tinanggap na Niya sa Kanyang sariling katawan ang matuwid na kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Ang mga aklat sa langit ay nag-iingat ng tala ng buhay ng bawat isa, at ang mga talang ito ay gagamitin sa paghuhukom (Apokalipsis 20:12). Yan ang masamang balita para roon sa mga nagaakala na ang kanilang mga lihim na kasalanan at mga krimen ay hindi na kailan man babalik upang sila'y ligaligin. Ngunit mayroong kahanga-hangang mabuting balita para sa lahat na matapat na tinanggap si Kristo na kanilang tagapagtaguyod sa langit: "At ang dugo ni Jesus... ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan" (1 Juan 1:7).

Ano ang iniaalok ni Jesus na kapalit ng ating buhay na makasalanan?

"Ginawa ng Dios siyang (Kristo) may kasalanan na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa Kanya tayo'y maging katuwiran ng Dios." 2 Corinto 5:21.


Ang ating buhay na makasalanan ay ipinagpalit sa sakdal na buhay ng katuwiran ni Kristo. Dahil sa walang salang buhay at kamatayan ni Kristo, ay maaari tayong patawarin ng Dios at ituring tayong waring hindi kailanman nagkasala.

Ano ang nagpaging-dapat kay Jesus na maging ating Tagapagtaguyod at Hukom?

2. SI KRISTO AY DUMATING SA TAMANG PANAHON

Sa Kanyang bautismo, si Jesus ay pinahiran ng Banal na Espiritu:

"Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, "Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugot." Mateo 3:16, 17.

Kasunod ng pagpahid ng Banal na Espiritu sa Kanyang bautismo, ipinahayag ng mga alagad:

"'Natagpuan na namin ang Mesiyas' (ang Kristo)." Juan 1:41.

Nalaman ng mga alagad na ang salitang Hebreo na "Mesiyas" at ang Griegong salita na "Kristo" ay kapwa nangangahulugang "ang Isang Pinahiran."

Si Lucas, isang alagad ni Jesus, ay nagtala ng petsa ng pagkapahid kay Jesus bilang ang Mesiyas noong ikalabing-limang taon ni Tiberius Caesar (Lucas 3:1). Para sa atin iyon ay magiging taong A.D. 27.

Mahigit na 500 taon bago dumating si Jesus ay pauna nang sinabi ni propeta Daniel na si Jesus ay papahiran bilang Mesiyas sa A.D. 27:

"Mula sa paglabas ng utos na ibalik at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas ... ay pitong 'mga pito' [mga sanlinggo sa Hebreo] at animnaput dalawang 'mga pito' [mga sanlinggo]." Daniel 9:25.

Pitong linggo at animnapu at dalawang linggo ay may kabuuang 69 sanlinggo 0 483 araw (7 x 69 = 483 araw). Sa simbolikong propesiya ng Biblia ang bawat araw ay isang taon (Exekiel 4:6; Bilang 14:34), kaya ang 483 araw ay ktumbas ng 483 taon. Hinulaan ni Daniel na isang utos ang ilalabas upang ibalik at muling itayo ang Jerusalem, at hustong 483 taon pagkatapos ng kautusang ito, ang Mesiyas ay lalabas.

Si Jesus ba'y dumating na Mesiyas sa itinakdang panahon? Si Artaxerxes ay ipinalabas
ang isang kautusan na muling itayo ang Jerusalem noong 457 B.C. (Ezra 7:7-26). Ang 483 taon, ay nagtapos noong A.D. 27. (457 B.C. + A.D. 27 = 484). Ang kautusan ay lumabas noong 457 at si Kristo ay pinahiran noong A.D 27, na ginawang kapwa bahagi ng mga taon, kaya ang tamang panahon ay mga 483 taon.

Sa panahong nakatakda, noong A.D. 27, si Jesus ay dumating na may pabalita: "naganap na ang panahon" (Marcos 1:15). Ang tamang katuparan ng propesiya sa Biblia ay nakakapukaw-ng-loob na pkatuparan na si Jesus ng Nazareth ay siyang tunay na Mesiyas, Dios sa katawang tao.

Gaano katagal patutunayan ni Jesus ang pangako?

"At Siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo." Daniel 9:27 unang bahagi.

Kapag ating ginamit ang taon-araw na simulain, ang "sanlinggong" ito ay pitong taon. Kaya sa loob ng pitong taon - mula A.D. 27 hanggang A.D. 34 - si Jesus ay "magpapatibay ng isang tipan," o pangako, na kanyang ginawa kay Adan at Eba pagkatapos na sila'y magkasala. Ang Dios ay gumawa ng isang tipan, isang pangako, na Kanyang ililigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ng Isa na Kanyang isusugo upang mamatay para sa ating mga kasalanan (Genesis 3:15).

Ano ang magaganap sa kalagitnaan ng ika-pitumpong sanlinggo?

"At sa kalagitnaan ng sanlinggo ay Kanyang patitigilin ang handog at ang alay." Daniel 9:27, huling bahagi.

Si Jesus ay ipinako noong A.D 31, sa "kalagitnaan ng sanlinggo." Sa sandali ng kamatayan ni Kristo, hinapak ng Dios ang 'tabing ng templo ... sa dalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba" (Mateo 27:51). Ang sakripisyong-handog na handa nang patayin (isang kumakatawan kay Jesus "ang Kordero ng Dios") ay tumakas mula sa kamay ng pari. Ito ay palatandaan na hindi na nais ng Dios na magalay ng mga handog na hayop ang sangkatauhan. Tinutupad ang propesiya ayon sa titik, "winakasan ni Jesus ang anumang" pangangailangan ng anupamang handog na mga sakripisyo. Mula nang mamatay si Kristo, ang mga tao ay nagtamo ng paglapit sa Dios hindi sa pamamagitan ng mga hayop na sakripisyo at mga taong pari, kundi sa pamamagitan ng Mesiyas, ang Kordero ng Dios at ang ating Punong Pari.

3. ANG KATIYAKAN NG PINATAWAD NA MGA KASALANAN

Ayon sa propesiya ni Daniel, bakit namatay si Jesus?

"Ang Mesiyas ay mahihiwalay ngunit hindi para sa kanyang sarili." Daniel 9:26.

Sa Kanyang kamatayan sa krus, si Jesus ay "mahihiwalay." Siya'y namatay, "hindi para sa kanyang sarili," hindi upang magbayad ng isang parusa para sa kanyang sariling kasalanan, kundi upang magbayad ng parusa para sa kasalanan ng buong sanlibutan.

Papaano nating malalaman na ang Dios ay pinatawad ang lahat nating mga kasalanan?

"Ang katuwirang mula sa Dios ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo ng lahat ng mga sumasampalataya ... ANG LAHAT AY NAGKASALA,...at ngayon at itinuturing na GANAP na walang bayad sa PAMAMAGITAN NG KANYANG BIYAYA sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Kristo Jesus ... SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAYA SA KANYANG DUGO." Roma 3:22-25.

Ang mga susing paksa sa mga talatang ito ay: Tayong "lahat ay nagkasala," ngunit dahil sa "biyaya" ng Dios ang lahat ay "itinuring na ganap" yaong may "pananampalataya" sa lumilinis na kapangyarihan ng "dugo" ni Kristo. Kapag tayo'y inaring-ganap, ipinahahayag ng Dios na tayo'y hindi makasalanan, na inaalis ang pagkakasala ng ating nakaraang mga kasalanan. At ipinahahayag tayo ng Dios na matuwid: "ang katuwirang mula sa Dios ay dumating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo."

Ang lahat sa atin na napagod na sa pakikipagpunyagi na maging sapat na mabuti, upang maging sukatan ang ating sarili, ay makakasumpong ng tunay na kapahingahan sa mabiyayang pagtanggap ni Kristo. Kanyang ipinapangako: "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan" (Mateo 11:28). Tayong lahat na nabibigatan ng mga pilat mula sa nakaraan at ng masakit na pandama ng kakulangan at kahihiyan, ay makakasumpong ng kapayapaan at kaganapan kay Kristo.

4. ANG PANAHON NG PAGPAPASIMULA NG PAGHUHUKOM

Sa ika-walong kabanata ng Daniel, ipinakita ng isang anghel sa propeta ang isang dakilang tanawin ng hinaharap. Nakita ni Daniel (1) ang isang lalaking tupa, (2) isang lalaking kambing, at (3) mula sa isa sa mga sungay ng lalaking kambing, "ay lumitaw ang isang maliit na sungay na naging lubhang makapangyarihan" (Daniel 8:8, 9); mga sagisag na kumakatawan sa (1) Medo-Persia, (2) Grecia, at (3) Roma (Daniel 8:1-12, 20-26).

Ano ang ika-apat na bahagi ng propesiya?

" 'Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog ...?' At sinabi niya sa akin, "Hanggang sa 2,300 hapon at umaga (o araw, sa Hebreo); pagkatapos na malinis ang santuwaryo." Daniel 8:13, 14.

Si Daniel ay nawalan ng malay bago maipaliwanag ng Anghel ang kahulugan ng 2,300-araw na bahagi ng propesiya, at ang ika-walong kapitulo ay nagtapos na walang anumang pagpapaliwanag dito. Ngunit nang huli, ang anghel ay muling bumalik at sinabi:

"Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain: Pitumpung "pito' (sanlinggo, sa Hebreo) ang itinakda (pinutol sa Hebreo) sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod; upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, at gumawa ng pagtubos para sa kasamaan." Daniel 9:22-24.

Ang 2,300 araw ay katumbas ng 2,300 taon, ang bawat araw ay kumakatawan sa isang taon (Ezekiel 4:6). Ang pitumpong sanlinggo, o 490 taon, ay bumubuo sa unang bahagi ng mahabang panahon ng 2,300 taon. Ang mga panahong ito ay kapwa nagpasimula noong 457 B.C. nang ang Persia ay nagpalabas ng kautusang "ibalik at muling itayo ang Jerusalem." Ibawas ang 490 taon mula sa 2,300 taon, ay maiiwan ang 1,810. Idagdag ang 1,810 taon sa A.D. 34, nang matapos ang 490 taon, ay ay magdadala sa atin sa A.D. 1844.

5. ANG MAKA-LANGIT NA SANTUWARYO AY NILINIS - ISANG PAGHUHUKOM

Sinabi ng anghel kay Daniel na sa 1844, sa katapusan ng 2,30 taon, "ay malilinis ang santuwaryo" (Daniel 8:14). Ngunit ano ang ibig sabihin nito? Buhat nang A.D. 70 nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, ang bayan ng Dios ay walang templo sa lupa. Kaya ang santuwaryo na lilinisin, simula noong 1844, ay ang makalangit na santuwaryo na inilalarawan ng santuwaryo sa lupa.

Ngayon, anong ibig sabihin ng paglilinis ng santuwaryo sa langit? Ang sinaunang Israel ay tinawag ang araw para sa paglilinis ng santuwaryo sa lupa na Yom Kippur, ang Araw ng Pagtubos. Ito ay tunay na araw ng paghuhukom.

Gaya ng ating natuklasan sa Gabay 12, ang gawain ni Kristo para sa atin sa santuwaryo ay may dalawang bahagi: (1) Ang araw-araw na paghahandog ay nakatuon sa paglilingkod ng pari sa unang silid ng santuwaryo, ang Banal na Dako. (2) Ang taunang paghahandog ay nakatuon sa paglilingkod ng Punong Pari sa ikalawang silid, ang Kabanal-banalang Dako (Levitico 16).

Sa santuwaryo sa lupa, samantalang ikinukumpisal ng mga tao araw-araw ang kanilang mga kasalanan, ang dugo ng pinatay na hayop ay iwiniwisik sa sulok ng dambana, pagkatapos ay inililipat sa Dakong Banal (Levitico 4 at 6). Kung kaya, sa sagisag, araw-araw ang mga naikumpisal na mga kasalanan ay dinadala sa santuwaryo at inilalagay doon.

Pagkatapos bawat taon, sa Araw ng Pagtubos, ang santuwaryo ay nililinis mula sa lahat ng mga kasalanan na naikumpisal sa nakaraang taon (Levitico 16). Upang magkabisa ang paglilinis na ito, ang Punong Pari ay gumagawa ng tanging paghahandog ng isang itinalagang kambing. Kanyang dinadala ang dugo nito sa Kabanal-banalang Dako at iwiniwisik ang lumilinis na dugong ito sa harap ng pantubos na takip upang ipakita na ang dugo ni Jesus, ang darating na Manunubos, ay pambayad sa kaparusahan ng kasalanan. Ang Punong Pari pagkatapos ay simbolikong aalisin ang ikinumpisal na mga kasalanan mula sa santuwaryo at ilalagay sa ibabaw ng ulo ng isa pang kambing, na pawawalan sa ilang upang mamatay (Levitico 16:20-22).

Ang seremonyang ito sa taunang Araw ng Pagtubos ay lumilinis sa santuwaryo mula sa kasalanan. Ito'y itinuturing ng mga tao na isang araw ng paghuhukom sapagkat yaong tumangging ikumpisal ang kanilang mga kasalanan ay ipinalalagay na hindi matuwid at "ititiwalag sa Kanyang bayan" (23:29).

Ang simbolikong ginawa ng Punong Pari minsan isang taon, ay ginawa ni Jesus na minsan para sa lahat ng panahon bilang ating Punong Pari (Hebreo 9:6-12). Sa dakilang araw ng paghukom Kanyang aalisin sa santuwaryo ang ikinumpisal na mga kasalanan ng lahat ng mga tumanggap sa Kanya bilang kanilang Tagapagligtas. Kung ating ikinumpisal ang ating mga kasalanan, Kanyang walang hanggang papawiin ang tala ng ating mga kasalanan sa panahong yaon (Mga Gawa 3:19). Ang ministeryong ito ay gawain ng paghuhukom na sinimulan ni Jesus noong 1844.

Noong 1844 nang ang oras ng paghatol ng Dios ay nagsimula sa langit, ang pabalita ng isang paghuhukom ay sinimulang ipangaral sa buong sanlibutan (Apokalipsis 14:6-7). Ang hinaharap na gabay sa TUKLASIN ay tatalakayin ang pabalitang ito.

6. PAGHARAP SA TALAAN NG IYONG BUHAY SA PAGHUHUKOM


Buhat noong 1844 si Kristo, bilang Hukom, ay sinisiyasat ang talaan ng bawat tao na kailan ma'y nabuhay upang pagtibayin kung sino ang makakasama sa mga ligtas sa pagbabalik ni Jesus. Bilang ating Hukom, si Hesus "ang papawi" sa lahat ng mga kasalanan ng mga matuwid sa talaan ng kanilang buhay sa langit (Mga Gawa 3:19).

Kapag ang iyong pangalan ang sumapit sa paghuhukom, magiging madali na harapin ang talaan ng iyong buhay-KUNG iyong tinanggap si Kristo bilang iyong Kahalili. At kapag ang paghuhukom sa mga banal ay natapos, si Jesus ay babalik dito sa lupa upang bigyan sila ng gantimpala (Apokalipsis 22:12, 14).

Handa ka ba para sa pagbabalik ni Jesus? O mayroon kang itinatago sa Kanya? Ikaw ba'y mayroong bukas at matapat sa pakikisama sa ISA na nangako:

"Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan." 1 Juan 1:9.

Ang pangungumpisal ay nangangahulugan lamang ng pagsangayon na harapin ang ating mga kasalanan, tanggapin ang kapatawaran ng Dios, at kilalanin ang ating pangangailangan ng Kanyang kapangyarihan at biyaya.

Samantalang dumadalaw sa bilangguan sa Potsdam, si Haring Frederick William 1 ay nakinig sa mga pakiusap para sa pagpapatawad. Lahat ng mga bilanggo ay nanumpa na ang mga maling palagay ng mga hukom, nagsinungaling na mga saksi o mga walang ingat na manananggol ang may kapanagutan sa kanilang pagkabilanggo. Gayundin ang kasaysayan ng lahat ng mga nasa bawat selda.

Ngunit sa isang selda ay walang masabi ang nakabilanggo. Nagtataka, si Frederick ay nagbiro, "iniisip kong ikaw ay wala ring kasalanan."

"Hindi po, Kamahalan," sagot ng lalaki, "ako'y nagkasala at lubos na nararapat sa lahat ng aking natamo."

Malakas ang tinig na tinawag ng hari ang bantay, "Halika at palayaing madali ang tampalasang ito, bago niya mapasama ang mabuting kapalaran ng mga walang-malay na mga taong ito."

Papaano tayo naghahanda para sa paghuhukom? Papaano tayo naghahanda para sa pagbabalik ni Kristo? Sa pamamagitan lamang ng matapat na pangungumpisal ng katotohanan: Lubos akong nararapt sa kaparusahang aking natamo para sa aking mga kasalanan, ngunit may Isang kumuha ng aking lugar at nagbigay sa akin ng kahanga-hangang kapatawaran.

Gumawa ng pagtatalaga ngayon na anuman ang mangyari, iingatan mo ang iyong relasyon kay Kristo nang matapat na mata sa mata at dalisay na puso sa puso.

 

© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.