ISANG KAILANMA'Y KAHARAP NA TAGAPAGLIGTAS

Nang si Pedro, isang batang Scottish ay nawala sa isang ilang na damuhan isang gabing madilim, tinawag siya ng Dios sa kanyang pangalan: "Pedro!" Nang ang makalangit na tinig ay muling tumawag, si Pedro ay huminto sa kanyang tinatahak, tumingin sa ibaba, at natuklasang siya'y isang hakbang na lamang sa pagkahulog sa isang pinabayaan nang tibagan ng batong-apog.

Hindi ba magiging kahanga-hanga kung ang bawat isa sa atin ay maririnig na tinatawag ng Dios sa ating pangalan? Hindi ba magiging dakila kung Siya'y gayong kalapit na kasama-kung tayo'y makakaupong magkasama at magkaroon ng mahabang pag-uusap tungkol sa ating mga pakikipagpunyagi at mga pangarap?

1. WALANG HANGGANANG PAGLAPIT KAY JESUS

Paniwalaan ninyo o hindi, higit tayong makalalapit kay Jesus ngayon kaysa magagawa natin noong Siya'y naririto na kasama natin bilang isang nakikitang tao. Na kasama si Kristo sa laman sa ating bayan ay magiging kahanga-hanga, ngunit isipin mo ang napakalaking karamihan na magsisiksikan para sa isang malapitang pagtingin. .

Ninanais ni Kristo na pasulungin ang isang personal na relasyon sa bawat isa sa atin. Ito ang dahilan kung bakit iniwan Niya ang sanlibutang ito para sa isang ministeryo sa langit na magbibigay-pahintulot sa Kanya na lumapit sa bawat isa sa atin araw-araw. Dahil si Jesus ay hindi limitado sa isang lugar gaya nang Siya'y narito pa sa lupa, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu Siya ngayon ay malapit upang pumatnubay sa buhay ng bawat nagkukusang tao.

Anong nakapagpapalakas-ng-loob na pangako ang ibinigay ni Jesus bago Siya umakyat sa langit?

"AKO'Y KASAMA NINYONG PALAGI, hanggang sa katapusan ng panahon." Mateo 28:20.

Ano ang ginagawa ni Kristo sa langit upang Siya ay maging "kasama mong palagi"?

"YamangTAYO'Y MAYROONG ISANG DAKILANG PINAKAPUNONG PARI na pumasok sa kalangitan, SI JESUS NA ANAK NG DIOS, ay hawakan nating matatag ang ating pananampalatayamg ipinahahayag. Sapagkat tayo'y maryroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayon ma'y walang kasalanan. Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan." Hebreo 4:14-16.

Pansinin ang mga katiyakan na si Jesus ay ating personal na kinatawan sa langit: "Tinukso sa lahat ng paraan, kagaya natin." "Nahahabag sa ating mga kahinaan." "Tinutulungan tayo sa panahon ng ating pangangailangan." Kasama si Jesus bilang ating Pinunong Pari hindi na tayo hiwalay sa malayong langit: Mailalapit tayo ni Kristo sa harapan ng Dios. Hindi nakakapagtaka na tayo'y hinihimok na "lumapit sa trono ng biyaya na may pagtitiwala."

Anong lugar ang kinalalagyan ni Jesus sa langit?

"Ngunit nang makapaghandog si Kristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo SA KANAN NG DIOS." Hebreo 10:12.

Ang Kristong buhay - isang nakakaunawa - ay siya nating personal na kinatawan sa trono "na nasa kanan ng Dios."

Papaanog inihanda ang buhay ni Jesus upang Siya'y maging pari natin?

"Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga KAPATID sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. Palibhasay nagtiis siya sa pagkatukso, SIYA'Y MAKASASAKLOLO SA MGA TINUTUKSO." Hebreo 2:17, 18.

Ang ating "kapatid" na nakikibahagi sa ating pagiging-tao ay "tinukso" na gaya natin, ngayon ay ating Pinakapunong pari sa kanang kamay ng Ama. "Ginawang kagaya" natin, alam Niya ang ating nararanasan. Siya'y nagutom, nauhaw, tinukso, at napagod. Nadama Niya ang pangangailangan para sa pakikiramay at pagkaunawa.

Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay karapat-dapat na maging ating Pinakapunong Pari dahil Siya'y namatay upang "gumawa ng katubusan" para sa ating mga kasalanan. Kanyang binayaran ang halaga ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa ating lugar. Ito ang Ebanghelyo, and Mabuting Balita para sa lahat ng tao sa lahat ng lugar sa lahat ng panahon.

Ang aming direktor ng Paaralan ng Biblia ay nagbahagi ng karanasang ito: "Nang ang aming bunsong anak na babae ay tatlong taong gulang, naipit ang kanyang kamay sa isang tinitiklop na upuan, nadurog ang buto. Samantalang mabilis naming siyang dinadala sa manggagamot, ang kanyang malakas na iyak dahil sa kirot ay tunay na pumupunit sa aming mga puso. At ito'y nakakilos sa aming limang taong gulang na anak sa isang tanging paraan. Hinding-hindi ko kailan man malilimutan ang kanyang mga salita pagkatapos na lunasan ng doktor ang pinsala ng kanyang kapatid. Siya'y tumataghoy, "O Daddy, sana'y ang daliri ko na lamang!"

Nang ang sangkatauhan ay nadurog ng kasalanan at nahatulang mamatay na walang hanggan, sinabi ni Jesus, "O Ama, ninanais kong Ako na lamang sana." At ibinigay ng Ama ang ninanais ni Jesus sa krus. Naranasan ng ating Tagapagligtas ang bawat paghihirap na ating naranasan-at higit pa roon!

2. ANG EBANGHELYO SA LUMANG TIPAN

Nang ang mga Israelita ay magkampo sa paanan ng Bundok ng Sinai, tinagubilinan ng Dios si Moises na magtayo ng santuwaryo para sa pagsamba "ayon sa huwarang ipinakita sa iyo (Moises) sa bundok" Exodo 25:40). Halos 500 taon pagkatapos, ang dakilang batong templo ni Solomon ang pumalit sa santuwaryo. At ang templo ay ginawa na katulad na katulad ng inililipat-lipat na santuwaryo.

Nang ibigay ng Dios kay Moises ang tagubilin para sa pagtatayo ng santuwaryo, anong natatanging layunin ang nasa isip Niya?

"Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila." Exodu 25:8.

Kasalanan ang naging kalunos-lunos na dahilan ng paghihiwalay ng mga tao at ng kanilang Manlalalang. Ang santuwaryo ay siyang pamamaraan ng Dios ng pagpapakita kung papaano Siya muling makapaninirahan na kasama natin. Ang santuwaryo at nang huli ay ang templo, ang siyang naging sentro ng relihiyosong buhay at pagsamba sa kapanahunan ng Lumang Tipan. Umaga at gabi ang mga tao ay maaaring magtipon sa palibot ng santuwaryo at makiugnay sa Dios sa pananalangin (Lucas 1:9, 10), na inaangkin ang pangako ng Dios: "Ako'y makikipagtagpo sa iyo" (Exodo 30:6).

Ang Lumang Tipan ay nagtuturo ng gayunding ebanghelyo ng kaligtasan gaya ng ginagawa ng Bagong Tipan. Kapwa inilalarawan nito na si Jesus ay namatay para sa atin at naglilingkod sa atin bilang ating Punong Pari sa santuwaryo sa langit.

3. ANG MINISTERYO NI JESUS PARA SA ATIN AY INIHAYAG SA SANTUWARYO

Ang santuwaryo at ang mga paglilingkod nito ay inihahayag ang ginagawa ni Jesus ngayon sa templo sa langit, at Kanyang ginawa sa lupa upang pagyamanin at patnubayan ang bawat isa sa atin sa ating araw-araw na buhay.

Sapagkat ang santuwaryo sa lupa ay itinulad sa templo sa langit, ito'y inilalarawan ang santuwaryo sa langit kung saan naglilingkod si Kristo ngayon. Ang Exodo 25-40 ay inilalarawan ang dakilang detalye ng mga paglilingkod at mga seremonya sa santuwaryo sa ilang. Ang maikling tala ng mga kasangkapan sa santuwaryo ay makikita sa Bagong Tipan:

"Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at isang panlupang santuwaryo. . . . Sapagkat inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog: ito ay tinatawag na Dakong Banal. Sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Dito ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak at ang mga tapyas na bato ng tipan (Deutoronomio 10:1-5). Sa ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa." Hebreo 9:1-5.

Ang santuwaryo ay may dalawang silid, and Dakong Banal at ang Kabanal-banalang Dako. Isang bakuran ang nasa unahan ng santuwaryo na kinalalagyan ng dambanang tanso na doon

iniaalay ng mga pari ang mga handog, at ng palanggana na kanilang hugasan.

Ang mga handog na alay sa tansong dambana ay kumakatawan kay Jesus, na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus ay naging "ang Kordero ng Dios, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!" (Juan 1:29). Kapag ang nagsising makasalanan ay lumapit sa dambana na dala ang kanyang handog at ipinahayag ang kanyang mga kasalanan, tatanggap siya ng kapatawaran at paglilinis. Sa gayunding paraan, ang makasalanan ngayon ay nagtatamo ng kapatawaran at paglilinis sa pamamagitan ng dugo ni Jesus (1 Juan 1:9).

Sa unang silid, o Banal na Dako, ang kandelerong may pitong sanga ay patuloy na nagliliwanag, kumakatawan kay Jesus bilang ang kailan ma'y hindi nagmamaliw na "liwanag ng sanlibutan" (Juan 8:12). Ang mesa ng itinalagang tinapay ay kumakatawan sa Kanyang nakabubusog sa ating pisikal at espiritual na gutom bilang kailan ma'y kaharap na "Tinapay ng Buhay" (Juan 6:35). And ginintuang dambana ng insenso ay kumakatawan sa ministeryo ng panalangin ni Jesus para sa atin sa harapan ng Dios (Apokalipsis 8:3, 4).

Ang pangalawang silid, o ang Kabanal-banalang Dako, ay naglalaman ng natatakpan-ng-ginto na kaban ng tipan. Ito'y kumakatawan sa trono ng Dios. Ang tumutubos na takip, o ang luklukan ng awa, ay kumakatawan sa pamamagitan ni Kristo ang ating Punong Pari, na namamagitan alang-alang sa makasalanang mga tao na sumuway sa moral na kautusan ng Dios. Ang dalawang tapyas na bato na kung saan isinulat ng Dios ang Sampung Utos ay iniingatan sa ibaba ng luklukan ng awa. Ginintuang kerubin ng kaluwalhatian ang nakalukob sa luklukan ng awa sa bawat dulo ng kaban. Isang maluwalhating liwanag ang nakasikat sa pagitan ng dalawang kerubin, isang sagisag ng pakikiharap ng Dios.

Isang kurtina ang nagtatago ng Dakong Banal sa pananaw ng mga tao habang ang pari ay naglilingkod sa kanila sa bakuran sa harapan. Ang pangalawang kurtina sa harap ng Kabanal-banalang Dako ay harang ng silid sa loob sa mga paring pumapasok sa unang silid ng santuwaryo.

Nang si Jesus ay mamatay sa krus, anong nangyari sa kurtina?

"At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba." Mateo 27:51.

Ang Kabanal-banalang Dako ay nalantad nang si Jesus ay mamatay at mula noon ay wala ng tabing ang maaaring mamagitan sa banal na Dios at sa isang tapat na mananampalataya; si Jesus, ang ating Punong Pari, ay sinasamahan tayo sa harapan ng Dios (Hebreo 1:19-22). Mayroon na tayong pagkakataon na makalapit sa luklukang silid ng langit dahil si Jesus ang ating Punong Pari sa kanang kamay ng Dios. Binibigyan tayo ng kakayahan ni Jesus na makalapit sa harapan ng Dios-sa puso ng pag-ibig ng Dios. Kaya, tayo ay lumapit.

4. ISANG PAGKAHAYAG NI KRISTO NA NAMATAY UPANG ILIGTAS TAYO

Kung papaanong ang panlupang santuwaryo ay nagsilbing isang munting larawan ng
makalangit na templo kung saan ngayon si Jesus ay naglilingkod para sa atin, ang mga paglilingkod na isinagawa sa makalupang santuwaryo ay "isang anyo at anino ng makalangit na santuwaryo" (Hebreo 8:5). Ngunit mayroong isang kapansin-pansing pagkakaiba: Ang mga pari na naglilingkod sa makalupang templo ay hindi makapagpapatawad ng kasalanan, ngunit sa krus si Jesus ay "minsanang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili" (Hebreo 9:26).

Ang Lumang Tipang aklat ng Levitico ay naglalarawan ng detalye ng mga paglilingkod sa santuwaryo. Ang mga ritwal ay nababahagi sa dalawa: Ang araw-araw na mga paglilingkod at ang taunang mga paglilingkod. (Ang Gabay 13 ay tinatalakay ang taunang paglilingkod).

Sa araw-araw na paglilingkod, ang pari ay naghahandog para sa indibiduwal at para sa buong kapulungan. Kapag ang tao ay nagkasala, siya'y magdadala ng walang dungis na hayop na handog para sa pagkakasala, "ipapatong ang kanyang kamay sa ulo ng handog na pangkasalanan at papatayin ito sa lugar ng handog na sinusunog" (Levitico 4:29). Ang kasalanan ng ay dapat malipat sa walang-salang hayop sa pamamagitan ng pangungumpisal ng kasalanan at ng pagpapatong ng mga kamay. Ito'y kumakatawan sa pagkuha ni Kristo ng ating kasalanan sa Kalbaryo; ang Isang walang-kasalanan ay naging "kasalanan para sa atin" (2 Corinto 5:21). Ang hayop na handog ay dapat na patayin at patuluin ang dugo dahil ito'y nagtuturo sa hinaharap na sukdulang parusa na tiniis ni Kristo sa krus.

5. BAKIT ANG DUGO?

"Kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng kasalanan (Hebreo 9:22)". Ang nangyari sa Lumang Tipang santuwaryo ay nagturo sa hinaharap ng dakilang gawain ng pagliligtas ni Kristo. Namatay para sa ating mga kasalanan, Siya ay pumasok sa banal na dako "na minsan para sa lahat sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, sa gayo'y tinamo ang walang hanggang katubusan" para sa atin (talatang 12). Nang ang dugo ni Kristo ay mabuhos sa krus para sa ating mga kasalanan, "ang tabing ng templo (sa Jerusalem)ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba" (Mateo 27:51). Dahil sa sakripisyo ni Jesus sa krus, ang mga hayop na handog ay hindi na kinailangan.

Nang itigis ni Jesus ang Kanyang dugo sa krus, Kanyang inihandog ang Kanyang sakdal na masunuring buhay na isang kahalili ng ating mga pagkukulang. Nang ang Ama at Anak ay paghiwalayin sa Kalbaryo, ang Ama ay tumalikod sa pighati at ang Anak ay namatay na may wasak na puso. Ang Dios Anak ay pumasok sa kasaysayan upang kunin sa Kanyang sarili ang buong bunga ng kasalanan at ipakita kung gaano kahambal-hambal ang maling gawain. Kung gayon, maaari Siyang magpatawad ng mga makasalanan na hindi winawalang-kabuluhan ang kasalanan. Si Kristo ay gumawa ng "kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na natigis sa krus" (Colosas 1:20).

6. ISANG PAGHAHAYAG NI JESUS NA NABUBUHAY UPANG ILIGTAS TAYO

Ano ang ginagawa ni Jesus araw-araw sa templo sa langit?

"Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Dios sa pamamagitan Niya, yamang LAGI SIYANG NABUBUHAY UPANG MAMAGITAN para sa kanila" Hebreo 7:25.

Si Jesus ngayon ay "nabubuhay" upang iharap ang Kanyang dugo, ang Kanyang sakripisyo alang-alang sa atin. Siya ngayon ay masikap na gumagawa upang iligtas ang bawat tao mula sa trahedya ng kasalanan. Ang ilan ay nagkamaling ipalagay na, bilang ating Tagapamagitan, si Jesus ay nasa langit na nakikiusap sa isang nag-aatubiling Dios na tayo'y patawarin. Sa katunayan, ang Dios ang masayang tumatanggap sa sakripisyo ng Kanyang Anak alang-alang sa atin.

Bilang ating Punong Pari sa langit, si Kristo man ay nakikiusap sa sangkatauhan. Siya'y gumagawa upang tumulong sa nagwawalang-bahalang tuminging muling sa biyaya, upang tumulong sa nawawalan ng pag-asang mga makasalanan na magkaroon ng pag-asa sa ebanghelyo, at upang tumulong sa mga mananampalataya na makasumpong ng higit na kayamanan sa Salita ng Dios at higit na kapangyarihan sa panalangin. Hinuhubog ni Jesus ang ating buhay na katugma ng mga utos ng Dios at tumutulong sa atin na bumuo ng isang likas na makakatayo sa pagsubok ng panahon.

Ibinigay ng Dios ang Kanyang buhay para sa bawat tao na kailan ma'y nabuhay sa sanlibutan. At ngayon bilang Punong Pari o Tagapamagitan, "Siya'y laging nabubuhay" upang akayin ang tao na tanggapin ang Kanyang kamatayan para sa kanilang mga kasalanan. Bagaman Kanyang ipinagkasundo ang buong nagkasalang sanlibutan sa Kanyang sarili sa krus, hindi pa rin Niya tayo maililigtas malibang tanggapin natin ang Kanyang biyaya. Ang mga tao ay hindi mawawala dahil sila'y makasalanan, kundi dahil sa tinanggihan nila ang kapatawarang iniaalok ni Jesus.

Sinira ng kasalanan ang malapit na pakikisama nina Adan at Eva sa Dios na minsan nilang naging kasiyahan. Ngunit si Jesus, bilang Kordero ng Dios, ay namatay upang palayain ang lahat ng tao mula sa kasalanan at ibalik na muli ang nawalang pakikipagkaibigan. Natuklasan mo na bang Siya ang iyong Pinakapunong Pari, ang isang kailan ma'y nabuhay upang ingatan ang relasyong iyon na malapit at masigla?

Ang sakripisyong kamatayan ni Kristo ay tunay na kakaiba. Ang makalangit na ministeryo ni Kristo ay walang katulad. Si Kristo lamang ang nagdadala sa atin nang malapitan sa Dios. Si Kristo lamang ang gumawa upang ang Banal na Espiritu ay tunay na makapanirahan sa ating mga puso. Kanyang hinubad ang pagiging Dios upang tayo ay maging lubos. Siya'y karapat-dapat na magtamo ng gayunding pagtatalaga mula sa atin. Tanggapin natin Siya nang lubusan bilang Tagapagligtas at Panginoon ng ating buhay.

 

© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.