MAHIWAGANG KAPANGYARIHAN SA
AKING BUHAY

Noong 1929 si Frank Morris ay sumakay sa isang barko na patungong Switzerland. Ilang panahon na niyang inaasam-asam ang paglalakbay na ito. Ngunit ito'y naging isang nakakahiyang karanasan. Ang isang katiwalang nangangalaga sa kanya ay isinususi si Frank sa loob ng kanyang kamarote bawat gabi. Pagkatapos ng mabilis na almusal si Frank ay maaaring magehersisyo ng kaunti, ngunit ang kanyang pakiramdam ay tila siya isang hangal na sinusundan sa palibot ng kubyerta, gaya ng isang hayop na may tali. At pagkatapos ay iiwan siya ng katiwala sa isang upuan. Sa tuwing siya'y makakatagpo ng isang mapagkaibigang pasahero na nag-aanyaya sa kanya na maglibut-libot, ang katiwala ay tututol at sasabihing, 'kailangang palagi ko siyang nakikita.'

Si Frank ay karaniwang mausisa at may pagnanais ng isang may gulang na tulad niya. Inaakala ng katiwala na hindi niya kaya ang kanyang sarili. Si Frank ay itinuturing na isang bagahe na hinihilahila.

Ngunit sa Switzerland ang buhay ni Frank ay madulang nagbago. Samantalang naroroon. natutuhan niya ang tungkol sa mga aso na tinuruan upang maging gabay ng bulag. Nagdala ng isang German Shepherd na pinangalanang Buddy pabalik sa Estados Unidos, nagsimula si Frank ng Seeing Eye, na ngayo'y isang pansanlibutang organisasyon.

Ngayong si Buddy ay nasa tabi niya, si Frank ay nakakapunta kahit saan, anumang oras, sinoman ang kasama . Nadama niyang nakalaya siya sa wakas. Sa isang pagpapakita sa isang grupo ng mga mamamahayag sa isang abalang sangang-daan sa New York City, dalubhasang ginabayan ni Buddy and kanyang panginoon mula sa isang tawiran patungo sa kabila samantalang ang mga sasakyan ay mabilis na dumaraan. Dahil nagtitiwala siya kay Buddy, si Frank ay madaling nakatawid. Ang mga may paninging mga mamamahayag ay higit na nahirapan; ang isa ay kumuha pa ng taksi para makatawid sa kabila.

Sa susunod na ilang mga pahina ay pag-aaralan natin ang tungkol sa Banal na Espiritu, isang Gabay na nagnanais na ilagay natin ang ating buhay sa Kanyang mga kamay. Tayong lahat ay may balakid ng gayunding likas ng tao, ang gayunding pagkabulag sa kung ano ang tunay na pinakamahalaga. Lubhang mabilis ang takbo ng buhay na anupa't madalas nating nasusumpungan ang ating sarili na nakakaraos lamang sa halip na may tinutungo. Gayunman, patuloy pa rin tayong bantulot na ipagtiwalang ganap ang ating mga buhay sa Gabay na ito. Ngunit ang tuklas na naghihintay sa bawat isa sa atin ay ito: makasusumpong tayo ng tunay na kalayaan at kapangyarihan sa pagasa sa Banal na Espiritu na papatnubay sa atin sa buhay.

1. ANG KINATAWAN NI KRISTO SA SANLIBUTAN

Nang si Jesus ay aakyat na sa langit, Siya'y nangako sa mga alagad ng isang walang kasing-halagang kaloob:

"Gayunma'y sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makabubuti sa inyo na Ako'y umalis, sapagkat kung hindi Ako aalis, ang MANGAALIW ay hindi darating sa inyo…. Subalit kapag dumating na sa inyo and ESPIRITU NG KATOTOHANAN, PAPATNUBAYAN NIYA KAYO sa buong katotohanan…. LULUWALHATIIN NIYA AKO sapagkat kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag niya." Juan 16:7, 13, 14.

Sa banal na panukala, kinakailangang si Jesus ay bumalik sa langit bilang ating kinatawan sa harapan ng luklukan ng Dios at "haharap para sa atin sa harapan ng Dios." (Hebreo 9:24). Samantalang ang ating ipinakong Panginoon ay kumakatawan sa atin sa langit, mayroon din tayong Banal na Espiritu bilang ating TAGAPAYO at PATNUBAY dito sa lupa. Siya ay tuwirang kinatawan ni Jesus.

Samantalang naririto, si Jesus ay naglingkod na nasasakupan ng isang katawan ng tao, at hindi maaaring saan ma'y naroroon. Ngunit ang Banal na Espiritu ay walang gayong limitasyon; Siya'y makakapaglingkod bilang isang personal na Tagapayo at Patnubay sa hindi mabilang na mga tao sa maraming mga lugar sa gayunding panahon. Sinasapatan ni Kristo ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

2. SINO ANG BANAL NA ESPIRITU?

Marami sa atin ay maaaring makiugnay sa Dios Ama kung ating ilalarawan sa isip ang pinaka-mapagmalasakit, nagaalagang magulang na kailanma'y ating nakilala. At maaari nating ilarawan si Jesus ang Anak, dahil Siya'y nanirahang kasama natin bilang tao. Ngunit ang Banal na Espiritu ay higit na mahirap ilarawan at pakiugnayan. Wala tayong madaling paghahambing. Ang Biblia, magkagayon man, ay nagbibigay sa atin ng tiyak na impormasyon tungkol sa Banal na Espiritu:

Isang Personalidad. Tinutukoy ni Jesus ang Banal na Espiritu bilang isang kaanib ng Kadiosan, kasama ng Dios Ama at Dios Anak:

"Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng AMA at ng ANAK at ng ESPIRITU SANTO." Mateo 28:19.

Ang Espiritu ay may mga personal na likas: isipan (Roma 8:27); karunungan (1 Corinto 2:10); damdamin ng pag-ibig para sa atin (Roma 15:30); damdamin ng kalungkutan kapag tayo'y nagkakasala (Efeso 4:30); ang kakayahan na turuan tayo (Nehemias 9:20); at kapangyarihan upang patnubayan tayo.

Kasangkot sa Paglalang. Ang Banal na Espiritu ay nakibahagi sa paghubog ng ating sanlibutan kasama ng Ama at ng Anak.

"Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa.... at ang ESPIRITU NG DIOS ay kumilos sa ibabaw ng mga tubig." Genesis 1:1, 2.

3. ANG MGA GAWAIN NG BANAL NA ESPIRITU

(1) Binabago ang puso ng tao. Sa kanyang pakikipagtagpo kay Nicodemo, idiniin ni Jesus ang bahagi ng Banal na Espiritu sa pagbabago ng puso ng tao:

"Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, malibang ang isang tao'y IPANGANAK NG tubig at ng ESPIRITU hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos." Juan 3:5.

Ang "ipanganak ng Espiritu" ay nangangahulugan na ang Banal na Espiritu ay binibigyan tayo ng bagong pasimula. Ito'y higit pa sa bahagyang pagbabago ng ating ugali . Ang Espiritu ay binabago tayo mula sa loob palabas, na tinutupad ang pangako: "Bibigyan Ko kayo ng bagong puso." (Ezekiel 36:26).

(2) Ginagawa tayong may kamalayan sa paggawa ng masama at binibigyan tayo ng pagnanais para sa kabanalan:

"At pagdating niya (ang Banal na Espiritu) KANYANG SUSUMBATAN ang sanlibutan tungkol sa KASALANAN, at KATUWIRAN, at kahatulan." Juan 16:8.

Kapag narinig mo ang madulang kasaysayan ng isa na tumalikod mula sa imoral na paraan ng pamumuhay tungo sa Diyos at naging matapat na asawa at maalagang magulang, alalahanin na ang bawat hakbang tungo sa kabuuan ay bunga ng udyok ng Banal na Espiritu.

(3) Pinapatnubayan tayo sa ating buhay Kristiyano. Si Kristo ay nagsasalita sa atin nang tuwiran sa pamamagitan ng "tahimik na munting tinig" ng Espiritu.

"At ang iyong mga pagdinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, 'Ito ang daan, lakaran ninyo,' kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa." Isaias 30:21.

Sa pamamagitan ng satellite transmisyon, ang aming TV ay panayang nagdadala ng mga larawan at mga mukha mula sa isang malayong kontinente sa aming silid tanggapan. Ang Banal na Espiritu ay gumaganap na kahawig ng satellite ng Diyos, na dinadala ang pakikiharap ni Kristo mula sa langit patungo sa lupa, na ginagawang Siya'y malapit kapag higit natin Siyang kailangan (Juan 14:15-20)

(4) Tumutulong sa ating buhay ng panalangin.

"At gayon din naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; NGUNIT ANG ESPIRITU MISMO ANG NAMAMAGITAN na may mga daing na hindi maipahayag.... ayon sa kalooban ng Diyos." Roma 8:26, 27.

Kapag tayo'y naghihirap na makasumpong ng salita, ang Espiritu ay nananalangin alang-alang sa atin. Kapag tayo'y totoong nawawalan ng pag-asa, na makadadaing lamang tayo sa Diyos, pinalakas ng Espiritu ang ating mahinang daing para sa tulong na maging isang makapangyarihang panalangin sa harapan ng luklukan ng Diyos kung saan si Jesus ngayon ay naglilingkod.

(5) Pinauunlad ang mga katangian at likas na Kristiyano. Ang mga taong tigang sa espiritu ay ginagawang kasingtaba ng isang puno na namumunga ng iba't-ibang uri ng bunga ng Banal na Espiritu:

"SUBALIT ANG BUNGA NG ESPIRITU ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili." Galacia 5:22, 23.

Ang pagkakaroon ng bunga ng Espiritu ay nagpapakita na tayo'y ikinabit sa tunay na puno ng ubas na si Jesus (Juan 15:5). Si Jesus ay tunay na makakapamuhay ng Kanyang saganang buhay sa pamamagitan natin sa kapangyarihan ng Espiritu.

(6) Inihahanda tayo bilang mga saksi. Si Jesus ay nangako:

"NGUNIT TATANGGAP KAYO NG KAPANGYARIHAN pagbaba sa inyo ng BANAL NA ESPIRITU; at kayo'y magiging mga SAKSI KO.... hanggang sa kaduluduluhang bahagi ng lupa." Mga Gawa 1:8.

Ang lahat na natatalaga ay maaaring mga saksi sa pamamagitan ng Espiritu. Maaaring wala tayo ng lahat ng mga kasagutan, ngunit ang Espiritu ay maaaring bigyan tayo ng kasaysayang sasabihin natin na kikilos sa mga puso at isipan. Ang mga alagad ay may kahirapang makipagtalastasan bago nangyari ang Pentekostes, ngunit pagkatapos na dumating ang Espiritu ay kanilang ipinahayag si Kristo na may gayong kapangyarihan na kanilang "itinaob ang sanlibutan nang patiwarik." (Mga Gawa 17:6).

4. ANG MGA KALOOB NG ESPIRITU

And Kasulatan ay gumagawa ng isang pagkakakilanlan ng kaloob ng Dios na Espiritu Santo sa bawat mananampalataya para sa matagumpay na pamumuhay Kristiyano, at ng iba't ibang mga kaloob ng Espiritu na inilalaan sa mga mananampalataya para sa mabisang ministeryo sa iba't ibang mga paraan.

"'Nang umakyat siya [si Kristo[ sa itaas ay dinala Niyang bihag ang pagkabihag, at NAGBIGAY NG MGA KALOOB sa mga tao.' . . . Pinagkalooban niya ang IBA na maging mga APOSTOLl, ang iba'y PROPETA, ang iba'y EBANGHELISTA, at ang iba'y PASTOR, at mga GURO; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod." - Efeso 4:8, 11-12.

Hindi bawat Kristiyano ay tumatanggap ng lahat na mga kaloob, ang iba'y maaaring tumanggap ng higit na mga kaloob kaysa iba; ang Espiritu ay "nagbigay sa bawat isa, gaya ng kanyang ipinasya" (1 Corinto 12:11). Sinasapatan ng Espiritu ang bawat mananampalataya para sa kanyang natatanging bahagi sa panukala ng Diyos. Nalalaman ng Diyos kung kailan at saan ilalaan ang mga kaloob na magpapala sa Kanyang bayan at sa Kanyang iglesya.

Ang iba pang talaan ng espirituwal na mga kaloob na masusumpungan sa 1 Korinto 12:8-10 ay kasama ang karunungan, salita ng kaalaman, pagpapagaling, pagsasalita ng iba't ibang wika (Mga Wika), at ang iba'y pagpapaliwanag ng mga wika (tal. 8-10).

Namamanhik sa atin si Pablo na "may pananabik na pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob," at idinagdag pa, "at ipakikita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing." (1 Corinto 12:31). Ang kabanata ng pag-ibig (1 Corinto 13) na kasunod ng talatang ito ay idinidiin na "ang isang daan na walang kahambing" ay ang daan ng pag-ibig. At ang pag-ibig ay bunga ng Espiritu (Galacia 5:22).

Dapat nating hanaping may pagmamalasakit ang bunga ng Espiritu at hayaang ang Espiritu ang mamahagi ng Kanyang mga kaloob sa atin gaya "ng Kanyang ipasya" (1 Corinto 12:11).

5. ANG KAPUSPUSAN NG ESPIRITU SA PENTEKOSTES

Sa Araw ng Pentekostes, ang Espiritu ay ibinuhos na walang-hangganan ang sukat, na tinutupad ang pangako ni Jesus:

"Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; At kayo'y magiging mga saksi ko.... hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa." Mga Gawa 1:8.

Nang Pentekostes ay binigyang-kakayahan ng Espiritu ang mga apostol na ibalita nang maliwanag sa mga wika ng tao ang ebanghelyo "mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit." (Mga Gawa 2:3-6).

Ang ilang mga mag-aaral ng Bibliya ay inihahambing ang pagdating ng Espiritu sa ulan ng maagang taglagas at huling tagsibol sa Palestina (Joel 2:23). Ang pagbaba ng Espiritu noong Pentekostes ay katulad ng "maagang ulan" ng taglagas na nagpasibol ng mga binhi at naglaan ng mahalagang pagkain para sa iglesyang Kristiyano sa kanyang kabataan.

6. ANG HULING ULAN NG BANAL NA ESPIRITU

Ang propesiya ng Biblia'y nagsasabi ng isang araw na darating kung kailan ang Espiritu ng Diyos ay ibubuhos sa iglesya na gaya ng ulan, na pinalalakas ang mga kaanib bilang mga saksi (Joel 2:28, 29). Daang Mga taon na ngayon ang nakalipas at ang kasaysayan ng kaligtasan ay kumalat na sa isang malaking bahagi ng lupa. Panahon na ngayon para sa "huling ulan" na pahinugin ang butil upang ihanda sa pag-aani.

Sa kasukdulan ng kasaysayan bago dumating si Kristo sa ikalawa, ihahanda ng Diyos ang bawat tapat na mananampalataya para sa langit sa pamamagitan ng isang dakilang pagbubuhos ng Kanyang Espiritu. Ngayon ba'y nararanasan mo na ang "maagang ulan" na naghahanda sa iglesya para sa "huling ulan" ng Espiritu? Ikaw ba'y nabubuhay ng isang buhay na puno ng Espiritu? Sa pagbibigay sa iyo ng kapangyarihan ng Espiritu, pagagamit ka ba sa Diyos upang ipahayag ang mabuting balita ng Kanyang di-mapaniwalaang pag-ibig at malapit na pagbabalik?


7. MGA KONDISYON SA PAGTANGGAP NG BANAL NA ESPIRITU

Sa Pentekostes ang Banal na Espiritu ay kinilos yaong mga nakarinig ng ebanghelyo upang sumigaw, "Mga kapatid, anong dapat naming gawin?" (Mga Gawa 2:37).

"At sinabi sa kanila ni Pedro 'MAGSISI KAYO AT MAGPABAUTISMO' ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; AT TATANGGAPIN NINYO ANG KALOOB NG ESPIRITU SANTO." Mga Gawa 2:38.

Ang pagsisisi - pagtalikod mula sa makasalanang paraan ng buhay at pagharap kay Kristo - ay isang kondisyon upang tumanggap ng kaloob ng Espiritu. Upang ibuhos sa atin ang Espiritu, dapat muna tayong magsisi at ipasakop ang ating buhay kay Kristo. Idiniin din ni Jesus ang kusang loob na pagsunod at pagtalima sa Kanya bilang isang kondisyon sa pagtanggap ng kaloob ng Banal na Espiritu (Juan 14:15-17).

8. BUHAY NA PUNO NG ESPIRITU

Bago lumisan sa sanlibutan, itinagubilin ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod:

"Huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang ipinangakong KALOOB ng Ama... Sapagkat si Juan ay NAGBAUTISMO SA TUBIG; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y BABAUTISMUHAN NG ESPIRITU SANTO." Mga Gawa 1:4, 5.

Paulit-ulit na sinasabi ng Kasulatan na ang Kristiyano ay dapat na "mapuno ng Banal na Espiritu" (Mga Gawa 2:4; 4:8; 4:31; 6:3; 6:5; 7:55; 9:17; 13:9, 52; 19:6). Ginagawa ng Banal na Espiritu na ang buhay ng Kristiyano ay ganap at maganda sapagkat ang buhay na puspus ng Espiritu ay nakakamit ang pamantayan ni Kristo para sa atin.

Samantalang inilalarawan ang buhay-Kristiyano na puno ng Espiritu, inihandog ni Pablo ang panalanging ito para sa bawat mananampalataya:

"Idinadalangin ko na ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, NA KAYO'Y PALAKASIN NG KAPANGYARIHAN SA PAMAMAGITAN NG KANYANG ESPIRITU SA PAGKATAONG-LOOB, upang si Kristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya,.... ngayon sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, AYON SA KAPANGYARIHANG GUMAGAWA SA ATIN." Efeso 3:16, 17, 20.

Tulad ni Frank Morris na kasama ang kanyang tapat na asong bantay na si Buddy, makagagawa tayo nang higit kaysa dati nating nagagawa, kasama ang patnubay ng Banal na Espiritu sa ating kalooban. Na may mga bagong pagnanais at mga kakayahan, makapagpapatuloy tayong may pagtitiwala, sa halip na makaraos lamang sa mga suliranin ng buhay.

Ang karanasang ito na puno ng Espiritu ay nababago araw-araw sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Ang panalangin ay iniingatan tayong malapit ang kaugnayan kay Kristo, at ang pag-aaral ng Banal na Salita ng Diyos ay nagpapanatili sa atin na nakatuon sa Kanyang mga mapagkukunan. Winawasak nito ang anumang hadlang sa atin at ni Kristo na maaring pumigil sa Kanya sa pagbubuhos ng Kanyag walang-kapantay na Kaloob ng Espiritu. Sa ganito tayo lumalago at nahahalinhan ang masasamang ugali at mga pakikitungo ng mga malulusog na katangian.

Ang Roma 8 ay nagbibigay ng isang nakapananabik na paglalarawan ng buhay na puspos ng Espiritu. Basahin mo ito kung magagawa mo, at pansinin kung gaano karaming pagkakataon na itinuro ni Pablo ang "Espiritu" na siyang kapangyarihan sa likod ng buhay Kristiyano.

Nagawa mo na ba ang kahangahangang pagtuklas ng buhay na puno ng Espiritu? Namamalayan mo ba ang presensya ng Espiritu sa iyong buhay? Nararanasan mo ba ang Kanyang nagbibigay-buhay na kapangyarihan? Buksan mo ang iyong buhay sa pinakadakilang kapangyarihan sa sansinukob.

 

© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.