KAPAG SI JESUS AY DUMATING PARA SA IYO

Pagkaraan ng mga taon ng pagpapahirap, si Armando Valladares ay isa nang buto't-balat, salantang anino ng kanyang dating sarili. Siya ay hinatulan ng 30-taong pagkabilanggo sa isa sa mga piitan ni Fidel Castro dahil sa pananalangin sa isang iglesya sa Araw ng Pasko. Siya ay ginutom, pinahirapan, at hinamak ng mga pinuno ng piitan, ngunit tumanggi siyang isuko ang kanyang pananampalataya.

Isang pangako ang nagpapalakas sa kanya: pangakong binitiwan niya sa isang kabataang babae na nagngangalang Martha. Sila ay nagkakilala at nagkaibigan samantalang siya ay nasa piitan. Si Martha ay lubhang naakit sa kanyang maalab na pananampalataya. Hindi nagtagal pagkaraang ang dalawa ay ikinasal sa isang seremonyang sibil sa bakuran ng piitan, si Martha kay napilitang magtungo sa Miami.

Napakasakit ng kanilang paghihiwalay, ngunt si Armando ay nakapagpadala ng isang pangako sa kanyang iniibig. Sa isang maliit na papel ay isinulat niya ang kanyang pangako: "Ako'y darating sa iyo. Ang mga bayoneta sa aking likuran ay walang magagawa."

Ipinasya ng bilanggong ito na kahit na sa anumang paraan siya at si Martha ay tutuparin ang kanilang pangakuan sa harap ng Dios sa isang iglesya. Balang araw ang kanilang pagiisa ay magiging ganap. "Ikaw ay laging sumasa akin," ang sabi ni Armando.

Ang pangako ni Aramando ang nagpalakas sa kanya sa mga taon ng parusang maaring makawasak sa espiritu ng sinomang lalaki. Ito naman ang nagpasigla kay Martha. Walang lubay siyang gumawa upang dalhin sa pansin ng madla ang sinapit ng kanyang asawa. Kailanman ay hindi siya nawalan ng pagasa.

1. ANG PANGAKO

Kung minsan maaaring tayo'y matukso na magalaala, si Kristo kaya'y talagang bababa balang araw mula sa bughaw na langit para sa isang kahanga-hanggang pagsasama-sama? Tayo'y matagal nang layu-layo. Ang gayong masayang katapusan ng mahaba't kalunos-lunos na kasaysayan ng lupang ito ay maaaring tila lubhangng napakabuti upang maging totoo. Ngunit mayroong isang bagay na maaaring magpanatili ng buhay na pag-asa sa ating puso. At yaon ay ang pangako ni Jesus na babalik. Bago Siya umalis sa Kanyang mga alagad patungo sa langit, si Jesus ay gumawa ng ganitong pangako::

"Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Dios, sumampalataya rin naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung hindi gayon, sinabi ko sana sa inyo. Ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo. At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo AKO'Y BABALIK at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon." Juan 14:1-3.

Bago umakyat sa langit si Jesus, tiniyak Niya sa Kanyang mga tagasunod, "AKO'Y BABALIK!" Siya'y nangakong babalik upang dalhin ang lahat na nagtitiwala sa Kanya sa isang tanging lugar na Kanyang inihanda para sa atin. Ang Kasulatan ay nagsasalita ng Kanyang muling pagbabalik na hindi kukulangin sa 2,500 ulit. Ang katotohanan na si Jesus ay babalik sa ikalawang pagkakataon ay kasing tiyak ng katotohanan na Siya'y nabuhay sa lupang ito dalawang libong taon ang nakararaan.

Matagal nang nangako ang Dios na isang Mesiyas ang darating, isang Tagapagligtas na aakuin sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan at maggagawad ng kapatawaran para sa kasalanan ng tao. Ang pangakong iyon ay waring lubos na napakabuti para maging totoo para sa marami sa matandang sanlibutan na naghihilahod sa kanilang buhay. Ngunit si Jesus nga'y dumating at namatay sa krus. Ang pangako'y natupad na higit na maluwalhati kaysa sa iniisip ng mga tao... Ang Kanyang pangako na babalik ay matutupad din Maaari tayong umasa sa Isa na umiibig sa atin, na babalik upang tipunin yaong Kanyang binayaran ng isang walang hanggang halaga.

Sa kanyang pagkabilanggo si Armando'y nagpatuloy na magpuslit ng mga tula, mga mensahe, at mga ginuhit para kay Martha. At nagawa ni Martang ilathala ang ilan sa mga isinulat na ito. Ang kahusayan ng kanilang pananalita ay naakit ang pansin ng sanlibutan. Ang pamahalaan ay nagpasimulang idiin si Castro upang palayain ang mga bilanggo ng konsiyensiya. Ang pangulo ng Pransya ay namagitan at sa wakas noong Oktubre ng 1982 si Armando ay isinakay sa eroplanong patungong Paris. Hindi siya makapaniwala na siya'y malaya na-kahit nakalapag na ang eroplano. Ngunit pagkaraan ng dalawang dekada ng pagdurusa at pagnanais at paghihintay, si Armando ay nagmadali sa mga bisig ni Martha.

Pagkaraan ng ilang buwan ang dalawa ay masayang inulit ang kanilang pangakuan sa Iglesia ng St. Kieran sa Miami. Sa wakas ang kanilang pagsasama ay nalubos. Ang pangako ay natupad: "Ako'y darating sa iyo."

Mailalarawan ba ninyo kung gaano kahangahangang pagsasama-sama ang magaganap kapag sa wakas ay makita na natin si Kristo nang mukhaan? Ang Kanyang maluwalhating pagpapakita ay lalamunin ang lahat nating mga kalungkutan at mga kabiguan, papawiin ang lahat ng mga sakit na iningatan nating nakatago sa ating mga puso. Tutuparin ng pagbabalik ni Jesus ang ating malalim na mga ninanais at higit na kapanapanabik na mga inaasahan. At tayo'y lululan sa isang walang hanggang samahan na may pagpapalagayang-loob na kasama ang pinaka-kahanga-hangang katauhan sa Sansinukob.

Si Jesus ay malapit nang dumating! Ikaw ba'y nananabik na salubungin Siya?

2. PAPAANONG DARATING SI JESUS?

(1) Si Jesus ba'y lihim na darating?

"Tingnan ninyo, ipinagpauna Ko (Jesus) nang sinabi sa inyo. Kaya, kung sasabihin nila sa inyo, "Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang, huwag kayong lumabas. 'Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid', huwag ninyong paniwalaan. SAPAGKAT GAYA NG KIDLAT na nanggagaling sa silangan at NAGLILIWANAG hanggang sa kanluran, GAYUNDIN NAMAN ANG PAGDATING NG ANAK NG TAO." -Mateo 24:25-27.

Ang kidlat ay nakikitang kumikislap hanggang sa napakalayo, kaya ang pagdating ni Jesus ay hindi lihim.

(2) Si Jesus ba'y muling darating na isang tunay na tao?

"Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaking tumayo sa tabi nila na may puting damit, na nagsasabi, 'kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayong tumitingin sa langit? ITONG SI JESUS, na DINALA SA LANGIT MULA SA INYO AY DARATING NA GAYA RIN ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit." -Mga Gawa 1:10-11.

Noong araw ng Kanyang pagalis sa ating sanlibutan tiniyak ng mga anghel sa mga alagad na "ang Jesus ding ito" na dinala sa langit-hindi kung sino pa man-ay muling babalik sa katauhan ng Hari ng mga Hari. Ang Jesus ding nagpagaling sa mga maysakit at nagbukas ng mga bulag na mata. Ang Jesus ding nagsalita nang banayad sa babae na nahuli sa pangangalunya. Ang Jesus ding nagpahid ng mga mata ng luhaang nagluluksa at tumanggap nang malugod sa mga bata sa Kanyang kandungan. Ang dating si Jesus na namatay sa krus ng Kalbaryo, nagpahinga sa libingan, at muling bumangon mula sa mga patay nang ikatlong araw.

(3) Si Jesus ba'y darating upang Siya'y makita natin?

"Tingnan ninyo , Siya'y dumarating na nasa mga ulap; at MAKIKITA SIYA NG BAWAT MATA." Apokalipsis 1:7. (unang bahagi).

Ang lahat na buhay sa pagdating na muli ni Jesus, mga matuwid at mga makasalanan ay kapwa makasasaksi sa Kanyang pagbabalik.

Ilan ang sinabi ni Jesus na makakakita ng Kanyang pagbabalik?

"Pagkatapos ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ANG LAHAT NG MGA LIPI SA LUPA. AT MAKIKITA NILA ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian." Mateo 24:30.

Bawat nabubuhay na tao sa ating sansinukob ay makikita ang pagbabalik ni Jesus.

(4) Sino ang sasama kay Jesus sa Kanyang pagbabalik?

"Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, Siya'y uupo sa trono ng Kanyang kaluwalhatian." Mateo 25:31.

Ilarawan sa isip kung ano ang magiging katulad ng pagbabalik ni Kristo sa Kanyang lubos na karilagan na napapalibutan ng "lahat ng mga anghel."

(5) Maaari ba nating sabihin nang tiyak ang panahon ng pagbabalik ni Jesus?

"Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang. …. Kaya maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan." Mateo 24:36, 44.

Ang lahat ay makakakita ng maluwalhating pagbabalik ni Jesus, ngunit marami ang hindi handa para rito. Ikaw ba'y personal na handa na para sa pagdating ni Jesus?

3. ANO ANG GAGAWIN NI JESUS SA KANYANG PAGBABALIK NA MULI?

(1) Titipunin ni Jesus ang lahat na mga ligtas (ang mga pinili).

"Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila." Mateo 24:31.

Kung iyong pinahintulutan si Jesus na ihanda ang iyong puso at buhay, magalak mo Siyang babatiin bilang iyong Tagapagligtas.

(2) Gigisingin ni Jesus ang mga banal na patay.

"Sapagkat ang Panginoon din ang bababang mula sa langit na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Dios at ang mga NAMATAY KAY KRISTO AY BABANGON MUNA ." 1 Tesalonica 4:16.

Si Jesus ay bababa mula sa langit na may sigaw. Ang Kanyang makapangyarihang tinig ay maririnig sa buong sanlibutan. Mabubuksan ang mga libingan at bubuhayin ang milyong mga tao na tumanggap kay Jesus sa buong panahon. Isang napakasayang araw yaon!

(3) Babaguhin ni Jesus ang lahat ng mga banal sa Kanyang pagdating-hindi lamang ang banal na patay kundi pati ang mga banal na nabubuhay.

"Pagkatapos noon, tayong nabubuhay na natitira AY AAGAWING KASAMA NILA sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling ang Panginoon magpakailan man." talatang 17.

Upang ihanda tayo para sa walang hanggan, babaguhin ni Jesus ang ating mga katawang may kamatayan sa magandang mga katawang walang kamatayan.

"Makinig kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong LAHAT AY BABAGUHIN-sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa HULING PAGTUNOG NG TRUMPETA. Sapagkat ang trumpeta ay tutunog, at ANG MGA PATAY AY MABUBUHAY NA WALANG PAGKASIRA, at TAYO'Y BABAGUHIN. Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan." 1 Corinto 15:51-53.

Pagdating ni Jesus "tayong lahat ay babaguhin." Isipin ninyo: wala nang arthritis, paralisis, o kanser. Ang mga pagamutan at ang mga punerarya ay sarado na.. Dumating na si Kristo!

(4) Dadalhin ni Jesus ang lahat ng mga banal sa langit.

Si Jesus mismo ang nangako, "Ako'y muling babalik upang kunin Ko kayo sa aking sarili" sa bahay ng Aking Ama (tingnan ang Juan 14:1-3). Si Pedro ay nagsasalita ukol sa mamanahin ng mga tinubos "na iniingatan para sa inyo" (1 Pedro 1:4). Maaari tayong tumingin sa hinaharap upang tuklasin ang mga kahangahanga sa lungsod ng Dios, ang Bagong Jerusalem, at makikilala ang ating Ama sa langit

(5) Papawiin ni Jesus ang lahat ng masama at pagdurusa sa buong panahon.

Ang masama-yaong patuloy na tumatanggi sa lahat na iniaalok na kaawaan ni Jesus- sila mismo ang magpapataw ng hatol sa kanilang sarili. Sa kanilang pagtitig sa mukha ni Jesus na lumalapit sa kanila mula sa mga alapaap, ang isang biglang kamalayan ng kanilang kasalanan ang magpatotoo na napakabigat batahin; sila'y tumawag sa mga bundok at mga bato, "Mahulog kayo sa amin at itago kami mula sa mukha niya na nakaupo sa luklukan at mula sa galit ng Kordero!" (Apokalipsis 6:16). Mas gusto pa nila ang kamatayan kaysa tumayo sa harap ng nakikita ang lahat na titig ni Jesus.

Nalalaman nila na ang tinig na ngayon ay kumukulog mula sa kalangitan ay minsan nang humimok sa kanila na tanggapin ang Kanyang banal na biyaya. Yaong mga nawala ang kanilang sarili sa ulol na pagmamadali para sa salapi at mga kalayawan o kalagayan, ngayo'y nadarama na kanilang nakaligtaan ang tanging tunay na mahalagang bagay sa kanilang buhay.

Ito'y nakapanlulumong pagpapahayag. Pagkatapos ng lahat, hindi dapat na isa man sa kanila ay mawaglit. Ang Dios mismo ay "walang kasiyahan sa sa kamatayan ng masama" (Ezekiel 33:11). "Hindi Niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi" (2 Pedro 3:9). Si Jesus ay namamanhik sa atin, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan" (Mateo 11:28). Ngunit hindi kapanipaniwalang ang iba'y tinalikdan ang Kanyang mabiyayang paanyaya.

4. HANDA KA BA KUNG SI JESUS AY DUMATING?

Napakalaki ng halaga para kay Jesus na bigyan tayo ng katiyakan ng isang maluwalhating kinabukasan na kasama Siya "sa bahay ng aking Ama." Buhay Niya ang halaga nito.

"SI KRISTO NA INIHANDOG NA MINSAN upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay MAGPAPAKITA SA IKALAWANG PAGKAKATAON, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa Kanya." Hebreo 9:28.

Ang Tagapagligtas na namatay sa krus upang kunin ang iyong mga kasalanan ay muling makikita "sa ikalawang pagkakataon," at Siya'y magdadala ng kaligtasan sa mga naghihintay sa Kanya." Inihandog ni Kristo ang Kanyang sarili upang maghandog ng kaligtasan sa bawat isa sa atin. Ngunit kung wala ang Ikalawang Pagparito, ang krus ay isang kabiguan. Nais ni Kristo na bigyan tayo ng isang walang hanggang ligtas na tahanan na kasama Siya. Upang iyon ay mangyari, dapat natin Siyang payagan na maghari sa ating mga puso bilang Tagapagligtas at Panginoon ngayon din.

Noong umaga ng Agosto 16, 1945, isang maliit na bata ang tumakbo sa buong Bakuran ng Shantung sa Hilagang China na sumisigaw na nakakita siya ng isang eroplano sa kalangitan. Lahat ng may matipunong katawan na nakakulong sa looban ay tumakbo sa labas at tumingin sa itaas. Ang mga lalaki at babaeng ito ay nagtiis sa loob ng maraming mga taon ng pagkakahiwalay, pagkakait, at agam-agam, ibinilanggo ng mga Hapones bilang mga mamamayan ng kaaway na mga bansa. Para sa marami isang bagay lamang ang nagpapanatili sa kanila na buhay sa espiritu: ang pag-asa na balang araw ang digmaan ay magwawakas.

Isang daloy ng koryente ang naglagos sa lahat na nagkakatipong 1500 mga nalalabing bilanggo sa kanilang pagkadama na ang eroplanong ito ay maaaring para sa KANILA. Sa paglakas ng ugong ng sasakyang panghimpapawid, mayroong isang sumigaw, "Tingnan ninyo, naroon ang BANDILA NG AMERKANO na nakapinta sa kabilang bahagi!" At sa isang di mapaniwalaang pagkatuliro, ang mga tinig ay nagsigawan, "Tingnan ninyo, sila'y KUMAKAWAY sa atin! Alam nila kung sino tayo. Sila'y dumarating para kunin tayo."

Sa pagkakataong ito ang pananabik ay naging higit pa kaysa kayang pigilin ng mga gulanit, pagod, nananabik na sa tahanang mga nakaligtas. Di-magkamayaw na kaguluhan ang naganap. Ang mga tao ay nagsisitakbo nang pabilog, sumisigaw hanggang sa abot ng kanilang makakaya, ikinakaway ang kanilang mga kamay at nagiiyakan.

Biglang ang karamiha'y nagpigil-hininga at tumahimik. Ang ilalim na bahagai ng eroplano ay nabuksan at ang mga lalaki'y nagpasimulang lumutang na pababa sa mga parakayda. Ang kanilang mga tagapagligtas ay hindi darating sa iba pang araw; sila'y dumating na ngayon, NGAYON upang suma-kanila!

Ang karamiha'y nagsiksikan sa pintuan ng bakuran. Hindi nila alintana ang mga baril na nakatutok sa kanila mula sa mga tore. Pagkatapos ng mga taon ng kabiguan at kalungkutan, sila'y nagmamadaling sumugod sa pintuan kung saan ang mga susundo sa kanila ay bababa.

Di nagtagal ang bahang ito ng sangkatauhan ay nagbalik sa kanilang kampo-na may mga kawal sa kanilang mga balikat. Ang tagapagpaganap ng kampo ay sumuko nang walang laban. Ang digmaan ay natapos na. Ang kalayaan ay dumating. Ang sanlibutan ay bago nang muli.

Di na magtatagal ang ATING Dios, ang ATING Tagapagligtas, ay bababa mula sa mga alapaap upang iligtas tayo. Ang matagal nang nakakatakot na kasaysayan ng kalupitan ng tao sa tao ay matatapos din sa wakas. Magkakaroon ng kagalakan sa araw na yaon, sigawan ng katuwaan sa pagkaunawa natin sa wakas: "Siya'y malapit na: nakikita ko ang mga anghel na hinihipan ang kanilang mga trumpeta." Ang tunog ay palakas na nang palakas, ang alapaap ng kaluwalhatian ay higit nang maliwanag, hanggang sa hindi na natin matagalan. Subalit hindi natin mapigil ang pagtingin na nadarama natin: "Nakikita Niya ako. Kilala Niya kung sino ako." Malalaman natin, na may di-maipaliwanag na kagalakan: "Ito ang aking Dios. Siya'y dumarating para sa akin, hindi sa ibang araw, kundi ngayon, ngayon na."

Handa ka bang malugod na tanggapin ang Hari na nasa Kanyang kaluwalhatian? Kung hindi, pakiusap na personal mong anyayahan si Jesus sa iyong buhay ngayon na. Kung ang pagdating ni Jesus sa sanlibutan ay lulutas sa mga suliranin ng sanlibutan, gayon ang Kanyang pagdating sa iyong puso na tutulong sa iyo na pakitunguhan ang iyong kasalukuyang araw-araw na mga suliranin. Ang Dakilang Tagalutas ng mga suliranin ay maaaring magligtas sa iyo mula sa kasalanan at pasanin ng kasalanan at bigyan ka ng buhay na walanghanggan.

Ang pagdating ni Jesus sa buhay ay walang hanggang babaguhin ito nang madulaing gaya ng pagdating ni Jesus sa ating sanlibutan na babago rin dito. Makakaasa ka kay Jesus. Ihahanda ka Niya para sa Kanyang pagdating at bibigyan ka ng kahangahangang katiyakan ng isang buhay ng walang hanggang kaligayahan.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.