ANG PANGALAWANG PAGKAKATAON SA BUHAY

Pagkatapos na mamuhay na isang Budista sa halos buong buhay niya, isang matandang lalaking taga-Singapore na naging Kristiyano ang tinanong nang ganito: "Ginoong Lim, anong pagkakaiba ang inyong natuklasan sa pagiging isang Budista at pagiging isang Kristiyano?"

"Madali lang," ang wika niya. "Magmula nang matagpuan ko si Jesus na aking Tagapagligtas, nagkaroon na ako ng kapayapaan sa aking puso.

Ganito ang mangyayari, kapag ang naging sentro ng ating buhay ay si Kristo.

"Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pag-iisip ay sumasa Iyo; sapagka't siya'y tumitiwala sa Iyo." Isaiah 26:3.

Ang bunga ng isang buhay Kristiyano ay isang ganap na kapayapaan, ganap na kapanatagan, at mabuting kalagayan.

Yaong mga nakatuklas nito ay nakasumpong ng tanging daan sa pangalawang pagkakataon sa buhay - si Jesus!

1. ANO ANG KAHULUGAN PARA SA ISANG NAWAGLIT NA MALIGTAS

Ang isang taong buhay sa pisikal ay maaring nagtataglay ng tinatawag ng iba na kasiya-siyang buhay, nguni't patay pa rin - patay sa espiritu.

"KAYO'Y MGA PATAY DAHIL SA INYONG MGA PAGSALANSANG AT MGA KASALANAN na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, NG ESPIRITU NA NGAYON AY GUMAGAWA sa mga anak ng pagsuway." Efeso 2:1, 2.

Inihahatid ni Satanas ang patay sa espiritu na pababa sa likaw ng kasalanan at pagsuway. Nguni't ang kahangahangang katotohanan ng ebanghelyo ay iniibig ng Dios ang mga taong nahukuman. Minamahal Niya sila habang sila ay patay sa kanilang mga kasalanan at iniaalay sa kanila ang isang lubos at walang bayad na kalayaan mula sa kanilang mga suliranin.

"Dahil sa Kanyang malaking pag-ibig sa atin, ang Dios, na mayaman sa kahabagan, ay BINUHAY NIYA TAYO KAY KRISTO MAGING NANG TAYO AY MGA PATAY DAHIL SA ATING MGA KASALANAN . . . upang maipakita ang di-masukat na mga kayamanan ng kanyang biyaya, na inihayag sa kanyang kagandahang loob sa atin kay Kristo Jesus." Efeso 2:4-7.

Minahal tayo ng Dios sa kabila ng walang kaibig-ibig sa atin. Ang Kanyang biyaya ay lumikha sa atin ng bagong buhay kay Kristo. Hindi natin mababago ang ating buhay; Dios lamang ang makagagawa nito. Kung tayo ay lalapit sa Kanya na may pananampalataya at pagpapasakop, bibigyan Niya tayo ng pangalawang pagkakataon sa buhay bilang isang walang bayad na kaloob.

2. MULA SAAN TAYO DAPAT NA ILIGTAS

(1) Kailangan nating maligtas mula sa kasalanan.

"Sapagka't ang lahat ay nagkasala nga at hindi nakaabot sa kaluwlhatian ng Dios." Roma 3:23.

Sa tahasang pagsasabi: kailanman ay hindi tayo nabubuhay sa alam nating matuwid.. Ang isang magulang na nasa ilalim ng tensyon ay maaaring mag-wala at sumabog, at sugatan ang damdamin ng kanyang anak. Ang tao ay maaaring magalit sa isang tsuper at maging dahilan ng sakuna. Maari din na ang isang mag-aaral ay magkimkim ng sama ng loob at magkalat ng masasamang salita laban sa kapuwa niya mag-aaral. Ang isang mangangalakal ay maari ding magpanukala na "limutin" ang tiyak na pinagmumulan ng kanyang kinikita sa panahon ng pagbabayad ng buwis. "Lahat ay nagkasala;" 'yan ang kalagayan ng tao.

Paano inilalarawan ng Biblia ang kasalanan?

"Lahat ng kalikuan ay kasalanan." 1 Juan 5:17.

Kailangan tayong sagipin mula sa lahat ng salahulang mga kinagawiang tulad ng: pagsisinungaling, pagmamalabis, matinding galit, pagnanasa, kapaitan at iba pa.

"Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalansang sa kautusan; at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan." 1 Juan 3:4.

Kaya kailangan tayong masagip sa kasalanan - pagsalangsang sa kautusan ng Dios.

(2) Kailangan tayong masagip mula sa nasirang pakikipag-ugnay sa Dios.

"Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng Kanyang mukha sa inyo.." Isaias 59:2.

Ang mga kasalanang hindi pinatawad ang siyang pumuputol ng ating ugnayan sa Dios. Pumarito si Jesus upang ibalik ang ating pagtitiwala sa Dios, na iginuho ni Satanas.

(3) Kailangan tayong sagipin mula sa walang hanggang kamatayan - ang
kaparusahan sa kasalanan.

"Kaya, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamataya'y naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala." Roma 5:12.

(4) Kailangan tayong sagipin mula sa makasalanan, malungkot at hungkag na buhay.

Sa makasalanan ang buhay ay isang putol na daan.

(5) Kailangan tayong sagipin mula sa makasalanang sanglibutan.

Kailangan tayong sagipin mula sa isang mundong puno ng kasalanan at ng mga bunga nito: pagdurusa, hapdi ng puso, kalungkutan, digmaan, karamdaman, at kamatayan!

3. SINO ANG MAKAPAGLILIGTAS SA ATIN?

Tanging si Jesus lamang ang makapagliligtas sa atin.

(1) Mapapalaya tayo ni Jesus mula sa kasalanan.

"At siya'y manganganak ng isang lalaki; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." Mateo 1:21.

Isang Hindu ang nagsabi sa kanyang kaibigang Kristiyano, "Marami akong nasumpungan sa Hinduismo na wala sa mga Kristiyano, ngunit mayroong isang bagay sa mga Kristiyano na wala sa mga Hindu - isang Tagapagligtas. Tanging ang Kristiyanismo lamang ang pambuong sanlibutang relihiyon na nagaalay sa mga tao ng Tagapagligtas.

(2) Kailangang iligtas tayo mula sa nawasak na ugnayan sa Dios.

"Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Kristo . . . na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan. Datapuwa't ngayon kay Kristo, kayo na noon ay malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Kristo." Efeso 2:12,13.

Si Jesus ang sakdal na Kaibigan na nakasisiyang makaugnayan. Gusto niyang ilabas ang pinakamabuti na nasa atin. "Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo" ang ating nakaraang buhay ng kasalanan ay pinatawad, at araw-araw ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang pagtanggap, kapangyarihan sa kasalanan, at ang Kanyang sakdal na buhay. Batid natin na Siya ay naroon upang tayo ay itayo sa bawat oras na tayo ay mahulog. Sa kabilang dako, ang pagibig natin sa Kanya ay magbubunga ng isang pagnanais na mabuhay sa isang paraan na makapagpapaligaya sa Kanya.

(3) Maililigtas tayo ni Jesus mula sa walang hanggang kamatayan, ang kaparusahan ng kasalanan.

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob ng Dios na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Kristo Jesus na Pangnoon natin." Roma 6:23.

Tayo ay mga taga-salansang ng kautusan na hinatulan ng kamatayan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Si Jesus ang tumubos sa atin mula sa walang hanggang kamatayan at nagbigay sa atin ng walang hanggang buhay.

"Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang Kanyang pag-ibig sa atin, na nang tayo'y makasalanan pa si Kristo ay namatay dahil sa atin." Roma 5:8.

Dahil sa Kanyang hindi nagbabagong pagibig, si Jesus ay "namatay para sa atin". At sapagka't siya'y namatay dahil sa atin at nagdusang lubos sa bunga ng kasalanan, ang Dios ngayon ay mapapatawad at matatanggap ang mga makasalanan na hindi winawalang kabuluhan ang kasalanan.

(4) Maililigtas tayo ni Jesus mula sa isang makasalanan at malungkot na buhay.

"Kaya't kung ang sinoman ay na kay Kristo, siya'y bagong nilalang, ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago." 2 Cor. 5:17.

Hindi natin maililigtas ang ating mga sarili mula sa kasalanan o kaya'y palitan ang ating likas sa sarili nating pamamaraan, kung paanong ang leon ay hindi magiging isang tupa (Roma 7:18). Ang kasalanan ay higit na malakas kaysa sa ating kapangyarihan ng kalooban. Nguni't si Kristo ay kayang "palakasin ka sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa panloob mong pagkatao." [Efeso 3:16]. Siya ay gumagawa upang palitan ang ating mga masamang likas ng Kanyang malusog na mga katangian; pagibig, kapayapaan, kagalakan, kagandahang-loob, at pagpipigil. [Galacia 5:22, 23]. Si Kristo ay nabubuhay sa pamamagitan natin, at tayo'y tumatanggap ng espirituwal na pagpapagaling, panunumbalik sa dating kalagayan, at ng isang bagong buhay.

Si Harold Hughes ay isinuko na ang pagasa sa pagbabago. Marami nang pagkakataong sinubok niyang huminto sa pag-inom. Ang tanging nalalaman niya ay inilagay niya sa impierno sa loob ng sampung taon ang kanyang asawa at ang dalawa niyang anak dahil sa pagsisiskap niyang labanan ang bote ng alak. Kaya lumusong siya sa kanilang paliguan isang malamig na umaga, at itinutok ang kanyon ng baril sa kanyang bibig. Bago niya kinalabit ang gatilyo, ay ipinasya muna niyang magpaliwanag sa Dios. Ang panalanging yaon ay nauwi sa isang mahabang, pahagulgol na pakiusap sa Dios na tulungan siya.

At lumapit ang Dios sa kanya. Si Harold Hughes ay nagtalaga kay Kristo, at nasumpungan niya ang espirituwal na kalakasan upang magsikap. Lubusan siyang huminto sa paginom, naging maibigin, at maaasahang asawa at ama, at nagpatuloy hanggang siya ay mailuklok sa senado ng America. Natuklasan ni Harold Hughes ang pinakadakilang bumabagong kapangyarihan sa sanlibutan - si Jesus!

(5) Maililigtas tayo ni Jesus mula isang nakasalanang sanglibutan.

Ang susunod na apat na patnubay ay ipaliliwanag kung paano.

4. TATLONG HAKBANG SA KALIGTASAN

1. Humingi ng tulong kay Kristo sa pagkikipaglaban sa kasalanan.

Ano ang ating bahagi sa pagaalis ng ating makasalanang buhay?

"Kaya nga kayo'y MANGAGSISI at mangagbalik loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan." Mga Gawa 3:19.

Ano ang naghahatid sa tao sa pagsisisi?

"ANG KABUTIHAN NG DIOS ANG SIYANG UMAKAY SA IYO SA PAGSISISI" Roma 2:4.

"DAHIL SA INYONG PAGKALUMBAY NA IKAPAGSISISI" 2 Corinto 7:9.

Ang pagsisisi ay ang pagkalungkot sa ating makasalanang buhay sa nakaraan, at ang pagtalikod mula sa kasalanan, paghiwalay sa matandang kinaugalian, mga gawi, at saloobin. Hindi lamang kalungkutan dahil sa takot sa kaparusahan, kundi isang pagtugon sa "kabutihan ng Dios" na naghatid kay Jesus na mamatay sa ating lugar dahil sa ating pagiging makasalanan.

Kapag ating naranasan ang isang bagong buhay kay Kristo, kailangang hanggang ating magagawa ay ituwid natin ang mga pagkakamali sa nakaraan. Ezekiel 33:14-16.

Ano ang bahagi ng Dios upang pawiin ang ating lumang buhay ng kasalanan?

Ang pagsisisi at kapatawaran ay mga kaloob ng Dios.

"Siya'y pinadakila ng Dios ng kanyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang MAGBIGAY NG PAGSISISI, at KAPATTAWARAN NG MGA KASALANAN." Mga Gawa 5:31.

Kapag tayo ay nagsisisi, pinatatawad tayo ng ating mapagmahal na Tagapagligtas, linilinis tayo sa kasalanan, at inihahagis ang mga ito sa kailaliman ng dagat.

"KUNG ATING IPAHAHAYAG ang ating mga kasalanan, TAPAT at BANAL SIYA na TAYO'Y PATATAWARIN sa ating mga kasalanan at TAYO'Y LILINISIN sa lahat ng kalikuan. I Juan 1:9. (Micah 7:18, 19).

Walang kakila-kilabot na kasalanan na hindi mapapatawad ng Tagapagligtas na namatay sa krus ng Kalbaryo dahil sa ating mga kasalanan. Ang nagtitiwala kay Jesus ay kailangan lamang na hilingin sa Kanya ang Kanyang kapatawaran. Ang kamatayan ni Jesus para sa atin ay hindi makapagpapatawad sa atin malibang humingi tayo ng kapatawaran. Isang nakalulungkot na katotohanan na ang ating mga kasalanan ang nagbaon ng mga pako sa paa't kamay ni Jesus. Gayunman, si Jesus ay higit pang nasasabik kaysa ating iniisip na tanggapin natin ang inihahandog Niyang kaloob ng pagpapatawad at pakikipagkasundo.

Ang balita ay dumating sa isang kabataang lalaki na may tangka sanang lumayas ng tahanan na ang kanyang ina ay naghihingalo. Ang balita ay nagdulot sa kanya ng pagsisisi sa kanilang nawasak na ugnayan. Madali siyang umuwi ng tahanan, at mabilis na pumasok sa silid at lumapit sa kama ng kanyang ina. Sa pagitan ng mga luha at hikbi kanyang hiningi ang kanyang kapatawaran.

Kinabig siya ng kanyang ina at binulungan, "Anak, matagal na sana kitang pinatawad kung iyo lamang hiningi yaon."

Kung ikaw ay napalayo sa Dios, o kaya ay hindi mo pa siya nakikilala, pakiusap, isipin mo man lamang kung gaano ang pananabik ng ating Ama sa langit na tanggapin ka sa tahanan. Ninanais niya, higit sa lahat, na tanggapin mo ang inaalok Niyang pagpapatawad. Mahal ka ni Jesus. Siya ay namatay para sa iyo. Nais niyang ikaw ay patawarin. Kaya, tumugon ka sa Kanyang mabiyayang paanyaya na magsisi. Ipahayag mo ang iyong mga kasalanan. Manampalataya ka lamang na patatawarin ka ng Dios at magkakagayon. Magtiwala ka sa Kanya! Magtiwala ka sa Kanyang mga pangako.

(2) Tanggapin mo ang isang bagong buhay mula kay Jesus.

Ang iyong bahagi sa pagtanggap ng bagong buhay kay Jesus ay manampalataya ka na tunay kang iniligtas ni Jesus. Tanggapin mo na walang pasubali ang katotohanan na ikaw ay Kanyang pinatawad at nilinis sa lahat ng iyong mga kasalanan, inalis ang iyong lumang pagkataong makasalanan, at pinagkalooban ka ng isang bago at binagong buhay.

"Datapuwa't . . . lahat ng sa Kanya'y sumampalataya, ay pinagkalooban Niya ng karapatan na maging mga anak ng Dios." Juan 1:12.

Bilang anak ng Dios, mayroon kang "karapatan" na tumanggap ng bagong buhay kay Jesus. Hindi mo maaaring makamit ito sa iyong sariling pagsisiskap, kaloob ito ng iyong Amang nasa langit. Ang Panginoon ay nagbibigay ng isang tiyak na pangako upang pawiin ang ating mga kawalan ng kapanatagan at pag-aalinlangan.

Ano ang bahagi ng Dios sa pagbibigay sa atin ng isang bagong buhay?

"At sinabi ni Jesus; 'katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios'." Juan 3:3.

Sang-ayon kay Jesus ang isang sumasampalataya, at nagsisising makasalanan ay totoong ipinanganak sa isang bagong buhay. Ito ay isang himala na ang tanging makagagawa ay ang Dios. Kanyang ipinangangako:

"Bibigyan ko rin naman kayo ng BAGONG PUSO, at lalagyan ko ang loob ninyo ng BAGONG DIWA; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman." Ezekiel 36:26.

Binabago ni Jesus ang ating mga puso, ang ating mga damdamin, ang ating mga pag-uugali, at "tumatahan sa atin" [Colosas 1:27]. Ang bagong buhay na ito ay hindi lamang isang magandang espirituwal na kaisipan: ito ay matibay na buong katotohanan, isang pagkabuhay mula sa espirituwal na kamatayan sa isang lubos na bagong buhay at pagpapasimula.

(3) Mabuhay ka araw-araw para kay Kristo.

Ang buhay ng Kristiyano ay kasangkot ang araw-araw na pagtalikod sa pagiging makasarili, at pakikipagkasundo kay Jesus na ating maibiging Kaibigan. Tayo ay lumalago sa bagong buhay na ito sa pamamgitan ng matibay na pakikipag-ugnay kay Jesus. Nangangahulugan ito ng paggugol ng mga mahahalagang sandali na kasama Niya, na nagtatayo ng isang tapat at hayag na pakikipagusap. Ang Dios ay nagbigay ng limang banal na tulong para sa paglagong espirituwal: ang pag-aaral ng Biblia, pananalangin, pagninilay-nilay, pagkikipag-samahan sa kapwa Kristiyano at pakibahagi ng mga karanasan sa iba

Ang mabuhay kay Kristo ay hindi nangangahulugang hindi na tayo maaaring magkamali. Nguni't kung sakaling tayo ay madulas at magkasala, ating angkinin ang kapatawaran ni Kristo at magpatuloy. Tayo ay patungo sa tamang daan, at ating nalalaman na si Kristo ang nanatiling nabubuhay sa ating mga puso.

5. ANG KALIGAYAHAN NG PANGALAWANG PAGKAKATAON

Tumangap si Harold Hughes ng maraming karangalan sa panahon ng kanyang natatanging gawain bilang isang senador ng Estados Unidos, subali't ang pinakamhalaga sa kanya ay dumating di pa natatagalan pagkaraang magtalaga siya kay Kristo.

Nagiisang nag-aaral si Harold ng Biblia sa kanyang silid isang gabi nang maramdaman niya na may sumiko sa kanya. Nang tingnan niya ay nakita niya ang dalawa niyang maliliit na anak na babae na nakatayong tahimik na naka-pantulog. Tumitig siya sa kanila sumandali, malaki na ang ipinagbago nila at hindi niya ito napansin sa panahon ng kanyang pagkagumon sa alak.

Pagkatapos ay nagsalita si Carol, ang nakababata, "Daddy, nagpunta kami rito upang halikan ka ng isang magandang gabi."

Lumabo ang mga mata ng ama. Matagal nang panahon ang nakararaan mula nang ang kanyang mga anak ay lumapit para sa kanyang yakap. Ngayon ang kanilang magagandang mata ay wala ng takot. Sa wakas ang kanilang ama ay umuwi na sa kanilang tahanan.

Tunay na si Jesus ay nagkakaloob ng pangalawang pagkakataon sa lahat. Kanyang inaako ang mga walang-walang pagasa at lumilikha ng mga bagong pasimula.

Ang Tagapagligtas ay nagnanais para sa bawat isa sa atin na bumalik na sa tahanan. Tinanggap mo na ba ang mapagmahal na paanyaya ni Kristo? Ang pagtanggap sa Dios ng kapatawaran at paglilinis ay kasing payak at malalim na tulad ng pagbubukas ng iyong mga bisig para sa yakap ng isang bata.

Kung hindi ka pa nagtitiwala kay Kristo bilang iyong personal na Tagapagligtas, maaari mong gawin ngayon ang pananalanging tulad nito:

"Ama, ako ay nalulungkot para sa aking lumang buhay ng kasalanan. Salamat sa iyong Anak na si Jesus na ipinadala Mo sa mundong ito upang mamatay sa lugar ko. Jesus, patawarin mo ako para sa aking mga kasalanan at pumasok ka sa aking buhay at iligtas mo ako. Nais ko ng pangalawang pagkakataon sa buhay. Nais kong ipanganak na muli. At higit sa lahat nais kong magtatag ng araw-araw na pakikipag-ugnay sa Iyo. Salamat sa paggawa mo ng himalang ito sa buhay ko. Sa pangalan ni Jesus, Amen."

Gawin mo ang kahanga-hangang pagtuklas na ito. Kapag ginagawa natin ang paglapit, ginagawa ni Jesus ang pagliligtas.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.