ANG TULAY SA ISANG KASIYA-SIYANG BUHAY

Natagpuan nila ang isang kalansay sa tabi ng isang pansamantalang kanlungan sa isang mapanglaw na pulo sa Gitnang Atlantiko. Ang hindi kilalang magdaragat ay may taglay na talaarawan na may detalye ng kanyang apat na buwang kahindik-hindik na karanasan. Siya ay inilapag sa baybay dagat ng Pulo ng Ascension ng isang hukbong-dagat ng mga Olandes (Dutch) noong 1725 dahil sa isang hindi binanggit na krimen. Hindi nagtagal ay napilitan siyang uminom ng dugo ng mga pagong upang sugpuin lamang ang kanyang matinding uhaw.

Napakatindi ang paghihirap ng lalaki; bagamat may mahigit pang masakit na nangingibabaw sa kanyang talaarawan: yaon ay ang matinding sumbat ng budhi.

Ganito ang kanyang kahila-hilakbot na sinulat: "Anong paghihirap ang nadarama ng isang imbing may kamatayan, kapag iniwan niya ang landas ng katuwiran na nasisiyahang paramihin ang bilang ng mga sinumpa." Ang matinding pag-iisa ng magdaragat na ito doon sa malungkot na pulo ay dulot ng kanyang pagkadama sa pagkalayo niya sa Dios. Yaon ang hindi kayang batahin sa wakas.

Ang sangkatauhan ay nagkikipagpunyagi laban sa pagkahiwalay ng puso mula nang sina Adan at Eva ay "nagtago mula sa harapan ng PANGINOON, sa likuran ng mga puno ng halamanan, matapos kumain ng ipinagbabawal na bungang kahoy" (Genesis 3:8). Ang bagong kakaibang pakiramdam ng kahihiyan, pagkakasala, at takot ang nagbunsod sa mag-asawa na tumakas nang dumating na tumatawag ang Dios. Ang mga damdaming yaon sa kasamaang palad ay karaniwan na lamang sa atin ngayon.

Ano ang nagiging dahilan ng pagkahiwalay natin sa Dios?

''Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan, kayo at ang inyong Dios: at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.'' Isaias 59:2.

Ang malawak na gulpo na naghihiwalay ng mga makasalanang nilalang mula sa Dios ay hindi Niya kagagawan. Ang Dios ay hindi lumayo kay Adan at Eva, sila ang tumakbong papalayo sa Kanya.

1. BINIBIGYANG KASIYAHAN ANG ATING NATATAGONG GUTOM

Bago sinira ng kasalanan ang larawan, si Adan at Eva ay nasiyahan sa pagpapalagayang-loob sa kanilang Manlalalang sa isang magandang Halamanang tahanan sa Eden. Sa kasamaang palad ay binili nila ang kasinungalingan ni Satanas, tungkol sa kanilang pagiging kasing talino ng Dios at pinutol ang tali ng pagtitiwala sa kanilang Manlalalang. (Genesis 3).

Pagkatapos na sila ay palayasin sa halamanan ng Eden, sina Adan at Eva ay natagpuan ang higit na mahirap na buhay sa labas ng Eden. Ang pagdadalantao at ang pagbubungkal ng lupa ay may dugo, pawis at luha. Nasira ang kanilang malapit na pakikiugnay sa Dios, natagpuan nila ang kanilang sarili na marupok sa mga di-natutugunang mga naisin at makirot na pananabik - ang kalungkutan ng kasalanan.

Mula nang sina Adan at Eva ay naghimagsik sa Dios, lahat (ang buong sangkatauhan), ay nahulog sa gayunding balangkas ng kasalanan at nasakop ng kamatayan, ang huling kaparusahan ng kasalanan.

"Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang KAMATAYAN AY NARANASAN NG LAHAT NG TAO, sapagka't ang LAHAT AY NAGKASALA." Roma 5:12.

Nararanasan nating lahat ang malawak na pagka-gutom ng puso para sa mga nawala sa atin, isang pagnanais para sa uri ng katiyakan na tanging Dios lamang ang makapagbibigay. Madalas nating sinisikap na punuan ang gutom na yaon sa pamamagitan ng walang humpay na pamimili, o kaya ay pakikipaglaban para sa pagtaas ng posisyon sa trabaho, o kaya naman ay lunurin na lamang ang pagkagutom na yaon ng alkohol, droga o di-maingat na pakikitungo sa seks.

Ngunit ang lahat ng ating matinding pagnanasa ay tanda lamang ng isang kalungkutan para sa Dios. At walang lunas malibang maranasan natin sa ating buhay ang Kanyang pagibig.

"Pupuspusin Mo ako ng kagalakan sa iyong harapan, na may walang hanggang kasayahan sa iyong kanang kamay." Mga Awit 16:11.

Ang tunay na kasiyahan ay darating lamang kapag ang pagitang yaon sa atin at sa Dios ay nalagyan ng tulay at tayo ay makalalakad tungo sa Kanyang harapan.

2. PAGLALAGAY NG TULAY SA BANGIN NG KASALANAN AT KAMATAYAN

Hindi lamang ang mga tao ang nalulungkot dahil sa kasalanan. Ang Dios ay nagdurugo ang puso nang araw na Siya ay talikuran nina Adan at Eva. At siya ay namimighati pa rin sa kalungkutan at kapahamakan ng tao. Ang Dios ay nasasabik na bigyang kasiyahan ang ating natatagong naisin at paghilumin ang mga sugat ng damdamin. Hindi Siya nasisiyahan na tingnan na lamang tayong may kahabagan sa kabila ng bangin na naghihiwalay sa atin sa Kanya. Kaya nagpasya ang Dios na Siya ang maging tulay sa bangin ng kasalanan at ng kamatayan.

''Sapagkat gayon na lamanag ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, na ang sinomang sa Kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walanag hanggan. Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan, kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya." Juan 3:16, 17.

Ibinigay ng Dios ang Kanyang Anak, at ibinigay ni Jesus ang Kanyang buhay na pantubos sa kasalanan, na ibinayad ang Kanyang sarili sa parusang kamatayan. Ang buhay, ang kamatayan at ang pagka-buhay na mag-uli ni Jesus ay nangyari upang patawarin at iligtas ang mga makasalanan, na hindi winawalang halaga ang kasalanan, at ipakita sa buong sansinukob ang tunay na likas ni Kristo at ni Satanas. Ang tulay na duguang katawan ni Kristo ang nagtaboy sa mga tao palayo sa bitag ng kasalanan. Ang pag-ibig ang bumagtas sa bangin ng kasamaan, upang ang lahat na nananampalataya kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ay makalakad tungo sa walang hanggang buhay.

3. ANG PITONG MAHAHALAGANG KATOTOHANAN NA DAPAT MONG MAALAMAN TUNGKOL KAY JESUS

Ang pitong katotohanang ito tungkol kay Jesus aky hindi maaring maging totoo kahit sa sinomang tao na nabuhay sa mundong ito:

(1) Si Jesus ay Nagmula sa Langit at Bumaba sa Lupa
Gaano katagal na inangkin ni Jesus na Siya ay nabuhay?

''Bago ipinanganak si Abraham ay Ako nga'' Juan 8:58.

Ipinagbigay alam ni Jesus sa sanglibutan: "Ako nga!" Ako ay nabubuhay mula pa sa pasimula at laging mabubuhay! Kahit na si Jesus ay isinilang ng isang ina, (Matthew 1:22, 2:3), Siya ay isang Dios, Dios sa laman ng tao. Sina Dwight Moody at Billy Graham noong nakaraan 19 na siglo, minsan ay nagsabi tungkol sa pagkakatawang tao ni Jesus, " Isang napakalaking pagpapakasakit para kay Jesus na Siya ay dumating, at iugoy sa isang pilak na duyan, alagaan ng isang anghel, at pakainin na may gintong kutsara. Ngunit ang Manlalalang ng langit at lupa ay dumating at nagkatawang tao at isinilang sa sabsaban ng mga hayop ng mga dukhang magulang sa napakasamang kapaligiran."

Isang anghel ang nagsabi kay Jose sa panahon ng kapanganakan ni Jesus:

"At siya [si Maria] ay manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay JESUS, sapagka't ILILIGTAS NIYA ANG KANYANG BAYAN MULA SA KANILANG MGA KASALANAN". Mateo 1:21.

Si Jesus na Manlalalang ng sansinukob (Juan 1:1-3,14), ay kusang naparito sa ating sanlibutan upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan.

(2) Si Jesus Nabuhay ng Isang Walang Kasalanang Buhay
"Si Jesus na Anak ng Dios . . . isa na tinukso sa lahat na paraan gaya rin naman natin, gayon ma'y walang kasalanan". Hebreo 4:14, 15.

Ang Dios ay gumawa ng higit pa kaysa kausapin lamang tayo na lumabas mula sa buhay ng kasalanan tungo sa isang kasiya-siyang buhay. Sa paninirahan sa lupang ito bilang Tao, ginawa ni Jesus ang buhay na malaya sa kasalanan na mahigit pang kaakit-akit kaysa isang sermon.

Si Satanas, ang katunggali ni Jesus, ay nagpanukala sa buong panahon ng buhay ni Jesus dito sa lupa upang akitin siyang magkasala. Doon sa ilang ay ibinuhos ng Diablo ang buong lakas niya laban sa katapatan ni Jesus (Mateo 4:1-11). Sa Gethsemane, bago pa ang Kanyang pagkapako sa krus, ay dumaloy ang pawis na dugo sa tindi ng pagsubok na dinanas ni Jesus (Lukas 22:44).

Nguni't nanatiling matibay si Jesus sa lahat ng tukso na ibinato sa Kanya ng Diablo, "at walang anomang kasalanang nasumpungan." Sapagka't naranasan ni Jesus ang sukdulan ng problema at pagsubok ng isang tao, nauunawaan niya ang ating pakikipaglaban sa kasalanan. Mayroon siyang kakayahan " na sumaklolo sa ating mga kahinaan." (Hebreo 4:15).

Bakit kinailangan na si Jesus ay mabuhay nang walang kasalanan?

"Yaong hindi nakakilala ng kasalanan, ay Kanyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa Kanya'y maging katuwiran ng Dios." 2 Corinto 5:21.

Nagtagumpay si Jesus sa mga pagsubok at namuhay ng isang buhay na walang kasalanan, upang maisalin Niya ito sa atin, kapalit ng ating matandang pagkatao ng kasalanan.

(3) Namatay si Jesus Upang Alisin Ang Kasalanan
Gaano karami ang mga taong nagkasala?

"Sapagka't ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios. Roma 3:23.

Ano ang kaparusahan ng kasalanan?

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay KAMATAYAN; ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Kristo Jesus na Panginoon natin.". Roma 6:23.

Bakit namatay si Jesus?

"Narito, ang Cordero ng Dios, NA NAGAALIS NG KASALANAN ng sanglibutan". {Juan 1:29).

Lahat tayo ay nagkasala at nasaklaw ng walang hanggang kamatayan, subalit si Jesus ay namatay sa ating lugar. Siya ay naging "kasalanan para sa atin." Siya ang nagbayad ng kaparusang kamatayan para sa atin. Ang Kanyang kamatayan ay isang kaloob, at ang "KALOOB ng Dios ay BUHAY NA WALANG HANGGAN kay Kristo Jesus na Panginoon natin" Roma 6:23.

Inialay ni Jesus ang Kanyang sakdal at matuwid na buhay bilang isang kaloob ng pag-ibig para sa atin. Ang pag-ibig na tulad niyaon ay hindi halos mauunawan ng tao. At dahilan sa Kanyang kamatayan "mayroon tayong KAPAYAPAAN sa Dios" (Rom. 5:1).

(4) Si Jesus ay Bumangon Mula sa mga Patay
Ang kamatayan ni Jesus sa krus ay hindi katapusan ng Kanyang katangi-tanging kuwento ng buhay. Hindi Siya maaaring manatiling patay, at maging ating Tagapagligtas.

"At kung si Kristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa. Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Kristo ay mangapapahamak". 1 Corinthians 15:17, 18.

Sina Mohamed at Budha ay nagpakilala sa mundo ng ilang dakilang katotohanan ng pilosopiya. Kanilang pinasigla ang buhay ng milyong mga tao, ngunit wala silang kahima-himalang kapangyarihan na magbigay-buhay sapagkat sila ay nanantili pa sa kanilang mga libingan.

Sapagja't si Jesus ay bumangon mula sa Kanyang libingan sa ikatlong araw ng Kanyang kamatayan, anong pangako ang nagawa niya para sa atin?

"Sapagka't Ako'y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo". Juan 14:19.

Si Jesus ay buhay! Sapagka't mayroon Siyang kapangyarihan laban sa kamatayan, kaya Niya tayong palayain mula sa kamatayan, at ialay ang isang buhay na kapwa masagana at walang hanggan. Maninirahan Siya sa ating mga puso kung aanyayahan natin Siya. Ang nabuhay na Kristo ay handang sapatan ang ating mga pangangailangan ngayon.

"At narito, Ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan". Mateo 28:20.

Ang mga lalaki at babae sa buong sanglibutan ay nagbabahagi ng kanilang mga karanasan kung paano silang pinalaya ni Kristo mula sa malagim na pagka-gumon sa mga bawal na gamot at mga matinding pagkabigla ng damdain.

Isa sa aming mga dating mag-aaral ang sumulat ng ganitong pasasalamat sa pahina ng kanyang sulatan ng sagot: "Ako ay isang lasenggo. Isang araw, habang ako ay lasing, nakita ko sa kanal ang isang tarheta na nagsasaad ng inyong inaalok na pag-aaral sa Biblia. Pinulot ko at sinulatan ng aking pangalan at nakatanggap ng unang tunay na kaalaman tungkol kay Kristo. Pagkatapos ng pag-aaral sa Biblia ay ipinagkaloob ko ang aking puso sa Dios at nawala ang aking panlasa sa alak.

Noong angkinin ni Jesus ang buhay ng lalaking ito, binigyan siya ng isang bagong kapangyarihan upang mapanagumpayan ang pagiging lasenggo. Sapagka't si Kristo ang nabuhay na Tagapagligtas, kaya Niyang iligtas ang lahat ng lumalapit sa Kanya.

(5) Umakyat si Jesus sa Langit
Bago bumalik si Jesus sa Ama pagkatapos ng Kanyang pagka-buhay na mag-uli (Mga Gawa 1:9), ipinangako Niya ito sa kanyang mga tagasunod:

"Huwag magulumihanan ang inyong mga puso, magsisampalataya kayo sa Dios magsisampalataya din naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan . . . sapagkat ako'y paroroon UPANG IPAGHANDA KO KAYO NG DAKONG KALALAGYAN. At . . . ako'y muling paririto at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili . . . kung saan ako naroon." Juan 14:1-3.

(6) Si Jesus ay Naglilingkod Bilang Saserdote sa Langit
Patuloy na naghahanap si Jesus upang ihanda tayo para sa isang lugar sa langit.

"Kaya't nararapat sa Kanya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa Kanyang mga kapatid, upang Siya ay maging isang maawain at tapat na PINAKAPUNONG PARI sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan. Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso." Hebreo 2:17-18.

Si Jesus ay naparito sa ating sanlibutan upang "gumawa ng pagkakasundo sa mga kasalanan ng tao," at hanguin tayo mula sa pagdurusa ng pagkaalipin ng kasalanan. Siya ay namatay upang tayo'y iligtas upang lubusan Niyang mapawi ang sanhi ng kasalanan, pagdurusa at kamatayan sa pamamgitan ng pagwasak sa Diablo.

Si Jesus ang ating Mataas na Saserdote ay "ginawang katulad ng malilit Niyang kapatid sa lahat ng paraan. At ngayon ay patuloy Siyang humaharap sa Ama alang-alang sa ating kapakanan bilang ating Tagapamagitan. Ang Jesus ding ito na bumasbas sa maliliit na mga bata, at nagbago ng buhay ng babaeng nahuli sa pakikiapid, at nagpatawad sa magnanakaw doon sa krus, ay naglilingkod ngayon sa langit para sa ating mga pangngailangan, "upang matulungan yaong mga tinutukso."

(7) Si Jesus ay Muling Babalik
Bago siya umakyat langit ano ang ipinangako ni Jesus?

"At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay MULING PARIRITO AKO at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, na kung saan ako naroon, kayo naman ay dumoon." Juan 14:3.

Sa pagbabalik ni Jesus, palalayain Niya tayo mula sa kasalanan, karamdaman, kapahamakan, at kamatayan na sumasalot sa planetang ito. At tayo'y Kanyang tatanggapin sa bagong daigdig ng walang hanggang kaligayahan at buhay.

4. ANG DI-NABIBIGONG PAG-IBIG

Isang kuwento ang isinalaysay tungkol sa inareglong kasalan sa Taiwan nina U Long at ni Golden Flower. Noong itinataas na ni U Long ang belo ng kanyang nobya matapos ang seremonya, gayon na lamang ang kanyang pagkagulat at pagkadismaya. Ang kanyang mukha ay puno ng pilat ng bulutong.

Pagkatapos noon ay nawalan na ng pagtingin si U Long sa kanyang asawa. Sinikap ni Golden Flower na mapaligaya si U Long; inalagaan niya ang kanilang tahanan, at umasa na isang araw ay matatanggap din siya ng kanyang asawa. Ngunit, nanatiling malamig si U Long sa lahat ng ipinakikitang pag-ibig ni Golden Flower.

Nakaraan ang labindalawang taon ng paimbabaw na pagsasama bilang mag-asawa, si Ulong ay unti-unting nawalan ng paningin. Sang-ayon sa manggagamot, si U Long ay tuluyang mabubulag kung walang maipapalit na "cornea.". Ang operasyon ay napakamahal at ang pila para sa libreng opersayon ay totoong napakahaba.

Nagsimulang magtrabaho nang husto si Golden Flower ng mahabang oras sa gabi sa paggawa ng sombrero, upang kumita ng sapat na salapi. Isang araw ay nabalitaan ni U Long na may naaksidente at ibinigay ang mata para sa kanya. Madali siyang dinala sa pagamutan upang tistisin ang kanyang mga mata. Matapos na siya ay gumaling, galit pa niyang ipinasya na makita ang asawa upang pasalamatan siya sa pagkita ng pera para sa kanya. Nang kanyang itinaas ang nakatungong mukha ng asawa upang tumingin sa kanya, nagulat si U Long. Nakatitig ito sa kanya na walang paningin, walang mata, ang cornea ay wala na. Sa bugso ng damdamin, napaluhod siya sa paanan ng asawa na nanaghoy. At sa unang pagkakataon ay naibulong niya ang kanyang pangalan: Golden Flower.

Si Jesus ay nagnanais ng isang relasyon sa mga nagwawalang-bahala sa Kanya nang napakatagal na panahon. Pinanabikan Niyang marinig na ibulong natin ang Kanyang pangalan bilang ating Tagapagligtas. Nakahanda Siyang isakripisyo hindi lamang ang Kanyang mata kundi ang buo Niyang katawan upang ipakita ang Kanyang hindi nagbabagong pag-ibig. Ang Kanyang pag-ibig ay napamakapangyarihan, anupa't Siya ay "dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan" (I Timoeteo 1:15).

Ang dakilang sakripisyo ni Kristo ay lumikha ng tulay na bumabagtas sa ating pagwawalang-bahala na bumalot sa ating pagkakalayo sa Dios. Personal mo na bang natuklasan na ninanais ng Dios na ikaw ay hanguin mula sa lusak patungo sa Kanyang mga kamay? Nais mo bang tumugon at manalanging, "Jesus mahal Kita. Salamat sa Iyong hindi malirip na pagpapakasakit. Pumasok ka sa aking puso at iligtas Mo ako ngayon - iligtas mo ang buo kong katauhan, iligtas mo ako nang lubusan, iligtas mo ako magpasawalang hanggan"?

JESUS

DUMATING na Dios sa laman.
NABUHAY sa ating lugar ng buhay na walang kasalanan.
NAMATAY para sa ating mga kasalanan
MULING NABUHAY upang iligtas tayo sa kamatayan.
UMAKYAT upang maghanda ng tahanan para sa atin sa langit.
NAGLILINGKOD araw-araw bilang ating mataas na pari.
MULING BABALIK upang tayo ay suma-Kanya magpakailanman.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.