ISANG PANUKALA PARA SA IYONG BUHAY

Matapos ang pagsasalita ng ministro sa paksang, 'Bakit Ako Naniniwala kay Jesus', isang matikas na kabataang lalaki ang nagbigay pansin sa kanyang pangangaral at nagsabi, "Kawiliwili ang pangangaral mo ngayong gabi, ngunit ang mga binanggit mo tungkol kay Kristo ay nagmula sa iyong Biblia. Sabihin mo nga sa akin, kung si Jesus ay nabuhay sa lupa, bakit walang binabanggit ang kasaysayan tungkol sa Kanya?"

"Yan ay isang makabuluhang tanong," ang sagot ng ministro, habang nagbababa siya ng maraming aklat. "Ngunit sa katunayan, ang kasaysayan nga ang nagsasaad ng tungkol kay Jesus".

"Yaon ang nais kong matuklsan," ang sagot ng kabataang lalaki.

"Narito ang sulat 97 sa ika-10 Aklat ng Mga Liham ni Pliny ang Nakababata (Letter of Pliny the Younger), isang prokonsul ng Roma sa Bithynia, isang matandang lalawigan ng Asia Minor. Si Pliny ay lumiham kay Trajan na Emperador ng Roma, na nagsasaad tungkol sa mga nangyayari sa kanyang probinsya. Pansinin mo, humingi siya ng payo, kung paano niya pakikiitunguhan ang bagong sekta, ang mga Kristiyano.. Binanggit niya ang mabilis na paglaganap nila at kung paano sila umaawit ng mga himno para sa kanilang lider na si Kristo. Ipinadala ni Pliny ang kanyang liham noong taong 110 A.D. Ang liham ni Pliny ay nagsasaad ng makasaysayang katibayan ng taong si Kristo at ang paglaganap ng Kanyang pananampalataya sa panahon ng Kanyang mga alagad."

Gulat na nagwika ang kabataang lalaki. "Sige, ipahayag mo pa sa akin ang maraming mga bagay."

Habang binubuklat ng ministro ang iba pang mga aklat, ay sinabi niya. "Isa pang kapanahon ni Pliny ay si Tacitus, manunulat ng kasayasayan. Sa kanyang Annals, ika-15 aklat, kabanata 44, ay isinasaad ang pagkamuhi at paguusig ni Nero sa mga Kristiyano sa panahon ng pagkasunog ng Roma. Ipinaliwanag ni Tacitus na ang kahulugan ng Kristiyano ay nagmula sa pangalan ni Kristo. Binanggit niya na si Jesu-Kristo ang nagtatag ng relihiyong Kristiyanismo, na ipinapatay ni Poncio Pilato, ang prokurador ng Judea sa panahon ni Emperador Tiberius. Ang lahat ng mga bagay na binanggit ni Tacitus ay tumutugon sa mga tala ng Biblia, ang mga pangyayari, mga panahon, at mga lugar na pinangyarihan."

"Pastor, kailan man ay hindi ko alam na ang mga bagay na tulad niyan ay nasa sekular na kasaysayan," ang bulalas ng panauhin.

"Nais kong pansinin mo," and dagdag ng ministro, "noong dakong 180 AD, si Celsus ay sumulat ng isang aklat na binabatikos ang mga Kristiyano, na nagpapahiwatig na ang Kristiyanismo ng panahong yaon ay naging isang lakas na mahirap nang buwagin pa."

"Kung ikaw ay mayroon pang alinlangan, alalahanin mo ang apat na Ebangelyo ay kasaysayan ding katulad ng mga sekular na aklat na ito."

Nang maunawaan ng kabataang lalaki na ang banal na aklat at ang sekular na kasyasayan ay magkaayon, na si Jesus ay nabuhay bilang isang tao sa sanlibutang ito, siya ay yumaon na naniwala na si Jesus ay tunay na makasaysayang tao..

1. SI KRISTO AY NABUHAY BUHAT PA SA WALANG HANGGAN

Si Jesus ay hindi lamang isang mabuting tao, Siya ay isang Dios. Ano ang inaangkin ni Jesus sa Kanyang sarili, na may kinalaman sa Kanyang pagka-Dios?

"Kung ako'y kilala ninyo, ay makikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong makikilala, at siya'y inyong nakita . . . Ang nakita sa akin, ay nakakita sa Ama." Juan 14:7-9.

Kung nais mo ang katugunan sa mga katanungang ito, "Sino ang Dios? Ano ang katulad Niya?" Tumingin ka lamang kay Jesus na nagsabi na:

"Ako at ang Ama ay iisa.'' Juan 10:30.

Ang Dios Ama at ang Anak na si Jesus ay magkasama na buhat pa sa walang hanggan (Hebreo 1:8). Wala kahit isang panahon na si Jesus ay hindi kasama ng Ama. Ibinahagi ng Ama ang magkatulad na pag-ibig at pagkalinga sa bawat tao na ipinadama ni Jesus nang Siya ay nabuhay dito sa lupa bilang tao.

2. SI KRISTO ANG PUSO NG KASAYSAYAN AT NG PROPESIYA

Sapagkat ang kasaysayan ng buhay ni Kristo ang katuparan ng propesiya, ang kuwento ng Kanyang buhay ay naitala na bago pa man Siya isinilang. Ang mga propesiya ng Matandang Tipan ay pauna nang naglahad ng isang maliwanag na balangkas ng buhay, kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Ang Bagong Tipan ay ang katuparan ng kasaysayan ng Kanyang buhay.

Ang mga propeta ng Matandang Tipan na nabuhay mula limang daan hanggang labinlimang daang taon bago ipinanganak si Kristo, ay nagtala ng mga tiyak na propesiya tungkol sa buhay ng Mesiyas. At buhat sa pasimula ng paglilingkod ni Kristo sa lupa, samantalang inihambing ng mga tao ang Kanyang buhay sa propesiya ng Matandang Tipan, ano ang kanilang naging pasya?

"Nasumpungan namin ang isnulat ni Moses sa kautusan, gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazareth ang anak ni Jose." Juan 1:45.

Ang ating Tagapagligtas ay nanghahawak sa mga natupad na propesiya upang itatag ang pagkakakilanlan sa Kanya.

"At magmula kay Moses at mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa Kanya sa lahat ng mga [MatandangTipan] Kasulatan" Lukas 24:25-27.

Ang mga natupad na propesiya ay nagbibigay ng kapani-paniwalang mga katibayan na si Jesus ang siyang ipinangakong Tagapagligtas..

3. ANG BUHAY NI KRISTO AY KATUPARAN NG PROPESIYA

Tingnan natin ang ilan sa mga propesya mula sa Matandang Tipan at ang kanilang katuparan sa tala ng Bagong Tipan.

ANG LUGAR NA KANYANG SINILANGAN
Ang Propesiya ng Matandang Tipan:
"Nguni't ikaw Bethlehem Ehpratha . . . mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula ng una, mula nang walang hanggan." Mikas 5:2.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
"Ipinanganak si Jesus sa Bethlehenm ng Judea." Matthew 2:1.

SIYA AY IPINANGANAK NG ISANG DALAGA
Ang Propesiya ng Matandang Tipan:
"Narito, isang DALAGA ay maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel (Sumasa atin ang Dios)". Isa. 7:14.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
"Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang IPINAGLILIHI NIYA AY MULA SA ESPIRITU SANTO. Siya'y manganganak ng isang lalaki: at ang pangalang itatawag mo sa kaniya ay JESUS" (ang Panginoon ay nagliligtas)." Mateo 1:20-23.

ANG KANYANG LAHI MULA SA LIPI NI JUDA
Ang Propesiya sa Matandang Tipan:
"ANG SETRO AY HINDI MAHIHIWALAY SA JUDA, . . . hanggang sa siya ay dumating sa nagma-may-ari nito"- Gen. 49:10.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
''Sapagka't maliwanag na ang ANG ATING PANGINOON AY BUMABABA MULA SA JUDA" - Hebreo 7:14.

ANG PAGTATAKWIL
Ang Propesiya sa Matandang Tipan:
"Siya'y hinamak at ITINAKWIL ng mga tao'' . . . Isaias 53:3.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
''Siya'y naparito sa sariling kanya, ngunit SIYA'Y HINDI TINANGGAP NG SARILING KANYA'' Juan 1:11.

ANG PAGKAKANULO AT ANG KABAYARAN NA TINANGGAP NG NAGTAKSIL
Ang Propesiya sa Matandang Tipan:
"Oo, ang AKING KASAMA-SAMANG KAIBIGAN, na aking pinagtiwalaan na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.'' Mga Awit 41:9.

"At sinabi ko sa kanila; Kung inaakala ninyong mabuti, bigyan ninyo ako ng aking kaupahan; at kung hindi, inyong pabayaan. Sa gayon kanilang tinimbangan ang kaupahan ko ng TATTLUMPUNG PUTOL NG PILAK.'' Zacarias 11:12.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
"Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong sasaerdote. At sinabi, 'Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?'At siya'y tinimbangan nila ng TATLUMPUNG PUTOL NG PILAK.'' Matthew 26: 14,15.

ANG KAMATAYAN NIYA SA KRUS
Ang Propesiya sa Matandang Tipan:
"BINUTASAN NILA ANG AKING MGA KAMAY at ang aking mga paa." Mga Awit 22:16.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
"At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang IPINAKO SIYA SA KRUS.'' Lukas 23:33, Juan 20:25.

ANG KANYANG PAGTAKAS MULA SA LIBINGAN
Ang Propesiya sa Matandang Tipan:
"Sapagka't HINDI MO IIWAN ANG AKING KALULUWA SA SHEOL; Ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.'' Mga Awit 16:10.

Ang Katuparan ng Propesiya sa Bagong Tipan:
"Palibhasa'y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, na SIYA'Y HINDI PINABAYAAN SA HADES, ni ang kanya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan. Ang Jesus na ito'y binuhay na mag-uli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.'' Gawa 2:31,32.

Ang katibayang ay malakas na nagpapataunay na si Jesus ay hindi lamang nangyari upang tumugma sa mga propesiya. Ang kanyang talambuhay ay una nang naisulat sa pamamagitan ng mga mahimalang paraan. Tunay na si Jesus ay Anak ng Dios.

Matapos na tunghayan ang katibayan, kailangan natin ang may panalanging pagpapasya kung sino ang dapat na maging Panginoon ng ating buhay. Kung hindi mo pa ito nagagawa, maari bang ilagak mo ang iyong buhay sa mga kamay ni Jesus?

4. ISANG BUHAY NA PINANUKALA NG DIOS

Si Jesus ay nabuhay ng isang buhay na pinanukala ng Dios, isang binalangkas daang taon pa bago Siya ipinanganak. Laging namamalayan ang katotohanang ito, Siya ay nanatiling nakadarama ng poangunguna ng Dios. Sinabi ni Kristo:

"Wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinasalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama . . . sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kanya'y nakalulugod.'' Juan 8:28, 29.

Pinanukala ng Dios ang buhay ni Jesus bago siya isinilang, at may panukala din ang Dios para sa lahat ng mga tao. Batid Niya kung paanong matutupad ng bawat isa sa atin ang ating mga hinahangad at makasumpong ng saganang kabuhayan.

Si Ray ay walang kasiguruhan na nais niyang isuko ang kanyang buhay sa panukala ng Dios. Ngunit, nang kailangan niyang magpasya kung saan siya papasok ng kolehiyo, ay ipinasya niya sa kaunaunahang pagkakataon sa kanyang buhay na humanap ng banal na patnubay. Siya ay nanalangin ng maraming araw at sinikap na makinig ng kasagutan. Matapos ang ilang sandali, tila nagkaroon siya ng malinaw na pananaw kung bakit pinili niya ang isang di gaanong mahal ngunit malaki at di-namimiling pamantasan. Sa pasimula pa lamang ng kaniyang klase, ay nagkaroon na siya ng maraming mga Kristiyanong kaibigan na kabilang sa Campus Crusade for Christ. Ang dalawang taon niyang karanasan sa kanila ay lubhang binago ang kanyang buhay.

Sa pagtingin ni Ray sa kanyang nakaraan, ay napapansin niya na sa tuwing mayroon siyang hinaharap na mabigat na pagpapasya at naghanap ng banal na patnubay, "ang Dios ay nagbukas ng bagong daan para sa aking buhay."

Paano mo malalaman ang panukala ng Dios sa iyong buhay? Ang Dios ay pumaptnubay sa maraming paraan:

(1) ANG BIBLIA
Ayon sa mangaawit, ano ang Aklat na Patnubay ng buhay?

"Ang Iyong salita ay ilawan sa aking paa at liwanag sa aking landas." - Mga Awit 119:105.

Ang salita ng Dios ay bumabago ng ating kaisipan at naliwanag pang-unawa.(Roma 12:2; Mga Awit 119:99). Ang palagiang pag-aaral ng Banal na Kasulatan na may panalangin ay pinakamabuting paraan upang ating maituwid ang ating mga pangunahing pangangailangan. bu

(2) MGA PANGYAYARING KALOOBAN NG DIOS
Pinapatnubayan tayo ng Dios sa pamamagitan ng mga pangyayaring may banal na patnugot. Ang Mga Awit 23 ay inilalarawan Siya na isang Mabuting Pastor. Ang pastor ay siyang nangunguna sa kanyang mga tupa sa paglakad sa mga malalagong lambak at sa mga mababatong bangin. Mayroon tayong isang Pastor na laging nasa ating tabi.

(3) ANG TUWIRANG PAKIKIUGNAY NG DIOS SA PUSO
Pinapatnubayan tayo ng Dios sa pamamagitan ng Kanyang pakikipag-usap sa ating budhi. Ang Espiritu ang nagbibigay-liwanag sa "mga mata ng inyong puso.'' Efeso 1:18. Habang tayo ay laging nakikipagugnay sa Dios, Siya ay lagi namang handang patnubayan tayo sa lahat ng panahon. Kanyang hinuhubog kapuwa ang ating mga malalim na pananaw, ang ating pagmamatuwid at ang ating mga paghatol, upang ating malinaw na makita ang susunod na hakbang.

5. ANG MGA PATNUBAY AY DAPAT NA MAGKAKAUGNAY

Maaaring ipalagay na ikaw ay nabubuhay ng isang buhay na may patnubay ng Dios, kahit na sinusunod mo lamang ang iyong sariling hilig at simbuyo ng damdamin (Mga Kawikaan 16:25). Ang ating mga damdamin ay dapat na kaisa ng turo ng Banal na Kasulatan. Hindi nararapat na ating ipasya na ang Dios ang nangunguna sa atin, malibang ang tatlong patnubay ay magka-kaugnay.

Kunin nating halimbawa si Jake. Siya ay mayroon magandang asawa at dalawang anak, nguni't may relasyon siya sa ibang babae. Sinabi niya sa kanyang mga kaibigan, ''Idinalangin ko ito at nadama ko na ito ay kalooban Panginoon.''

Ang damdamin ni Jake at ang kaniyang "panloob na palagay" ay malinaw na naghatid sa kanya sa maling landasin. Kanyang inakala na banal na patnubay ng Dios na natagpugan niya ang babaeng ito at hindi na inisip na ang mga utos ng Dios sa Banal na Kasulatan ay laban sa pangangalunya. At ang Biblia at "ang kautusan at ang patotoo," ay ang may kapangyarihang aklat na patnubay, ang huling hukom sa pagtiyak ng tamang gawain (Isaias 8:20). Hindi natin dapat pahintulutan ang anumang palagay o tila banal na patnubay ang maghatid sa atin nang palayo sa isang simulain ng Biblia.

6. PAGPAPASAKOP SA PANUKALA NG DIOS

Nang tuksuhin ng Diablo si Jesus doon sa ilang, kanyang iminungkahi na; "Kung iyo lamang palalampasin ang napakahirap na pagpapakasakit na pinanukala ng iyong Ama para sa iyo ay ibibigay ko sa iyong mga palad ang buong mundo, katanyagan, magandang kapalaran at isang maginhawang buhay. Si Satanas ay sumipi pa sa Kasulatan upang si Jesus ay mapariwara. Ngunit sa bawat pagkakataon ay nilabanan siya ni Jesus ng mga salitang, ''Nasusulat.'' (Mateo 4:1-11).

Isang makapangyarihang aral na matututuhan natin mula sa buhay ni Jesus ay ang pagpapasakop sa kalooban ng Dios. Maging sa kahila-hilakbot na pagdurusa sa Gethsemane, sumigaw siya ng malakas na tinig, "Ama ko, kung maari, ay lumampas sa akin ang sarong ito; gayunmay, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.' ( Mateo 26:39). Pagkatapos ng tatlong taon ng Kanyang paglilingkod, na namumuhay ng kasangayon ng panukala ng Ama, ang mga salita ni Kristo, habang nagdurasa sa kamatayan sa krus ay ''Naganap na.'' Juan 19:30. Ang tunay na sinasabi ni Jesus ay, "Ang Aking buhay na pinanukala ng Dios ay ganap at natupad na."

Habang iyong pinakikinggan ang tinig ng Dios sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita, ng mga pangyayaring niloob ng Dios, at ng mga tuwirang sapantaha, ay buong-puso mong matutuhan na tanggapin ang Kanyang patnubay. Matutuklasan mo rin ang kasiyahan ng isang buhay na pinanukala at pinatnubayan ng Dios.


© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.