TUNAY BANG MAY HALAGA ANG BUHAY May mga umagang ang daigdig ay tila paraiso. Pagkagising mo, hihinga ka nang malalim sa may bintana, at titingin ka sa ginintunang sikat ng araw na kumikislap sa mga puno, sa bawat dahon. May mga sandali na ang buhay ay tila napakahalaga: ang mukha ng isang minamahal na kaibigan na iyong pinagpapaalaman, isang maringal na musika na lubos na lumalapat sa iyong damdamin, ang hindi inaasahang pagmamahal ng isang munting bata. Ngunit may mga umaga na ang sanlibutan ay tila lugar na kahindik-hindik. Gigising ka sa pangunahing balita ng diyaryo na sumisigaw tungkol sa isa namang terorista na naghagis ng bomba na lumumpo o bumulag sa isang bata, isang mamatay-tao sa kanyag ikasampung biktima, o isa na namang tag-gutom o baha o digmaan o lindol. Ito ang mga sandali na walang kabuluhan, walang katarungan. Ano ang kahulugan ng lahat ng ito? Mayroon ba tayong magagawang may kabuluhan sa ating kahanga-hanga at kakilakilabot na sanlibutan? Bakit tayo narito? Tunay bang may halaga ang buhay ko sa Dios o ako ay isa lamang munting ngipin sa isang granahe sa napakalawak na makina ng sansinukob? 1. ANG DIOS AY LUMIKHA NG ISANG SAKDAL NA SANLIBUTAN Ang Dios ang Manlalalang, ang arkitekto at nagpanukala ng lahat mula sa mga lubhang napakalaking mga bagay hanggang sa mga pakpak ng paru-paro. "Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit - at lahat ng hukbo ng kanilang mga bituin sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig Sapagkat siya ay nagsalita at yaon ay naganap; siya'y nagutos at iyon ay tumayong matatag." Mga Awit 33:6-9. Ang Dios ay nagsalita lamang at ang mga elemento ay sumunod sa Kanyang kalooban. 2. ANIM NA ARAW SA PAGGAWA NG ATING SANLIBUTAN "Sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang mga langit at ang lupa, ang dagat, at lahat ng mga naroon, at nagpahinga sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath at ginawa itong banal."- Exodo 20:11. Ang
walang hanggan, makapangyarihan sa lahat na Manlalang ay maari sanang
inanyuan ang sanlibutan sa isang saglit sa "hininga ng Kanyang
bibig." Ngunit pinili ng Dios na gawin ito sa loob ng anim na araw
- ang anim na minuto, o maging anim na saglit ay sapat na sana. Ang
Unang
Araw: liwanag: pagkakasunod ng araw at gabi unang kabanata sa Biblia, ang Genesis 1 ay inilalarawan ang nilikha ng Dios sa bawat araw ng linggo ng paglalang. Ano ang pinakaputong na nilikha ng Dios sa ikaanim na araw? "NILALANG NG DIOS ANG TAO AYON SA KANYANG SARILING LARAWAN, sa larawan ng Dios siya nilalang; LALAKI AT BABAE SILANG NILALANG NIYA." - Genesis 1:27. Ipinasya ng Dios na lalangin ang mga tao na tulad ng Kanyang Sarili na makapangangatuwiran at makadarama at makaiibig. Ang bawat tao ay ginawa sa "larawan" ng Dios. Nang ikaanim na araw ang sanlibutan ay napuno ng mga halaman at mga hayop, at ipinakilala ng Dios ang Kanyang pinakamahusay na nilikha. Ayon sa Genesis 2:7, ang katawan ni Adan ay inanyuan ng Makapangyarihan mula sa alabok ng lupa. Kaya nang hiningahan ng Dios ng "hininga ng buhay" ang mga butas ng kanyang ilong, ang tao ay naging "buhay na kalagayan," na ang ibig sabihin, siya ay nagkabuhay. Tinawag ng Dios na Adan ang unang taong nilikha Niya sa Kanyang larawan, isang salita na nangangahulugang "tao,".at ang unang babae, na Eva, na ang ibig sabihin ay "nabubuhay" (2:20; 3:20). Ang maibiging Manlalalang ay nakita ang pangangailangan ng pagsasamahan ng tao. Mula sa kamay ng Dios, sina Adan at Eva ay kapwa inilalarawan ang Kanyang wangis. Maari sanang ginawa na lamang ng Dios na parang mga robot ang tao na may kasiyahang palibot-libot na lang sa Halamanan ng Eden at itinataas ang kanilang mga tinig sa pagsamba sa Kanya. Ngunit gusto ng Dios ang higit pa: tunay na relasyon. Ang mga robot ay nakangingiti, nakapagsasalita, nakapaghuhugas ng mga pinagkanan, ngunit hindi sila makaiibig. Nilikha tayo ng Dios sa Kanyang larawan, na may kakayahang magisip at pumili, at umalaala, umunawa, at umibig. Sina Adan at Eva ay mga anak ng Dios na lubhang mahal sa Kanya. 3. DUMATING ANG KASAMAAN SA ISANG SAKDAL NA SANLIBUTAN Taglay nina Ada at Eva ang lahat na makapagpapaligaya sa kanila. Nasiyahan sila sa lubos na kalusugan ng katawan at isip, sa pamumuhay sa isang magandang tahanan sa halamanan sa isang sanlibutang walang kapintasan (Genesis 2:8; 1:28-31). Pinangakuan sila ng Dios ng mga anak at kakayahan ng malikhaing pagiisip, at makasumpong ng kasiyahan sa gawa ng kanilang mga kamay (Genesis 1:28; 2:15). Naranasan nila ang mukhaang pakikisama sa kanilang Manlalalang. Walang anumang bahid ng alalahanin, takot o sakit na puminsala sa kanilang mga pinagpalang araw. Paanong biglang naging isang dako ng kahirapan at trahedya ang sanlibutan? Ang ikalawa at ikatlong kabanata ng Genesis ay nagsasabi ng buong kasaysayan kung paanong nakapasok ang masama sa ating daigdig. Basahin mo sila sa iyong malayang mga sandali. Narito ang maigsing kabuuan ng kanilang nilalaman. Pagkatapos na maitatag ng Dios ang isang sakdal na sanlibutan, ang Diablo ay dumating sa Halamanan ng Eden upang tuksuhin sina Adan at Eva sa pagsuway sa kanilang Manlalalang. Hinanggahan ng Dios ang lugar ng Diablo sa isang puno sa halamanan, ang "puno ng pagkakilala ng mabuti at masama." At sila ay binalaan Niya na lumayo sa punongkahoy at kailanman ay huwag kumain ng bunga nito, o sila ay mamatay. Ngunit isang araw si Eva ay gumagala na malapit sa ipinagbabawala na puno. At mabilis na kumilos ang Diablo. Sinabi niya na ang Dios ay hindi sinabi ang totoo kay Eva: na kung siya ay kakain ng bunga ng puno ay hindi siya mamatay, kundi sa halip siya ay magiging matalinong katulad ng Dios na nakakaalam ng mabuti at masama. Sa kasamaang-palad si Eva at Adan, na nakakaalam lamang ng mabuti ay pinahintulutan ang Diablo na dayain sila at sinubukan nilang kumain ng ipinababawal na bunga - at nilabag ang kanilang tali ng pagtitiwala at pagsunod sa Dios. Pinanukala ng Dios para kay Adan aat Eva na "mangasiwa" ng ating sanlibutan bilang mga katiwala ng mga gawa ng Dios (Genesis 1:26). Ngunit dahil sa sinira nila ang pananampalataya sa Dios at pinili na nilang maging bagong lider nila ang Diablo, ang magasawa ay nawalan ng kanilang nasasakupan Inaangkin ngayon ng Diablo na sa kanya ang sanlibutan at sinusubok na alipinin ang mga tao. Maraming pagkakataon na tayo ay gumagawa ng mga bagay na makasarili o malupit bagaman sa totoo ay nais nating gawin ang kasalungat nito. Bakit? Sapagkat ang hindi nakikitang kaaway, ang Diablo, ay ginagawang mabigo ang mga tao sa mga bagay na moral. Samantalang binabasa mo ang ikatlong kabanata ng Genesis, matutuklasan mo na ang kasalanan ang dahilan ng may pagkatakot na pagtatago nina Adan at Eva mula sa Dios. Nabahiran ng kasalanan ang buong nilalang. Nagsilabas ang mga tinik na kasama ng mga bulaklak. Ang lupa ay nakaranas ng pagkatuyot, at ang paggawa ay naging pasanin. Nagsimulang magkaroon ng pagkakasakit. Ang pananaghili, pagkakagalit at kasakiman ay lubhang pinarami ang pagdurusa ng sangkatauhan. Ang higit na nakatatakot sa lahat, kasama ng kasalanang dumating ang kamatayan! 4. SINO ITONG DIABLO NA HINAWAHAN NG KASALANAN ANG ATING SANLIBUTAN? "Siya ay ISANG MAMAMATAY-TAO MULA SA PASIMULA, . . . walang katotohanan sa kanya. Kapag siya'y nagsasalita ng kasinungalingan, nagsasalita siya sa kanyang sariling likas, sapagkat siya ay isang sinungaling at AMA NG KASINUNGALINGAN. _ Juan 8:44. Ayon kay Jesus, ang Diablo ang pasimula ng kasalanan sa sansinukob, ang "ama" ng kasalanan at kung gayon ng pagpatay at kasinungalingan. Minsan si Thomas Carlyle, ang dakilang pilosopong Ingles ay isinama si Ralph Waldo Emerson sa ilang pinakamasamang lansangan ng East End sa London. Sa kanilang paglalakad, tahimik silang nagmamasid sa kahabag-habag na kalagayan at kasamaan sa kanilang paligid. Si Carlyle ay nagtanong, "Ikaw ba'y naniniwala na ngayon sa Diablo?" 5. NILALANG BA NG DIOS ANG DIABLO? Hindi! Ang mabuting Dios ay hindi lalalang ng diablo. Gayunman sinasabi ng Biblia na ang Diablo, kasama ng mga anghel na kanyang dinaya, ay nawala sa kanilang lugar sa langit at naparito sa ating sanlibutan. "At nagkaroon ng DIGMAAN SA LANGIT, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon, at ANG DRAGON AT KANYANG MGA ANGHEL ay lumaban. Ngunit hindi sapat ang kanyang lakas, at NAWALA ANG KANILANG LUGAR SA LANGIT. Ang malaking dragon ay itinapon - ang matandang ahas na tinatawag na diablo o Satanas, ang dumaya sa buong sanlibutan. Siya ay itinapon sa lupa, at ang kanyang mga anghel na kasama niya." - Apokalipsis 12:7-9. Paanong napunta sa langit ang Diablo sa pasimula? "Pinahiran kita na isang NAGBABANTAY NA KERUBIN; Ikaw ay nasa banal na bundok ng Dios; . . . IKAW AY SAKDAL SA IYONG MGA DAAN mula sa araw na IKAW AY LALANGIN hanggang sa ang KASAMAAN AY NATAGPUAN SA IYO." - Ezekiel 28:14, 15. Hindi nilalang ng Dios ang Diablo. Nilalang Niya si Lucifer na isang sakdal na anghel, isang pangunahing anghel, na tumatayong pangalawa sa trono ng Dios. Ngunit siya ay nagkasala - "ang kasamaan ay natagpuan" sa kanya. Itinapon mula sa langit at nagkunwang kaibigan nina Adan at Eva, siya ay naging pinakamalupit na kaaway ng sangkatauhan. 6. BAKIT SI LUCIFER, ANG SAKDAL NA ANGHEL, AY NAGKASALA? "Ano't NAHULOG KA MULA SA LANGIT, O tala sa umaga, anak ng umaga! IKAW AY ITINAPON SA LUPA . . . Sinabi mo sa iyong puso, 'Ako'y aakyat sa langit; itatatag ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Dios; . . . GAGAWIN KO ANG AKING SARILI NA GAYA NG KATAAS-TAASAN!" - Isaias 14:12-14. Ang nilalang na naging Diablo sa simula ay tinawag na Lucifer, na ang kahulugan ay "tala sa araw" o "isang maningning." Sa puso ng anghel na ito, ay nagsimulang palitan ng karangyaan at paghahangad ang katapatan. Ang binhi ng pagmamataas ay lumago sa isang matinding paghahangad na kunin ang lugar ng Dios. Si Lucifer ay lubusang gumawa upang hikayatin ang mga ibang nilalang sa langit. Madaling isipin na sinasabi ni Satanas na ang banal na kautusan ay lubhang mahigpit at ang Dios ay walang pagmamalasakit. Siniraang-puri niya ang Isa na ang likas ay inilalarawan kung ano ang pagibig. Paanong nilunasan ang ganitong alitan sa langit? "Ang iyong puso ay nagmataas, . . . Kaya inihagis kita sa lupa." - Ezekiel 28:17. Ang pagmamataas ay ginawang Diablo o Satanas ang puno ng mga anghel. At upang panatilihin ang kapayapaan at pagkakaisa sa langit, siya at ang ikatlong bahagi ng mga anghel sa langit na umanib sa kanya sa paghihimagsik ay itiwalag (Apokalipsis 12:4, 7-9). 7. SINO ANG MAY KAPANAGUTAN SA KASALANAN? Bakit hindi lumikha ang Dios ng mga taong walang kakayahang magkasala? Kung iyon ang Kanyang ginawa ay wala na sanang suliranin ng kasamaan sa ating sanlibutan. Ngunit gusto ng Dios na ang mga tao ay magkaroon ng makahulugang ugnayan. Kaya "Nilikha ng Dios ang tao sa Kanyang sariling larawan" (Genesis 1:27). Ang kahulugan nito ay malaya tayo at may kapanagutan. Maari tayong magpasya na ibigin o kaya ay talikuran ang Dios. Binigyan ng Dios ang mga anghel at mga tao ng bawat salin-lahi ng likas na espirituwal at kakayahang gumawa ng mga tunay na pagpili. "Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran." - Joshua 24:15. Hinahamon ng Dios ang Kanyang mga nilikha sa Kanyang larawan na piliin ang paggawa ng matuwid sapagkat ang kanilang kapangyarihang mangatuwiran ay nagsasabi sa kanila na "ang daan ng Dios ay pinakamabuti." At talikuran ang masama sapagkat ang kanilang kapangyarihan ng pangangatuwiran ay nagbabala laban sa bunga ng pagsuway at kasalanan. Tanging ang mga nilikha lamang na may kapangyarihan ng pangangatuwiran at pagpili ang makakaranas ng tunay na pagibig. Ninais ng Dios na lumikha ng mga indibiduwal na makauunawa at magpapahalaga ng Kanyang likas, malayang tumugon sa Kanya sa pagibig, at mapuspos ng pagibig para sa iba. Lubos na gusto ng Dios na ibahagi ang Kanyang pagibig, na anupa't kusang-loob Niyang inako ang napakabigat na panganib ng paglikha ng mga anghel at taong may kapangyarihan ng pagpili. Batid Niya na balang araw ay maaring isa sa Kanyang mga nilikha ay maaring piliin na hindi maglingkod sa Kanya. Ang Diablo ang unang nilikha sa sansinukob na gumawa ng ganoong kakilakilabot na pagpili. Ang trahedya ng kasalanan ay nagsimula sa kanya (Juan 8:44, I Juan 3:8). 8. ANG KRUS ANG MAARING MAGWASAK SA KASALANAN Bakit hindi winasak ng Dios si Lucifer bago kumalat ang kasalanan? Hinamon ni Lucifer ang katarungan ng pamahalaan ng Dios. Nagsinungaling siya tungkol sa Dios. Kung agad winasak ng Dios si Lucifer, ang mga anghel ay magsisimulang paglingkuran Siya dahil sa takot at hindi dahil sa pagibig. Ito ay makasisira sa adhikain ng Dios sa paglikha ng mga nilalang na may kapangyarihang pumili. Paanong tunay na malalaman ninoman na ang daan ng Dios ay pinakamabuti? Binigyan ng Dios si Satanas ng pagkakataon na ipakita niya ang kanyang paraang maaring piliin. Kaya siya binigyan ng pagkakataon na tuksuhin sina Adan at Eva. Ang planetang ito ay naging subukan kung saan ang likas ni Satanas at ang likas ng kanyang kaharian ay inihahambing sa likas ng Dios at ng Kanyang kaharian. Sino ang tama? Sino sa wakas ang ating mapagtitiwalaan? Lubhang mapanlinlang si Lucifer, na nangailangan pa ng panahon ang mga nilikha ng sansinukob na lubusang maniwala kung gaano kapaminsala ang kanyang paraan. Ngunit sa wakas ay makikita ng lahat na "ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" at ang "kaloob ng Dios ay walang hanggang buhay kay Kristo Jesus na ating Panginoon" (Roma 6;23). Ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay aayon na: "Dakila at kamanghamangha ang Iyong mga gawa, O Panginoong Dios na Makapangyarihan. Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga panahon. . . .Ang lahat ng bansa ay darating at sasamba sa harap Mo, sapagkat ang Iyong matuwid na mga gawa ay nahayag." - Apokalipsis 15:3, 4. Pagkatapos na maunawaan ng lahat ang nakamamatay na likas ng kasalanan at ang mapangwasak na mga pilosopiya ni Satanas, maari nang wasakin ng Dios si Satanas at ang kasalanan. Wawasakin din Niya yaong mga sutil na lumalaban sa Kanyang biyaya at nanatili kay Satanas. Ang Dios ay nangako na wawasakin ang kasalanan magpakailanman sa pamamagitan ng pagdalisay ng apoy sa mga langit at lupa. Sa pangakong ito ay makatitingin tayo "sa hinaharap para sa bagong langit at bagong lupa, ang tahanan ng matuwid" (2 Pedro 10, 13). Hindi na kailanman mahahawa ng kasalanan ang sansinukob. Sino ang makagagawa ng katapusan ng Diablo at kasalanan? "Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, at Siya man ay nakibahagi rin sa kanilang pagkatao upang sa Kanyang kamatayan ay wasakin Niya ang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan - samakatuwid ay ang diablo - at mapalaya silang sa buong buhay nila ay nasa pagkaalipin dahil sa takot sa kamatayan." - Sa Mga Hebreo 2:14, 15. Sa krus ay nakita ng mga anghel at ng di-nagkasalang mga sanlibutan ang tunay na kalagayan ni Satanas - isang manlilinlang, magdaraya, at mamamatay-tao. Doon ay ipinakita niya ang kanyang tunay na likas nang pilitin niya ang mga tao na patayin ang Anak ng Dios. Lubusang nahayag sa krus ang mga adhikain ni Satanas, at kapag winasak na ng Dios ang diablo at yaong mga nagpupumilit sa kasalanan, ang lahat ay kikilalanin na ang Dios ay makatarungan. Ang kamatayan ni Jesus sa krus ay inihayag ang tunay na nasa ni Satanas sa harap ng lahat na nilalang (Juan 12:31, 32). Inihayag din ng krus kung sino si Kristo - ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Sa Golgotha ang kapangyarihan ng pagibig ay tumayong lubos na salungat sa pagibig sa kapangyarihan. Itinatag ng krus na walang alinlangan na ang pagibig na may sakripisyo sa sarili ang nagudyok sa Dios sa lahat ng Kanyang pakikitungo kay Satanas, kasalanan, at mga makasalanang lalaki at babae. Sa krus ang maliwanag na kapahayagan ng lubos na pagibig ng Dios ang walang alinlangang gumapi sa Diablo. Ang labanan tungkol sa kung sino ang mamamahala sa sanliubtan ay tinapos na magpakailanman sa krus. Kailangang si Kristo ang mangibabaw sa lahat! Natuklasan
mo na ba ang isang relasyon sa Tagapagligtas na namatay upang ihayag
ang kanyang walang kapantay, at di nagbabagong pagibig? Ano ang iyong
pakiramdam tungkol sa Isang naparito sa ating sanlibutan sa kalagayan
ng isang tao at namatay sa iyong lugar upang iligtas ka mula sa mga
bunga ng kasalanan? Yuyuko ka ba ngayon at pasasalamatan si Jesus, at
hihilingin sa Kanya na pumasok at sakupin ang iyong buhay?
©
2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast |
|