MAAARI TAYONG SUMAMPALATAYA SA DIYOS

Minsan ay tinanong ni Jim ang isang ateyista kung siya'y nakipagpunyagi, kahit ilang saglit, sa kaisipan na marahil ay mayroon ngang Diyos.

"Oo!" ang sagot ng ateyista, na ikinagulat ni Jim. "Ilang taon na ang lumipas nang isilang ang aming unang anak ay halos naniwala na ako sa Diyos. Samantalang aking pinagmamasdan ang maliit ngunit buo nang katawan sa duyan, ang pag-unat at pagtikom ng mga maliit na daliri, at nakita ko ang pasimula ng pagkilala sa mga maliliit na mga matang yaon, nagdanas ako ng ilang buwan, na sa loob ng panahong yaon ay halos tumigil na akong maging ateyista. Ang aking pagtingin sa musmos na yaon ay halos naging dahilan na ako'y maniwala na mayroon ngang Diyos.

1. BAWAT BAGAY NA PINANUKALA AY MAY NAGPANUKALA

Ang disenyo ng katawan ng tao ay nagpapahayag na may isang gumawa nito. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang utak ay nagiimbak at gumugunita ng libo-libong mga larawan sa isipan, pinagsasama at linulutas ang mga problema, humahanga sa kagandahan, inuunawa ang sarili, at naghahangad na paunlarin ang pinakamabuti sa bawat tao. Ang kuryenteng nagmumula sa utak ay siyang nangangasiwa ng lahat ng galaw ng kalamnan ng ating katawan.

Ang mga computer ay umaandar sa pamamagitan ng kuryente. Ngunit nangailangan ng isip ng tao upang imbentuhin at gawin ang computer at sabihin dito ang dapat nitong gawin.

Hindi nakapagtatakang sabihin ng mang-aawit na si David na ang katawan ng tao ay malinaw at malakas na naghahayag ng isang kahanga-hangang Manlalalang: "Ako'y nagpapasalamat sa iyo; sapagkat nilalang ako na kakilakilabot at kagilagilalas: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa." Awit 139:14.

Hindi natin kailangang lumayo upang mamalas ang "mga likha" ng Diyos. Ang masalimuot na disenyo ng utak ng tao at ang iba pang mga bahagi ng katawan ay "mga likha" ng Diyos, at nagtuturo sa walang-hanggang bihasa na may likha nito.

Walang bomba ng tubig na gawa ng tao ang makahihigit sa puso ng tao. Walang computer ang makapapantay sa sistema ng mga himaymay ng selula ng katawan ng tao. Walang telebisyon na kasing husay ng boses, tainga at mata ng tao. Walang paraan ng pagpapalamig at pagpapainit ang maaring pantayan ang gawain ng ating ilong, baga, at balat. Ang masalimuot na katawan ng tao ay nagmumungkahi na may isang gumagawa nito at iyon ay ang Diyos.

Ang katawan ng tao ay isang ganap na sistema ng mga sangkap - lahat ay magkaugnay, lahat ay lubos na pinanukala. Ang baga at ang puso, ang himaymay at ang mga kalamnan, lahat ay gumagawa ng mga di-kapanipaniwalang gawain na umaasa sa ibang di-kapanipaniwalang masalimuot na gawain.

Kung lalagyan mo ng magkakasunod na bilang ang iyong sampung barya, at pagkatapos ay pagsamahin mo sa iyong bulsa, kalugin, ilabas mong lahat at muli mong ibalik nang isa-isa sa iyong bulsa, ano ang katiyakan na ito'y magagawa mo ayon sa tiyak na pagkasunod-sunod ng bilang? Sa batas ng matematika ay mayroon ka lamang isang pagkakataon sa sampung bilyon na ilabas sila sa iyong bulsa nang sunod-sunod ayon sa kanilang bilang mula isa hanggang sampu.

Ngayon isaalang-alang mo ang pagkakataon ng tiyan, utak, puso, atay, malalaking ugat, mga ugat, bato, tainga, mata at ngipin na lumalagong magkakasama at nagsisimulang gumawa sa parehong saglit ng panahon. Ano ang pinakamakatuwirang paliwanag tungkol sa ganitong disenyo ng katawan ng tao?

"At sinabi ng Diyos, lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis,' KAYA NILALANG NG DIOS ANG TAO AYON SA KANYANG SARILING LARAWAN, ….sila'y Kanyang nilalang na lalaki at babae." -Gen. 1:26, 27.

Ang unang tao ay hindi lamang basta nangyari. Pinatutunyan ng Biblia na idinesenyo tayo ng Dios ayon sa Kanyang larawan. Pinanukala Niya tayo at binigyan ng buhay.

2. ANG LAHAT NG GINAWA AY MAY GUMAWA

Ngunit ang katibayan tungkol sa Diyos ay hindi lamang sa disenyo ng ating mga katawan, ito'y makikita rin sa kalangitan. Huwag mong pansinin ang mga ilaw sa lansangan at tumingala ka sa langit. Ang malagatas na ulap sa dako pa roon ng mga bituin na tinatawag na Milky Way, sa katotohanan ay kabuuan ng libong angaw ng mga naglalagablab na araw na katulad ng ating araw. Ang ating araw kasama ang mga planeta nito ay bahagi lamang ng Milky Way. Ang Milky Way natin ay isa lamang sa tinatayang daang angaw na mga bituin na makikita lamang sa pamamagitan ng ga-higanteng teleskopyo sa lupa at sa teleskopyong Hubble na nasa kalawakan.

Hindi katakataka na sinabi ng mangaawit na ang mga bituin ay nagsasalita tungkol sa isang maluwalhating Manlalalang:

"Ang mga kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ang mga kalawakan ay nagpapahayag ng gawa ng Kanyang mga kamay." - Mga Awit 19:1-3.

Ano ang makatwiran nating konklusyon sa masalimuot na disenyo at kalawakan ng sansinukob?

"Nang pasimula ay nilikha ng Diyos and langit at ang lupa." Genesis 1:1

"Siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabuhay dahil sa
Kanya." Col. 1:1.

Ang lahat ng nilikha ay nagpapatunay tungkol sa Diyos ang Punong Tagadisenyo at Walang Hanggang Manlalalang. Sa mga katagang "nang pasimula ay nilikha ng Dios," ay masusumpungan natin ang tugon sa hiwaga ng buhay. Mayroong Diyos na siyang gumawa ng lahat.

Maraming siyentipiko ngayon ang naniniwala sa Diyos. Si Dr. Arthur Compton, pinagkalooban ng karangalang Nobel Prize bilang "physicist" ay nagwika tungkol sa talatang ito ng Biblia:

"Sa ganang akin, ang pananampalataya ay nagsisimula sa pagkaunawa na may isang pinakamarunong sa lahat na gumawa ng buong sansinukob at ng tao. Hindi mahirap para sa akin ang magkaroon ng ganitong panananampalataya, sapagkat malinaw na kung mayroong panukala ay mayroon ding nagpanukala nito. Ang maayos, at nakalatag na sansinukob ay nagpapatotoo sa katotohanan ng mga katagang - "nang pasimula ay nilikha ng Diyos."

Ang Biblia ay hindi nagpapatunay tungkol sa Diyos - ito'y nagpapahayag ng Kanyang pag-iral. Si Dr. Arthur Coklin, isang bantug na biologist ay minsang sumulat: "Ang pagkakataon na ang buhay ay nagmula sa isang aksidente ay maihahalintulad sa pagkakataon na ang isang walang bawas na diksiyunaryo ay bunga ng pagsabog sa isang palimbagan."

Alam natin na ang tao ay walang kakayahang lumlikha ng isang bagay mula sa wala. Maari tayong makaimbento ng mga bagay, makatuklas, pagsa-samahin ang mga bagay na umiiral na, ngunit hindi natin kayang lumlikha ng anumang bagay. Ang lahat sa ating paligid ay sumisigaw na ang Dios ang nagpanukala, ang Dios ang lumikha, ang Dios ang nagtataguyod. Ito lamang ang kapanipaniwalang tugon sa pinagmulan ng sansinukob, ng sanlibutang ito, at ng mga tao - ang Dios.

3. ANG DIYOS AY NAIS NA MAKIPAG-UGNAYAN NANG PERSONAL SA TAO

Ang Diyos na lumikha ng mga bituin at ng sansinikob ay nais makipag-ugnayan sa tao. Siya'y nakipag-ugnayan kay Moses : Ang Panginoon ay nakipagusap kay Moises …. Gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. (Exodus 33:11). Gusto ng Dios na magkaroon ng personal na relasyon sa iyo at maging Kaibigan mo. Ipinangako ni Jesus sa mga sumusunod sa Kanya: "Kayo ay aking mga kaibigan" (Juan 15:14).

Lahat tayo ay nakipagbaka sa kaisipan na may Dios, sapagkat ang lahat ng tao ay likas na relihiyoso. Walang hayop na nagtayo ng altar para sumamba. Gayunman sa bawat dakong masusumpungan mo ang mga lalaki at babae ay masusumpungan mo silang sumasamba. Sa kaibuturan ng puso ng bawat tao ay ang likas na pagnanais na sumamba, ang pagkadama sa Dios, at hangarin na maging kaibigan ng Dios. Kapag tumugon tayo sa ating pagnanais at masumpungan ang Dios, wala ng alinlangan tungkol sa Kanyang pagiral at ating pangangailangan.

Noong dakong 1990, milyong mga ateyista sa Rusya ang nagbalik sa Diyos. Isang propesor sa pamantasan sa St. Petersburg ang nagwika ng kumakatawan sa saloobin ng mga nabagong ateyista sa dating Unyon Sobyet:

"Aking hinanap ang kahulugan ng buhay sa aking maka-agham na pananaliksik, ngunit wala akong nasumpungang mapagkakatiwalaan. Ganito rin ang nadama ng iba pang mga siyentipiko. Samantalang aking pinagmamasdan ang malawak na sansinukob sa aking pagaaral ng astronomiya, at ang kahungkagan ng aking kaluluwa, ay nadama kong mayroong kahulugan. At nang tanggapin ko ang Bibliang ibinigay mo sa akin at pinasimulang basahin ito, ang puwang sa aking buhay ay napunan. Nasumpungan ko na ang Biblia lamang ang tanging pinagmumulan ng pagtitiwala para sa aking kaluluwa. Aking tinatanggap si Jesus bilang aking Tagapagligtas at nasumpungan ko ang tunay na kapayapaan at kasiyahan sa buhay.

Ang Kristiyano ay sumasampalataya sa Diyos sapagkat kanyang nakilala Siya at natuklasan na Siya ang tumutugon sa pinakamalalim na pangangailangan ng puso. Ang Diyos na may lubos na kasiyahang nasumpungan ng mga Kristiyano ang nagbibigay sa atin ng bagong pananaw, bagong kahulugan, bagong layunin at katuwaan.

Ang Dios ay hindi nangangako ng buhay na walang suliranin at alitan ngunit Kanyang tinitiyak sa atin na papatnubayan at tutulungan tayo kung tayo'y sasampalataya sa Kanya. Milyon ang mga Kristiyano na nagpapatotoo na sila'y handang magsakripisyo kaysa bumalik sa buhay na walang Diyos.

Ito ang dakilang himala sa lahat - na ang Makapangyarihang Dios na nagpanukala, lumikha, gumawa at nagtataguyod ng sansinukob ay nais na magkaroon ng personal na relasyon sa tao. Namangha rito si Haring David, nang kanyang sulatin:

"Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at mga bituin na iyong inayos; ano ang tao upang iyong alalahanin siya?" - Mga Awit 8:3, 4.

Ang ating Manlalalang ay "nagmamalasakit" sa bawat isa sa atin. Inaako Niyang personal ang Kanyang interes sa iyo na tila ba ikaw lamang ang taong Kanyang nilikha.

Anupa't maaari tayong sumampalataya sa Diyos: (1) Dahil sa masalimuot na disenyo sa lahat ng Kanyang nilikha sa paligid natin. (2) Dahil sa pagnanais ng ating kalooban para sa Dios na iniiwan tayong hindi mapalagay hanggang hindi tayo nakasusumpong ng kapahingahan sa Kanya. At, (3) Dahil, kapag hinanap natin at nasumpungan Siya, ay lubos na binibigyang kasiyahan ng Dios ang bawat pangangailangan at pagnanais natin!

4. ANONG URI SIYA NG DIOS?

Makatuwiran lamang na ang isang personal na Dios ay nais ihayag ang Kanyang sarili sa Kanyang mga nilalang na gaya ng isang ama sa kanyang mga anak. Sa Biblia, sinasabi ng Dios kung sino Siya at ano ang katulad Niya.

Ano ang naging huwaran ng Dios sa paglikha sa tao?

"At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang." Genesis 1:27

Yamang tayo ay nilikha sa larawan ng Dios, ang ating kakayahan na mag-isip at dumama, umalala at umasa, umunawa at kumilala - lahat ay mula sa Kanya.

Ano ang pangunahing likas ng Dios?

"Ang Dios ay pag-ibig." I Juan 4:8.

Ang Dios ay nakikipag-ugnayan sa tao na may pag-ibig. Walang anuman Siyang ginawa o gagawin na hindi pinakikilos ng di-makasariling pag-ibig.

5. PAANONG INIHAYAG NI JESUS KUNG ANO ANG KATULAD NG DIOS?

Sa Biblia, ilang ulit na nagsalita ang Dios tungkol sa Kanyang sarili na isang ama.

"Hindi ba iisa lamang ang ating Ama? Hindi ba iisang Dios ang lumalang sa atin?" Malakias 2:10.

Ang Dios ay katulad ng isang mapagmahal na ama. Siya'y katulad ng isang ama na nais makipaglaro sa kanyang mga anak at nais magbigay ng kuwentong nakakaaliw sa kanila. Nais ng ating mapagmahal na Ama na gumawa pa nang higit kaysa ihayag ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Kasulatan. Alam Niya na ang taong kasama nating nabubuhay ay higit na tunay sa atin kaysa isang naririnig o nababasa lamang natin sa aklat. Kaya Siya ay naparito sa sanlibutan na isang tunay na tao - sa katauhan ni Jesus.

"Na siya [Jesus] ang larawan ng Dios na di nakikita . . ." Colosas 1:15.

Kaya kung nakita mo si Jesus, nakita mo rin ang Dios. Siya'y naparito sa ating kalagayan - Siya ay naging tulad natin - upang ituro Niya sa atin kung paanong mamuhay at maging maligaya at nang ating makita kung ano ang tunay na katulad ng Dios. Si Jesus ang Dios na nakikita. Siya rin ang nagsabi, 'Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama." (Juan14:9).

Samantalang binabasa mo ang kasaysayan ni Jesus sa apat na aklat ng ebanghelyo ay iyong matutuklasan ang kamangha-manghang larawan ng ating Ama sa langit. Ang mga mangingisda ay iniwan ang kanilang mga lambat upang sumunod kay Kristo, at ang maliliit na mga bata ay nagsama-sama upang tumanggap ng Kanyang pagpapala. Maari Niyang aliwin ang mga napipighating mga makasalanan at sumbatan ang mga mapagpaimbabaw. Pinagaling niya ang mga may iba't-ibang sakit. Sa lahat ng kanyang ginawa ay ipinamalas niya na ang Dios ay pag-ibig. Ang pangwakas na maluwalhating paghahayag kung ano ang Dios ay naganap sa krus.

"Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa Kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.' Juan 3:16.

Si Jesus ay namatay hindi lamang upang bigyan tayo ng maligayang buhay ngayon kundi upang bigyan tayo ng buhay na walang hanggan. Sa mahabang panahon ang mga tao ay hinanap ang Dios. Ang gawa ng kanyang mga kamay ay nakita sa kalawakan, sa sanlibutan at kalikasan. At minsan sa krus, sa pamamagitan ni Jesus ay nakita kung ano ang kagaya ng Dios, na Siya ay pag-ibig, walang hanggan at walang kamatayang pag-ibig!

Maaari mong matuklasan ang Dios sapagkat Siya'y ipinakilala ni Jesus. Ang pagtuklas na ito ay pangungunahan kang gumawa ng isang personal na pagpapatotoo. "Ama, iniibig kita."

 

© 2003 The Voice of Prophecy Radio Broadcast
Los Angeles, California, U.S.A.